ni Ambet Nabus @Let's See | August 29, 2025

Photo: Ara Mina at Sarah Discaya - IG
“VERY showbiz na ang pulitika. Kung magbangayan at magpahiyaan, wagas, pero madali rin namang nagpapatawaran. Paano na ‘yung may mas maiingay na isyu at dapat na parusahan?” komento ng mga ka-chat namin sa socmed (social media).
Matapos kasing mapabalita na nagkaayos na sina Cong. Richard Gomez at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, naghihintay ang lahat kung sino ang susunod na magkakabati.
Nag-umpisa sa mala-showbiz na blind item ang pasaring ni Cong. Richard tungkol sa nagmamalinis na alkalde in guise of corruption item para siraan ang mga gaya niyang kongresista. Inako nga ‘yun ni Magalong na nagsabi pang matalik silang magkaibigan ni Goma.
At dahil showbiz na nga ang datingan ng mga ganap sa pulitika at media, kasama na ang pinakamainit ngayong Pasig Mayor Vico Sotto versus Korina Sanchez, Julius Babao, Arnold Clavio et. al. item, i-expect na raw nating may mga lulutang pang gaya nila.
Hindi nga ba’t kahit si Carla Abellana ay nagkuwento na rin ng kanyang saloobin sa Discaya couple issue? Naghihintay nga ang marami kung ano ang sasabihin ni Ara Mina na best friend nga ni Sarah Discaya.
The fact is, may mga kumukuwestiyon nga rin sa motibo ni Cong. Leviste ng Batangas sa tila pag-grandstanding nito laban sa dating Cong. Eric Buhain.
Sey nga ng netizen, “Sa tagal ng nanay n’ya sa Senado (Loren Legarda), bakit hindi nila ito napuna noon?”
Ang parehong isyu ay ibinato rin kay Sen. Ping Lacson na naka-ilang termino na raw sa Senado pero bakit ngayon lang nag-iingay sa mga isyu ng mga kontratista at mga flood control projects citing na may malaking problema nga sa Department of Public Works and Highways (DPWH)?
Hindi man direktang showbiz ang issue pero kapag may mga names na may koneksiyon sa showbiz, hindi rin talaga maiiwasan na magtanong sa kanila?
Sana nga raw ay makagawa ng magandang script si Meme Vice Ganda na nasa Europe ngayon kasama ang ASAP family for some shows, para naman ma-update rin ang mga kababayang Pinoy natin doon.
Ay, wait! Ano nga raw po ang update sa marijuana issue sa Senado na nagdulot nga ng pagre-resign ni Nadia Montenegro?
O ‘yung usapin sa mga ‘lost sabungeros’ kung saan nakaladkad ang names nina Gretchen Barretto at Sunshine Cruz?
O, ‘di ba? Very showbiz at galawang umaarte with and without cameras ang mga artista natin? Hahaha!
Direktor ng Sister Stella L.
MIKE DE LEON, PUMANAW NA SA EDAD NA 78
Isa na namang malungkot na araw para sa mga taga-industriya ang pagpanaw ng batikan at institusyon nang direktor na si Mike de Leon.
Sa mga nakumpirma naming balita sa socmed (social media), pumanaw na nga ang mahusay na direktor sa edad na 78 (born May 24, 1947).
Sa post ng Carlotta Films sa Facebook (FB), nakiramay ang ilang kilalang tao sa industriya gaya nina Wilson Tieng, Raymond Red, Marita Zobel, Anne Cayabyab, Emmanuel de la Cruz, Butch Ibañez, Jim Elrich Reid at iba pang nakakakilala sa pagka-henyo ni Direk Mike.
Twice or thrice lang yata naming nakahuntahan ang magaling na direktor noong late ‘80s at mid-‘90s. Isa siya sa mga kinatakutan naming direktor na kahit ang yumaong si Ate Luds (Inday Badiday) ay nagre-rehearse pa talaga ng mga tanong kapag kakausapin siya unlike noong mga interviews namin noon kina NA (National Artist) Ishmael Bernal at Lino Brocka na harutan at baklaan lang.
Sobra kasi siyang istrikto sa oras at hindi siya ‘yung conventional director na susunod sa dikta ng producer para i-PR ang gawa niya.
Nakakaloka, pero sadyang iba siya. One of a kind talaga!
Sa mga nag-aaral at nagsasaliksik talaga ng kasaysayan ng paggawa ng pelikulang lokal, hindi puwedeng kalimutan ang mga obrang gawa ng isang Mike de Leon na kahit sa mga festival abroad ay namayani at naglagay sa mapa ng bansa sa world cinema.
Mahirap nang pantayan ang mga klasikong films na ginawa niya gaya ng Sister Stella L. (SSL), Kisapmata, Batch 81, Kakabakaba Ka Ba? (KKB), Itim, Third World Hero (TWH), Citizen Jake (CJ), at kahit na sa mga komersiyal na pelikula ay pumatok din ang tatak-Mike de Leon.
Nandiyan ang Kung Mangarap Ka’t Magising (KMKM), Hindi Nahahati ang Langit (HNAL), Aguila atbp..
Sigurado kaming ang mga gaya nina Vilma Santos, Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Hilda Koronel, Dina Bonnevie, Edu Manzano, Elizabeth Oropesa, Daria Ramirez, Sandy Andolong, Charo Santos, Boboy Garovillo, Nanette Inventor, Atom Araullo at ilan pang kilalang pangalan sa industriya na buhay pa ay malungkot din sa balitang ito lalo’t nakatrabaho nila sa mahahalagang pelikula nila si Direk Mike.
Ang ilan pang mga haligi ng industriya na nabigyang-ningning din sa acting career nila dahil sa mga gawang-Mike de Leon ay sina Fernando Poe, Jr., Amalia Fuentes, Eddie Garcia, Gloria Romero, Anita Linda, Jay Ilagan, Johnny Delgado, atbp..
Alam naming may mga grupo na ring nagsusulong para hirangin din siyang National Artist for Film and Broadcast dahil matindi rin nga ang naging kontribusyon niya sa industriya at isa siya sa mga pamosong direktor ng bansa na nagpapakilala ng Pinoy culture sa global scene.
Sa mga naulila ni Direk Mike, ang amin pong pakikiramay. Mabunying pagsaludo po sa isang henyo at napakagaling na direktor!






