ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | September 7, 2025

Photo: Esnyr - FB
Nakakaaliw naman ang ibinahagi sa social media ng content creator at Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition 3rd Big Placer na si Esnyr Ranollo.
Nag-post si Esnyr ng larawan na nagpapakita ng cake para sa advanced birthday celebration ng co-housemate na si Klarisse De Guzman.
Noong Setyembre 6 ay nagdiwang ng ika-34 na kaarawan si Klarisse. Nagkaroon ng group chat kasama si Esnyr para pagplanuhan ang surprise party para kay Klarisse at naging successful naman ito.
‘Yun nga lang, pagdating sa cake ay mali ang spelling ng pangalan ni Esnyr. Kaya naman, ang naging caption sa post niya: “Sino si Ecnyr?!”
Comment ng isang netizen, “‘Yung ikaw na nga nag-ambag sa cake pero mali spelling.”
Dagdag na biro pa ni Esnyr sa post niya, “HBD (happy birthday), MOWM! Pa-refund na lang din ng surprise namin, add ka namin sa GC para sa breakdown ng gastos (party face emoji).”
Sey naman ng isang netizen sa comment section, “Surprise pero ikaw na may birthday din ang magbabayad later.”
Bongga ang tawa ng mga netizens sa post ni Esnyr.
Happy birthday, Klarisse de Guzman!
“OUR greatest love and biggest heartbreak,” ito ang naging pahayag ng aktres na si Kim Domingo nang pumanaw ang kanyang alagang aso na si Koleen.
Hindi maitago ni Kim ang matinding kalungkutan matapos pumanaw ang sampung taong gulang na pinakamamahal niyang aso na itinuring na niyang anak.
Nagbahagi si Kim sa kanyang Facebook (FB) page ng larawan ng kanyang fur baby habang tinititigan ito, kalakip ang emosyonal na mensahe.
Aniya, “Anak, salamat sa isang dekada. Kung puwede lang maulit, balik ka na lang sa three-month-old. Kulang ang sampung taon pero alam ko lahat ay darating d’yan.”
Ayon kay Kim, naramdaman na niya na tila nagpapaalam na si Koleen bago pa ito pumanaw.
Aniya, “‘Yung mga mata mo, tila ba nagsasabi sa ‘kin na, ‘Mommy, gusto ko na magpahinga. Sorry, hindi na ako makatayo, ni hindi ko na mawagwag buntot ko kahit excited akong makita ka.’”
Alam ni Kim na wala na rin siyang magagawa kaya tinanggap na lang niya ang nangyari sa pinakamamahal niyang alagang aso.
Aniya, “No more pain na, anak. Takbo ka d’yan, ha, at kain ka ng maraming tissue. Sobrang sakit anak pero ito ang realidad. Till we meet again. Run free. Mahal na mahal kita, Koleen (red heart emojis).”
Nakikiramay kami sa ‘yo, Kim, sa pagpanaw ng iyong fur baby na si Koleen. Minsan isang panahon, naranasan din ni yours truly ang mawalan ng alagang aso na itinuring ko na ring kapamilya. Ang pangalan ng aso namin ay si Tweetams.
Nakakalungkot naman. Kantahin na nga lang natin ang kanta ni Barbra Streisand na With One More Look at You.
Run free, Koleen!
‘Yun lang, and I thank you.
IBA’T IBANG yugto ng pag-ibig ang ibinahagi ng nagbabalik na singer na si Kanishia Santos sa kanyang unang full-length album na IKYK.
“It talks about the ups, down, and the new chapter of being in love,” saad ng StarPop artist sa isang livestream.
Base sa katagang “If you know, you know” ang titulo ng album, at naglalaman ang bagong handog ni Kanishia ng walong awitin na Paraiso, IKYK, Aaminin Ko Na, Halata, Pilit, Like I Do, Daybreak, at Sige Lang.
Isinulat ito nina Trisha Denise, Dennis Campañer, Angelica Tagadtad, at Hazel Faith D. Santos habang nagsilbing composer at executive producer ang StarPop label head na si Roque “Rox” Santos.
Ang Paraiso, Halata, at Sige Lang ang nagsisilbing key tracks ng album. Tungkol ang Paraiso sa pag-ibig na mala-paraiso ang dalang saya habang namumuong pagtingin naman ang kuwentong hatid ng Halata.
Samantala, paniniwala sa bagong simula ang mensaheng nakapaloob sa Sige Lang.
Si Kanishia ay kapatid ng Sins of the Father (SOTF) star na si L.A. Santos. Pinasok niya ang music scene nang ilunsad niya ang debut single na A Little Taste of Danger noong 2020.
Kasunod nito, inilabas niya ang first extended play (EP) na Born to Cry at ipinerform ito sa 2022 Awit Awards.






