top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 23, 2026



Aiko Melendez at Onemig Bondoc - YT

Photo: Aiko Melendez at Onemig Bondoc - YT



“Handa ka bang pakasalan ako?” ito ang kaswal na tanong ni Onemig Bondoc kay Konsehala Aiko Melendez sa YouTube (YT) channel nito.


Tinanong ito ni Onemig sa segment na Sagot o Lagok ng YT channel ni Aiko na sa pagkakaintindi namin ay sort of marriage proposal na ang ginawa ni Uno lalo’t vocal naman siya na ang konsehala na ang gusto niyang makasama habambuhay.


Ang rules sa Sagot o Lagok ay lalagok ng soju, isang alcoholic beverage from Korea, kapag ayaw sagutin nina Uno at Aiko ang tanong, at kapag nasagot ng nagtatanong ay iinom ang tinanong.


Ang nakakagulat ay sinagot nang diretso ni Aiko ang proposal ni Uno pero humalakhak muna dahil na-caught off guard siya pero nagseryoso naman sa huli.


“Hahaha! ‘Di ako handa. Oo, handa ako kahit bukas, kahit saan! O, uminom ka ngayon,” sabay abot kay Uno ng basong may lamang soju na ininom naman nito.

“O, pahiya ka ‘no?” hirit pa ni Aiko dahil inakala ni Uno na hindi niya ito sasagutin.

Napilitan tuloy inumin ni Onemig ang soju sabay hirit ng, “‘Di ko na kaya, grabe ang lakas nito.”





Kung tama pa ang pagkakakilala namin kay Onemig ay hindi naman kasi ito umiinom o baka casual drink lang kapag may okasyon kaya hindi na siya sanay lalo’t nabanggit niya na matagal na siyang hindi nagpupunta ng bar dahil naiingayan na siya.


Dahil nakangiwi ay natanong ni Aiko kung ano’ng nangyari. 


“Ang pangit ng lasa,” sagot ni Uno sabay inom ng tubig.


At dahil kilalang diretsong magsalita o taklesa si Uno kahit noon pa ay tinanong siya ni Aiko kung sino’ng artista ang nakatrabaho niya na feeling niya ay hindi marunong umarte o boring.


“Isang artista, Onemig Bondoc,” seryosong sagot ni Uno na in fairness ay totoo naman dahil sa panahon niya ay wala siyang lalim talagang umarte at puro pa-cute lang. 

Good thing kumita ang pelikula nila ni Judy Ann Santos, ang I’m Sorry, My Love (ISML) noong 1998 na idinirek ni Joyce Bernal kaya nasundan ng My Pledge of Love (MPOL) mula naman sa direksiyon ni Boots Plata.


Pero pinainom ulit ni Aiko si Uno dahil dapat sagutin ito nang hindi isinama ang sarili.

Tinanong ni Onemig kung sino ang pinakaminahal ni Aiko sa mga ex-boyfriends niya, pero mas pinili na lang nitong uminom ng soju kaysa i-broadcast pa.


At sa tanong kung sino sa exes ni Aiko ang pinagselosan nang husto ni Uno ay napainom na lang din ang huli at sinabing tapos na. 


Akmang sasabihin sana ni Aiko pero pinigilan siya ni Onemig.

Tanong ni Onemig, “May pinagseselosan ka ba sa akin?”


“Sa ngayon, wala pa kasi wala ka namang ipinapakitang dahilan para magselos ako,” diretsong sabi ng konsehala.


Anyway, maraming pahaging na biro ang dalawa sa game nilang Sagot o Lagok na hindi binabanggit ang mga pangalan. 


Ang tanging sabi nila ay abangan ang ginawa nilang mala-pelikulang love story kung paano ito nagsimula at kung saan ito magtatapos na malapit nang mapanood sa YT channel under One A Productions na parehong produced ng OneKo.



SHOUT-OUT lang sa AirAsia flight Z2 127 Taiwan to Manila nitong Pebrero 21 dahil walang anunsiyo ang flight attendant (FA) na maglalakad pababa ng hagdan ang mga pasahero na mostly seniors, bitbit ang kanilang mga luggage at may mga magulang na karga ang 9-month-old na anak na pinaglakad sa tarmac saka ulit umakyat sa mataas na hagdanan para sa tube entrance.


Grabe, hingal-kabayo ang mga seniors na nakaakyat nang matiwasay at sabay sabing “Ano ba naman itong AirAsia, wala man lang umalalay sa seniors habang paakyat ng hagdan, paano kung may nahulog?”


Ang pangit ng serbisyo sa mga pasahero. Remember kung walang tumatangkilik sa AirAsia, wala kayong mga trabaho.


Ang katwiran sa amin ng lalaking staff na nakaabang sa kuhaan ng bagahe ay walang kinalaman ang AirAsia sa nangyari dahil sagot ito ng airport na paglakarin ang mga pasahero.


Ikinatwiran naming walang inanunsiyo ang FA o piloto at doon siya humingi ng dispensa kasi nga, sila na ang may pagkukulang.


Nagkalituhan din sa baggage claim area dahil ang nakalagay ay Kuala Lumpur at hindi Taiwan. Ang katwiran ulit sa amin ay sagot ng airport. 

Susme, ganito kalala talaga?


In fairness sa Philippine Airlines, walang ganitong pangyayari at kung may pagbabago ay iniaanunsiyo kaagad ito ng piloto o ng FA at higit sa lahat, maayos ang baggage claim area.


Ganoon pala talaga kung gustong makamura ng pamasahe, huwag masyadong mag-expect ng magandang serbisyo.


Ang maipupuri ko lang sa AirAsia, walang delays at higit sa lahat, mas maagang dumating kaysa sa takdang oras.

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 5, 2026



Barbie Imperial

Photo: Barbie Imperial - IG



Inamin ni Barbie Imperial na mahilig siyang mag-react sa mga bagay-bagay lalo na kung hindi totoo, at isa na nga rito ang blind item tungkol sa isang aktres na nakapagpatayo raw ng bahay sa South na bigay umano ng isang mayamang lalaki.


Nataon kasing nag-post ang aktres sa kanyang social media accounts ng perspective house design ng ipagagawa niyang bahay sa Bicol, na ayon sa kanya ay matagal na niyang pangarap.


Nabanggit din sa post ni Barbie ang ilang detalye tungkol sa bahay, na ang pinsan niyang arkitekto ang nag-design nito, atbp..


Sakto naman na ilang minuto lang matapos mag-post ni Barbie ay naglabas ng blind item ang isang website tungkol sa aktres na may bahay courtesy of a benefactor. Kaya ang intindi ni Barbie ay siya ang tinutukoy sa blind item at talagang nag-react siya. 

Sa panayam sa kanya sa Ogie Diaz Inspires ay ikinuwento ni Barbie kung bakit niya inangkin ang blind item at kung bakit sa Bicol siya nagpatayo ng bahay at hindi sa Manila kung saan siya nagtatrabaho.


“Unang-una po, ‘di kaya ng budget dito sa Manila. Hahaha! Naisip ko po sa Bicol kasi pangarap ko po talagang magka-bahay na sarili ko po talaga. Mayroon po kaming bahay ru’n na binili ko para kay Mama, sa kanya na po ‘yun, pero ako, Tito, ever since, pangarap ko na may swimming pool, tapos may second floor,” kuwento ng aktres.


Lumaki siyang walang sariling bahay at palipat-lipat lang sila kaya ipinangako niya sa sarili na kapag nagkapera siya ay bahay ang una niyang project. Ito ay mula pa noong nakapasok siya sa Pinoy Big Brother: 737 (PBB737) noong 2015 kung saan tinawag siyang ‘The Doll Along the Riles of Albay’.


At tungkol nga sa blind item, ani Barbie, “Alam mo, Tito, nu’ng 2026 kasi, ipinangako ko sa sarili ko na ‘di puwedeng ‘di ko ipagtatanggol ang sarili ko ever kasi ang tagal-tagal kong naba-bash. At ‘yung time na ‘yun na lumabas ang blind item, ang daming nagta-tag sa akin, ang daming nagse-send sa akin at ‘yung comments, actually, pangalan ko. Kaka-post ko lang po, Tito, kaya sumama ‘yung loob ko na parang ‘Maging happy naman kayo para sa tao,’ ‘di ba? Nagpapabahay, tapos may ganu’ng blind item?


“Kaya dinefend ko po ang sarili ko at nag-message rin po ako sa Radar.ph nang maayos po. And honestly po, wala po akong problema sa kanila. Alam ko po na ginagawa lang po nila ang trabaho nila, but nu’ng time na ‘yun I have to defend myself, Tito, kasi pinaghirapan ko ‘yun, pera ko ‘yun lahat. Wala naman po sigurong masama kung ide-defend ko ang sarili ko.

“Ang dami pong nagsasabing ako ‘yun kasi ako ‘yung kaka-post lang. And honestly, Tito, ayoko lang magtuluy-tuloy ‘yung blind item at gusto ko nang itigil na ‘di ako ‘yan. ‘Yun lang po ang gusto kong mangyari that time.”


Singit ni Ogie, “Alam mo naman ‘pag blind item, whether it’s true or not, ‘di ka dapat mag-react, ‘di mo dapat akuin ‘yung blind item.”


Tawa nang tawa si Barbie, “Opo, next time, ‘di na po.”

Nakaganda rin na sumagot si Barbie dahil noong sagutin niya ang blind item ay wala na raw masyadong nag-comment na siya ang tinutukoy. Ang naging komento na lang ay kung bakit nag-react ang aktres sa blind item na sa madaling salita ay inangkin niya ito.

“Hindi naman ikaw ‘yung taong ‘yun na married man na nagbigay ng bahay,” sambit ni Ogie.

Pangungulit ni Barbie, “Sino po ba kasi ‘yun? Hahaha! Opo, ‘di kami ganu’ng level ni Chard (Richard Gutierrez) na bahay-bahay ang ibinibigay. Regalo lang.”


Nasambit din ni Ogie na malaki ang naitulong ni Barbie sa website dahil dumami ang mga followers nito. Ano ang natutunan ng aktres sa isyung ito?


“‘Di po ako nagsisisi na nag-react ako kasi nakita ko rin ‘yung comment ng ibang tao na ipinagtanggol nila ako. Siguro sa next time po, ‘di na lang ako papatol. Bawal pala, ‘yun pala ang rules n’yo. Hahaha! So, kayo, puwedeng mag-blind item pero bawal sumagot?” sabi pa ni Barbie.


“Umaray ka kasi maraming nagta-tag sa ‘yo,” diin ni Ogie.

At dito na ikinuwento ng aktres ang naging proseso kung paano niya nabili ang lupa na pag-aari pala ng kanyang lola.


“Nu’ng 2022 po, buhay pa ang lola ko. Pinsan ng lolo ko si Lola Pepita Imperial. Marami s’yang lupa sa Bikol, so binentahan n’ya ako ng lupa na 400 square meters pa lang nu’ng time na ‘yun kasi ‘yun pa lang ang kaya kong bayaran.


“Tapos nu’ng 2024, sabi ko, ‘Lola, may ipon na ako ulit. Puwede ko bang bilhin ‘yung katabi?’ Kasi magkatabi lang. So, 600 square meters ata ‘yung pangalawang nabili ko. Pinag-isa ko na lang ‘yung dalawang lote at ipina-register ko na isa na lang.”


Ang pinsan niyang si Architect Tricia Marbella ang nag-design ng bahay.

At dahil gusto nga niyang makapagpatayo ng bahay, super-tipid si Barbie at lahat ng kinikita ay iniipon niya kesa mag-travel.


“Si Richard, nu’ng nagkakilala kami, travel nang travel. ‘Yung kita ko po, ini-invest ko, nagnenegosyo po ako. Matalino ako sa pera, Tito, kasi ayaw kong dumating ‘yung panahon na wala akong mapupuntahan. ‘Pag babae ka, importante, may pera ka para ‘pag gusto mong iwanan ‘yung sitwasyon, kaya mo kasi may pera ka.


“Anyway, ‘yung bahay ko po, Tito, sobrang smart kung paano ko po nabuo ‘yun. Diniscountan ako ng malaki ng lola ko, tapos, ang architect ko, pinsan ko na sobrang close ko. Marami akong sponsors — Boysen (sa) pintura, ultimo inidoro, mga stove, aircon. Sabi ko nga, bakit ang semento, ‘di nag-sponsor? Sayang, ‘yun ang pinakamahal.


“Katas ng pag-iipon talaga, Tito, saka ‘di ako mahilig mag-shopping-shopping. ‘Pag may nagbigay na may discount, puwede, pero ‘pag walang discount, ayaw ko at saka kung ‘di kailangan.”


Pero nang maging sila na ni Richard ay mahilig daw itong magregalo.

“Okay na ‘yun, maregalo s’ya,” tumatawang sambit ng girlfriend ni Chard.


Sa tanong kung nakikita ni Barbie ang future niya kay Richard, sagot niya, “Gusto ko pong maging honest. Parati ko pong sinasabi ito noon sa mga naging boyfriends ko na lagi akong ina-ask. Sabi ko lagi ‘Oo,’ eh, wala naman na sila ngayon.


“Kaya ayaw kong magsalita ngayon about it. If ibibigay s’ya ni God, then okay, if hindi, okay din. Basta ang pinakaimportante is grabe ‘yung growth ko with Richard. As in nag-mature talaga ako, Tito, sa mga desisyon ko sa buhay, especially ‘yung think first bago ako magsalita. Kasi dati, ‘pag alam kong tama ako, enough na ‘yun para i-defend ko ang sarili ko.”

Magkaiba raw ng ideya sina Richard (42) at Barbie (27) pero itina-try nilang i-workout ito.

“Ang dami n’yang ideas kasi 42 na s’ya, ako naman, mga Gen Z things kaya tawang-tawa s’ya sa akin. ‘Yung mga jokes ko kasi, ang tingin ko kay Richard, seryosong tao, action star. Kaya ‘pag nagdyo-joke ako at ipinapakita ko ang TikTok, tawang-tawa s’ya kasi ‘di s’ya nagso-social media. Instagram (IG) lang kaya ‘di n’ya alam ‘yung ibang mga vlogs, kaya tawa s’ya nang tawa,” tsika pa ni Barbie Imperial.


Well, age doesn’t matter, basta masaya. Hahaha!


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 2, 2026



Mariel Padilla - Julius Babao Unplugged

Photo: Julius Babao Unplugged / YT



Malungkot na inamin ni Mariel Rodriguez sa panayam sa kanya sa YouTube (YT) Unplugged vlog ni Julius Babao na namatay ang kanyang ina na hindi sila in speaking terms.


Masayahing tao si Mariel at nagkaroon kami ng pagkakataon na makasama at makakuwentuhan siya noong aktibo pa siya sa showbiz. Nagkakakumustahan pa rin kami at kapag may mga tanong ay agad naman niyang sinasagot.


Kaya laking-gulat namin nang tanungin siya ni Julius kung ano ang nagpapalungkot sa kanya dahil masayahin siya at kapag magkasama sila ng mister niyang si Sen. Robin Padilla ay maligaya rin siya. 


Inamin pa niyang natatawa raw sa kanya ang asawa dahil sa kanyang kakikayan.

Ito ang sagot ng wifey ni Robin kung ano ang nagpapalungkot sa kanya.


“When I think of my mom (ipinakita ang larawan nilang mag-ina), ‘yun talaga, Julius. ‘Yun ang cross that I will bear for the rest of my life,” malumanay niyang sagot.


Dito ipinagtapat ni Mariel na may mga isyu sila ng kanyang ina.

“Just like everybody, they have issues with their parents, with their moms siguro. Because my mom died all of a sudden, I always thought that we would have more time with her, and I wasn’t exactly the greatest daughter. So that is the cross that I will bear for the rest of my life.


“I hope that she forgives me, at ‘yun ang dasal ko. Kinakatakutan ko na rin kasi naniniwala ako sa karma, ‘wag sana akong karmahin one day. Sana, ‘yung mga kids ko, ‘di kami magkaroon ng ganu’ng relationship, kasi ‘di kami laging magkasundo ng mom ko,” malungkot na pahayag ni Mariel.


Regrets ang sinambit ni Mariel na dala-dala niya hanggang ngayon.

“Ang bigat pala, Julius. Dadalhin mo na lang siguro kasi ‘di mo na maitama. Never mo na maitatama. Siguro dapat, mas inintindi ko pa, dapat hinayaan ko na lang,” sabi ni Mariel.

Ano raw ba ang dapat niyang ginawa? 


Sey ni Mariel, “Siguro ‘yung pag-intindi. Mas dapat inintindi ko pa.”

Kaya nang pumanaw ang kanyang ina noong Disyembre, 2023 ay hindi sila in good terms.


“No, hindi. In fact, ‘yung time na ‘di kami okay, seasonal ang galit ng mom ko. Nu’ng time na namatay s’ya, ako ‘yung season. My pictures were down in her house. She took my pictures down. ‘Yung ganu’n, season ko.


“That’s why I always tell people, when you think about it, in everything else in life, it’s always a chance to make up. It’s always a chance to have another day one. But when they’re gone, there’s no day one. That’s it.


“So you really have to weigh it, what matters more — ‘yung pinag-aawayan n’yo ba, ‘yung ‘di n’yo pinagkakasunduan, or the relationship, or the fact that she’s your mother and you owe her your life,” malumanay na sabi ni Mariel kay Julius.


Tugon ng Unplugged host, “The realization came late,” sabay tango ni Mariel. 

Aniya, “At least, naibabahagi natin sa mga viewers. At least, alam nila na baka puwedeng mangyari sa kanila.”


“Yes, ‘yung akala ninyo na tatawagan ko na lang mamaya o bukas na lang. ‘Yung sa dad ko, sa grandparents ko, alam ko na ‘yung mali ko, kaya ‘di ko na ‘yun gagawin sa kanila. Pero ‘di pa rin mae-erase ‘yung nagawa ko sa mommy ko,” sabi pa ni Mariel Rodriguez Padilla.



Mga kamiyembro, naunahan…

BINI JHOANNA, ARTISTA NA





WOW! Artista na si BINI Jhoanna Robles. May cameo role ang isa sa miyembro ng P-pop girl group na BINI sa three-minute short film ng Puregold Sari-Sari Stories na may pamagat na The Witness (TW).


Ipinagpapatuloy ng Puregold ang pasasalamat nito sa mga may-ari ng sari-sari store o maliliit na negosyante sa serye ng Sari-Sari Stories, sa pinakabago nitong video na nagtatampok ng espesyal na cameo from BINI.


Ang TW ay isang maiksing pelikula ng kuwentong pag-ibig, coming of age, at pagyabong ng pagmamahal sa pagdaan ng mga taon, na hinubog ng pagmamahal at pananatili, at natunghayan sa tahimik na presensiya ng may-ari ng sari-sari store.


Dagdag sa ganda at koneksiyon ng naratibo ang cameo ni Jhoanna, na binibigyang-diin ang mensahe ng pelikula: pasasalamat sa mga may-ari ng maliliit na negosyo sa bansa.


Sinang-ayunan din ni Jhoanna ang gampanin ng mga sari-sari store sa araw-araw nating pamumuhay.


“Importante na ‘di mawala ang sari-sari store. Bukod sa pagiging very Pinoy, ito pa rin ang pinaka-accessible sa maraming komunidad. Iba pa rin ‘yung may mapupuntahan kang malapit sa ‘yo,” ani Jhoanna.


Kahawig ng pananaw ni Jhoanna ang damdamin ni Puregold Senior Marketing Manager Ivy Hayaga-Piedad.


Aniya, “Lagi-laging kakampi ang Puregold ng mga maliliit na negosyante sa bansa. Sa pamamagitan ng Sari-Sari Stories, patuloy naming itinatampok ang mahalagang gampanin ng mga may-ari ng sari-sari store sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.”

Dahil sa akses sa mga pangunahing pangangailangan, pinagtatagpo rin ng mga tindahang ito ang mga tao sa komunidad.


Pagpapatuloy ang The Witness ng mahuhusay na kuwento mula sa Sari-Sari Stories gaya ng Ways na itinampok si Stell ng SB19, at The Sign na isinama naman si Skusta Clee.


Sa kabuuan, nagsimula ng mga usapan ang serye at nakalikha ng koneksiyon sa mga netizens, Aling Puring members, at tagasubaybay ng Puregold—patunay ng mahalagang papel ng mga sari-sari store sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.


Habang nagpapatuloy ang serye, lalo pang hinihikayat ang mga manonood na abangan ang mga susunod na kuwento, repleksiyon ng integrasyon ng mga sari-sari store sa buhay ng mga tao at sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page