ni Ryan Sison @Boses | Abril 4, 2024
Matapos ang Semana Santa, sandamakmak na basura ang naiwan sa ating mga lansangan.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umabot sa 16 na trak ng basura ang nakolekta sa kanilang ginawang paglilinis.
Sa pahayag ng MMDA, nagsagawa sila ng mga clean-up operations sa mga terminal, simbahan, at mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, kung saan nagresulta sa kabuuang 44.19 tonelada ang mga nakolektang basura.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paglilinis sa mga major areas ng MMDA Metroparkways Clearing Group sa kabila ng pagbabalik ng mga mamamayan sa kani-kanilang probinsya mula sa panahon ng bakasyon.
Pakiusap naman ng kagawaran na sana ay magtulungan ang lahat para linisin ang ating mga lansangan at upang maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng mga basura.
Hindi na bago ang ganitong senaryo na tuwing pagkatapos ng mahabang bakasyon ay nag-iiwan ng trak-trak na basura sa mga lansangan.
Marami kasi sa atin ang walang pakundangan na magkalat kung saan-saan dahil iniisip na may mga mangongolekta at maglilinis naman sa kanilang mga basura.
Paalala sa mga kababayan na maging masinop sana tayo sa lahat ng pagkakataon.
Isipin natin na ang mga basurang nagkalat ang madalas na nagiging dahilan ng mga pagbaha sa maraming lugar sanhi ng mga bumabarang estero at mga kanal. Minsan, ito rin ang pinagmumulan ng mga sakit dahil sa bacteria at virus na dala-dala nito.
Pakiusap din sana na huwag tayong maging salaula, bagkus panatilihin nating malinis ang ating kapaligiran. Tandaan palagi ang kasabihan sa Ingles na “cleanliness is next to godliness”, kaya mas piliin natin ang maging malinis.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com