- BULGAR
- 4 days ago
ni Ryan Sison @Boses | July 2, 2025

Sa harap ng lumalalang kaso ng adiksyon at posibleng krimen kaugnay ng online gambling, isang panukalang batas ang inihain na layong higpitan ang kontrol sa operasyon ng nasabing sugal sa Pilipinas.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, sa dami ng kabataang naaadik, pamilyang nasisira, at kabuhayang nauubos, tila ito na ang tamang oras para seryosohin ang pag-regulate sa isang industriyang patuloy na lumalaki sa likod ng mga screen.
Sa nasabing bill, ipagbabawal ang sponsorship ng mga sugal sa mga pampublikong aktibidad at ang pagtanggap ng campaign donations mula sa mga gambling entities.
Hindi lamang ito usapin ng kalinisan sa pulitika, kundi ng moral na obligasyon, dahil sa likod ng bawat pisong tinatanggap mula sa sugal, may pamilyang nauubos at kabataang nalululong dito.
Kasama rin sa panukala ang paglalaan ng bahagi ng regulatory fees para sa pagtatayo naman ng mga rehabilitation center sa mga nalulong sa online gambling. Isang mahalagang hakbang ito na matagal nang dapat isinagawa — dahil kung marunong tayong kumita para sa bisyo, dapat marunong din tayong magpagaling o ayusin ang nasira nito.
Dagdag pa rito, itinakda ang minimum cash-in requirement sa P10,000. Layunin nitong pigilan ang madaling makapasok sa online gambling lalo na ng mga low-income earner.
Sa kabilang banda, baka magbigay ito ng ilusyon sa iba na ginawa ang panukala para lamang sa may pera — na sa totoo’y hindi solusyon kundi pagpapaliban lang ng problema.
Kung tutuusin ang tunay na hamon dito ay ang implementasyon. Kahit gaano kaganda ang batas, kung mahina ang enforcement, para lang itong palamuti sa papel. Lalo pa’t marami sa online gambling operators ay tech-savvy at kayang magpalit-palit ng platform, mukha, at maskara.
Hindi sapat ang pagkontrol kung walang kasabay na edukasyon. Kailangan ng mas agresibong kampanya laban sa sugal, lalo na online, kung saan madaling mabitag ang mga kabataan na sa kalaunan ay hindi na mapigilan. Kaya naman huwag natin hayaang maadik sila sa online sugal.
Ang online gambling ay hindi lamang usapin ng bisyo, kundi salamin ng desperadong kumita agad ng malaki na hindi napapagod. Kapag ang pera ay kinikita sa legal na paraan, sa tingin ko, tinutumbasan ito ng suwerte.
Marahil, panahon na para bigyan ng kaalaman at tulungang magkaroon ng magandang kinabukasan ang publiko, laban sa isang industriya na gustong pagkakitaan lamang ang kahinaan ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com