ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 9, 2024
Si Bryan Diamante ng Mentorque Productions ang producer ng Kono Basho in collaboration with Project 8 Projects na entry sa 2024 Cinemalaya Independent Film Festival at ginanap ang Gala Night sa Ayala Malls, Manila Bay nu'ng Martes.
Risk taker talaga si Bryan dahil nagsimula siyang makipag-collab sa Vivamax at ang huli niya ay ang My Father, Myself na entry sa 2022 Metro Manila Film Festival na binigyan ng R-18 ng MTRCB, kaya limitado lang ang sinehan kung saan ito ipinalabas.
Kaya naman sa unang pagkakataon ay nakagawa si Bryan ng mainstream movie nang makilala ang award-winning director na si Derick Cabrido at screenwriter na si Enrico Santos. Ginawa nila ang Mallari na entry sa 2023 Metro Manila Film Festival under the supervision of Omar Sortijas na siyang namahala sa lahat.
At dito ay hindi na nabigo si Bryan dahil award-winning ang Mallari na pinagbidahan ni Piolo Pascual, na sa kasaysayan ng Philippine horror films ay ito ang may pinakamaraming nakamit na awards mula sa 2023 MMFF, Manila International Festival sa Hollywood, 72nd FAMAS Awards, 7th The EDDYS at sa 40th PMPC Star Awards for Movies kamakailan.
Pagkatapos ng mainstream, sinubukan ni Bryan ang Cinemalaya Independent Film Festival, ito ay sa Kono Basho na idinirek ni Jaime Pacena ll starring Gabby Padilla, Reiko Kataoka, Satoshi Nikaido at Arisa Nakano.
Ang saya ng pakiramdam ni Bryan nang makatsikahan siya ng ilang miyembro ng media at vloggers sa nakaraang Gala Night ng Kono Basho.
“Talagang ibang direction ‘to, kasi I’m trying to understand na parang dalawa ‘yung lagi nilang sinasabi, parang sinasabi nilang art film.
“Pagpasensiyahan n’yo na po ako sa pagiging ignorante dahil baguhan po ako sa industriya, talagang I wanted to experience that also, something different.
“Dahil when this one was offered, magagaling ‘yung mga tao at the back, sa likod nito, so ‘di na rin ako nagdalawang-isip and then to really understand also the (Cinemalaya) film festival, how they wanted, ano talaga ang audience nu’n, who did they cater, kasi talagang ‘to, malayung-malayo to what I do.
"But du’n ko rin napagtanto sa sarili ko when I saw the final film na parang mas magiging technical ka siguro as a producer, mas nagiging napapansin ko ‘yung subtleness nu’ng acting. Iba rin s’ya, so I really enjoyed watching this.
“Akala ko before, mahilig ako sa fast-paced, mahilig ako sa edge of a seat, pero this one is just emotional. Alam mo, from the beginning that we’re looking at how would you handle grief, talagang right on the table ‘yun.
“And ‘yun lang talaga, we’re really amazed on the team, lalo na ‘yung acting bukod kay Gabby Padilla, the Japanese actress Arisa Nakano, tapos the direction and cinematography, iba rin. So hopefully you enjoy the film,” nakangiting kuwento ni Bryan.
Nagsimula ang 2024 Cinemalaya Film Festival nitong Agosto 2 hanggang 11 at mapapanood ang lahat ng entries sa lahat ng Ayala Malls Theaters tulad ng UP Town Center, Trinoma, Greenbelt.
Anyway, may kirot kaming naramdaman sa pagkikita ng half-sisters na sina Gabby (as Ella) at Arisa (bilang si Reina) sa Japan, kung saan pumunta ang panganay para sa burol ng amang Japanese na hindi niya kinalakihan dahil mas ginusto nitong manatili sa nasabing bansa para sa bago nitong pamilya.
Hindi naging madali ang pagkikita ng magkapatid na magkaiba ang lahi, dahil nga hindi rin naman sila nagkasama, pero sa ilang araw na pananatili roon ni Gabby ay nagkaroon na sila ng bonding ng nakababatang kapatid na si Arisa at naging okey na rin sila bago siya bumalik ng Pilipinas.
Ang kuwento naman ni Direk Jaime, “I think what this film can teach you about grief is that sometimes when you feel like you’re alone in the darkness, stumbling kasi wala kang kasama, there’s someone in the darkness stumbling as well. And when you hold on to that person and when you connect with them, you have hope and you find healing together.”