top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 6, 2025



Photo: Roderick Paulate via Bulgar

  

Halos lahat ng pelikula ni Roderick Paulate ay gay ang role niya at karamihan sa mga ito ay may love interest siya. Pero sa kabila nito ay hindi pala niya type ang may kissing scene.


Ito ang sagot niya sa mga tanong kung hanggang saan ang ibinigay niya sa latest movie niyang Mudrasta: Ang Beking Ina! (MABI) na idinirek ni Julius Ruslin Alfonso mula sa script ni Joni Mones Fontanos, handog ng CreaZion Studios, “Kasi gusto ko ring mapanood ito ng mga bata, fun-fun lang. Kasama rin kasi sila sa target market ko, plus ‘yung image rin, kailangan ding alagaan.”


Maraming projects na ang tinatanggihan ng aktor kapag may mga kissing scenes at bed scenes bukod pa sa ibang pinagagawa sa kanya na hindi raw niya kayang gawin.

Pero sa episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK) nu'ng taong 1999 na may titulong Wristwatch kasama si Tonton Gutierrez ay nagulat siya dahil hindi niya alam na hahalikan siya nito dahil isinikreto iyon ng namayapang Direk Wenn Deramas.


“Si Ton, ang sarap n’yang kasama kasi wala siyang kaarte-arte talaga. Kung ano ‘yung nararapat at kulang sa eksena, daragdagan niya. ‘Yung eksena sa Wristwatch, nagkahiwalay na kami kasi nahuli na s’ya ni Eula Valdez, so, kailangan na naming maghiwalay.


“Magkaibigan ang pamilya namin at naging tradisyon na sa nanay niya na kapag birthday ko, pumupunta sila, nandoon din ang mga friends ko. So, si Ranay (Andoy) ‘yung isang artista, ibinigay sa akin ‘yung cake tapos may kumatok, pagbukas ko ng pinto, si Tonton ‘yun.

“Ang blocking nu’n, makikita ko s’ya, tapos maiiyak ako, gusto ni Direk (Wenn) ay masikip lang sa dibdib (humihikbi), so, ‘yun lang ang ni-rehearse namin. So, dumating si Tonton, bumati ng, ‘Happy birthday,’ next blocking, nakatingin lang ako sa kanya, tapos paglingon ko, bigla akong hinalikan (smack), nagulat ako at ‘yun pala ang gustung-gustong mahuli ni Direk Wenn. Tapos, kino-close-up niya. Kasi ‘yung mukha ko talaga, naka-ganu’n (tulala) at wala sa script ‘yun.


“So, malaking tulong ‘yun kasi ‘yun ang nagpanalo sa akin sa Best Actor in a Leading Role sa Asian Television Awards (2000) ng MMK kaya nagpasalamat ako. Si Tonton ang nagpu-push ng mga eksena, matapang, eh. Ako pa ‘yung (umaayaw). That’s why hindi ko s’ya makalimutan,” balik-tanaw ni Kuya Dick sa tambalan nila ni Tonton.


Sabi naman ni Tonton ay kinausap siya nang pasikreto ni Direk Wenn na hahalikan nga niya si Roderick at hindi niya dapat ipaalam dahil siguradong hindi ito papayag.

“Kaya nu’ng sinabi ni Direk Wenn na hahalikan ko sa lips, sabi ko agad, ‘Oo, sige,’” saad ng aktor.


Sa Mudrasta ay sila ulit ang magkasama at pinili niya talaga ang aktor dahil bukod sa kaibigan niya ay malaki ang tiwala niya rito.


Gagampanan ni Kuya Dick ang karakter na Victor “Beki” Labrador na muling nagkaroon ng koneksiyon sa isang dating minamahal na si Enrique Santillanes (Tonton), pero laking-gulat niya nang malaman na pumanaw na pala ito.


Iniwanan siya ng kalahati ng ari-arian at parte sa negosyo ng pamilya sa isang kondisyon - kailangang tumira si Victor sa mansiyon ng pamilya Santillanes, kasama ang dalawang anak ni Enrique (Elmo at Arkin Magalona) at ang malditang lola ng mga ito na si Celia Rodriguez.


Sisimulan ni Victor ang isang masaya at madamdaming kuwento ng pagtanggap, pagpapatawad at pagbubuo ng isang bagong pamilya.


Sabi nga, kung na-miss mong tumawa nang malakas ay perfect ang Mudrasta ni Roderick dahil sa ilang linggong nakaraan ay pawang horror, romantic-comedy, action-drama, family-drama, at anime ang mga ipinalabas sa mga sinehan.


Bukod kina Roderick at Tonton ay kasama rin sina Celia Rodriguez, magkapatid na Elmo at Arkin Magalona, Awra Briguela, Carmi Martin, Ruby Ruiz, at Odette Khan.


Mapapanood ang Mudrasta simula sa August 20 nationwide at para sa karagdagang updates, i-follow ang CreaZion Studios sa Facebook (FB), X (dating Twitter), Instagram (IG), at TikTok (TT), o bisitahin ang creazionstudios website.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Jan. 22, 2025



Photo: Herbert Bautista at Mayor Joy Belmonte - FB

  

Magpa-file ng Motion for Reconsideration sa Sandiganbayan ang abogado ni dating Quezon City Mayor Herbert Bautista na si Dean Nilo Divina ng Divina Law Office para sa P32.107 million contract sa isang IT firm na bumili sa isang online occupation permitting at tracking system noong 2019.


‘Deeply saddened’ ang kampo ni Bautista sa naging desisyon laban sa kanya ng Anti-Graft Court Seventh Division nu'ng Lunes.


Base sa official statement ng abogado ni Herbert, “We maintain his innocence and assert that no act constituting the offense was committed. Notably, the vote was split 2-1, highlighting reasonable doubt.


“Evidence presented in the trial confirmed the project was delivered and received by the Quezon City Government, with payment made by the succeeding administration. Mayor Bautista did not financially benefit from the project, and no harm or injury was incurred by the city or its people.


“We will file a motion for reconsideration, hopeful that a thorough review of the evidence will affirm his innocence.”


Open book na si Mayor Joy Belmonte ang humalili kay Bistek bilang mayor ng Kyusi, kaya inaasahan ang magiging sagot naman ng alkalde sa naging pahayag ng kampo ni Herbert.


Samantala, ang Sandiganbayan Special Third Division ay guilty naman ang verdict kay dating Quezon City administrator Aldrin Cuña.


“An indeterminate penalty of imprisonment of six years and one month as minimum to 10 years as maximum,” ang parusa kina Herbert Bautista at Cuña bukod pa sa ‘perpetual disqualification to hold public office.’



Isa ang aktres na si Chef Judy Ann Santos-Agoncillo sa mga kumasa sa Halo-Halo challenge ng world-renowned British celebrity chef at TV personality na si Gordon Ramsay na tinaguriang “Rockstar ng Kusina”.


Bilib si Ramsay sa mga Filipino chefs na nakikilala niya sa iba’t ibang bansa.


Ang challenge ay gagawa ng Halo-Halo sa loob ng sampung minuto na may kakaibang sangkap. Ang sikreto ng aktres ay nilagyan niya ng black sesame polvoron ang isa sa mga paboritong Pinoy dessert.


Ayon kay Juday sa panayam sa kanya ng TV Patrol (TVP), “Ibang-iba ang kabog ng dibdib ko kanina (sa entablado), parang ‘di ako ready, parang nahihilo o nahihimatay. Those are the priceless moments talaga. ‘Yung nand’yan kasi s’ya (Gordon Ramsay) sa tabi mo, totoo ba talaga ‘to? Hahaha!


“Probably nakaka-intimidate, of course, for a simple reason because he is Gordon Ramsay plus the fact na napapanood mo s’ya, alam mong world-renowned chef s’ya, sana magustuhan n’ya (halo-halo).”


Sa Facebook (FB) post ni Juday ay nakasaad ang: “It was Chef Juday’s honor to prepare her version of halo-halo for Gordon Ramsay to taste and know of.”


Sabay post ng mga larawan nila ni Chef Gordon, “In action for Gordon Ramsay in Manila – our lovely Chef Judy Anne.


“Preparing and conversing about a dish with Gordon Ramsay is a dream come true moment.”

Samantala, naka-post din ang ibinigay na drawing ng bunsong anak na si Luna kay Chef Gordon at nagpapirma rin ito.


Aniya, “Our bunso, Luna bunny, made drawings of Gordon Ramsay’s famous comments.

“Aw, Thank you, Luna. I love that.”

Pagkalipas ng ilang oras ay muling nag-post ang award-winning actress sa kanyang FB account.


“Wow… sa paanong paraan ko ba puwedeng maikuwento ang araw ko today? Nakakaloka? Nakakabaliw? Napaka-surreal!! Never in my wildest dreams that this would happen in my lifetime.. ilang beses kong kinukurot ‘yung sarili ko.. totoo ba ‘to?


“Pina-prank ba ‘ko? Pero totoo, eh. Gusto kong tumambling sabay split! Simpleng halo-halo lang naman, that we have to finish building in 10 mins. but that was the fastest, nerve wrecking 10 minutes of my life. But, it was the best! Hindi ko alam what I did to deserve this.. but, I am so grateful for the experience. 


“Thank you from the bottom of my heart to everyone involved in this wonderful experience. Thank God my husband and our youngest were there to calm my nerves and palakasin ang loob ko.. to my glam team. (Yes! Pinaghandaan ko talaga ‘to ng todo) @juansarte, @jeffreyaromin, @24c maraming salamat ng bonggang-bongga!


“To my ojph and mylaunchpad family ang saya, ‘di ba? Grabe ‘to! Grabe talaga and of course to my fellow chefs… cheers to all of us. Mabuhay at ilalaban ko ang pagkaing Pilipino!”


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Jan. 21, 2025



Photo: Herbert Bautista - FB


“Hindi pa naman makukulong agad kasi may appeal pa si ex-Mayor Herbert (Bautista),” ito ang sabi ng aming nakausap na taga-Quezon City Hall tungkol sa hatol sa dating ama ng Quezon City.


Makukulong ng anim hanggang sampung (10) taon ang hatol ng Sandiganbayan kay dating Mayor Herbert Bautista sa kasong graft na involved siya sa dalawang government projects noong 2019 at kasama nito ang dating city administrator na si Aldrin Cuña na in-approve ni Ombudsman Samuel Martires noong Feb. 3, 2023.


Matatandaang ang unang kaso ni HB ay tungkol sa release ng full payment na nagkakahalaga ng P32.107 million sa isang IT firm na bumili sa isang online occupation permitting at tracking system atbp..


Ang nasabing transaksiyon ay pinirmahan naman noon ng dating city administrator na si Aldrin Cuña.

Ang ikalawang graft case ay tungkol sa kabuuang bayad na P25.342 million sa iba pang firm para naman sa installation ng solar power system at waterproofing para sa isang civic center building.


Nabanggit ng Ombudsman na si Herbert ang pumirma ng disbursement voucher para sa bayaran na ito kahit may pagkukulang ang kumpanya na makuha ang net metering system mula sa Meralco at si Aldrin Cuña naman ang nag-isyu ng certificate of acceptance.


Base sa desisyon ng Sandiganbayan ay napatunayang nagkasala sina Bautista at Cuña dahil sa anomalya sa procurement ng Online Occupational Permitting Tracking System (OOPTS) na nagkakahalaga ng P32 million.


Bilang isa rin sa mga parusa ay hindi na rin pupuwedeng magkaroon ng anumang posisyon sa gobyerno ang mga nabanggit.


Base sa mga inilabas na CCTV ng GMA News ay sina Herbert at Aldrin kasama ang kanilang mga abogado lang ang kasama nila sa korte nang basahan sila ng hatol.


Hindi kasama ng dating mayor ng Quezon City ang kanyang pamilya dahil kasalukuyan daw silang nasa ibang bansa.


Bukas ang BULGAR sa panig ni Herbert Bautista  o ng kampo niya tungkol dito.



SA 40th year ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), muling tiniyak ng Board ang pagsusulong sa mandato nitong proteksiyunan ang pamilya at kabataang Pilipino sa pamamagitan ng responsableng regulasyon sa media at patuloy na pagsuporta sa industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa.


Ipinahayag ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang malalim na dedikasyon ng Board na maihatid sa publiko ang tamang impormasyon at responsableng paggamit ng media na siyang may malaking parte sa paghubog ng lipunan.


Aniya, “Ngayong 2025, mananatili po tayong matatag sa ating misyon na maisulong ang responsableng panonood para sa kapakanan ng pamilyang Pilipino. Atin ding tinitiyak ang patuloy na pagsuporta sa industriya ng paglikha sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na klasipikasyon sa bawat palabas at pelikula at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.”


Mas palalakasin pa ng MTRCB ang pakikipagkolaborasyon sa lokal na mga direktor, producer, at TV network, pati na rin sa mga streaming platform at mga kaalyadong bansa.


Sa pamamagitan nito, mas matutugunan ng MTRCB ang iba’t ibang hamon pagdating sa media regulation habang pinapaunlad ang masining at inobasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.


Ayon pa kay Sotto-Antonio, ipagpapatuloy ng ahensiya ang pagsusulong ng kampanyang “Responsableng Panonood” na layong maturuan ang publiko sa importansiya ng tama at angkop na pagpili ng mga palabas, partikular sa mga batang manonood.


At dahil sa mabilis na paglago ng digital platforms at teknolohiya sa bansa, nangako rin ang MTRCB na gamitin ang mga makabagong pamamaraan pagdating sa polisiya at regulasyon, at sa pagpapanatili ng Filipino cultural values na siyang pamantayan para sa proteksiyon ng mga manonood.


Sayang na sayang talaga siya…

MAY ATTITUDE NA AKTOR, AYAW NANG BIGYAN NG SHOW NG NETWORK


BLIND ITEM:


TRULILI kaya na hindi muna bibigyan ng project ng TV network ang aktor na halos lahat ng project nito ay hindi nagtagumpay?


Ilang beses na raw kasing humihingi ng meeting ang aktor sa TV network kasama ang handler nito mula sa kanyang management company pero lagi siyang hindi napagbibigyan.


Kaya raw pala nanghihingi ng meeting ang aktor sa management ng TV network ay para alamin kung ano ang ibibigay sa kanyang proyekto.


Kaya pala hindi hinaharap ang aktor ay dahil wala rin palang maisasagot ang management ng TV network, kaya minabuti nilang iparating na lang sa may hawak ng karera nito na sa taong 2025 ay wala sa line-up nila ito.


Sobrang nalungkot ang aktor dahil pinagbubuti naman daw nito ang trabaho niya. ‘Yun nga lang, sa sobrang pagbubuti niya ay may mga tao sa production na napapakitaan niya ng hindi magandang asal, kaya ang mga nabanggit na rin ang nagsabing ayaw na siyang makatrabaho.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page