top of page
Search

by Info @Brand Zone | June 9, 2022



Sagot ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang cervical cancer screening sa pamamagitan ng Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta). Mayroon ding Z Benefits Package para sa cervical cancer kung saan umabot na sa P31 milyong piso ang nabayarang benefit claims simula 2015. Sinabi ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr., na ang PhilHealth ay nakaalalay sa mga kababaihang dumaranas ng nasabing sakit. Idinagdag din niya na ginagawa ng state health insurer ang makakaya nito upang makapaghatid ng pinansyal na proteksyon kailan man at saan man sa mga Filipinong nangangailangan ng de-kalidad na serbisyong medikal. Batay sa datos, tinatayang umaabot sa mahigit na pitong libong kababaihan ang nada-diagnose na mayroong cervical cancer kung saan apat na libo ang namamatay dahil sa sakit na ito dito sa bansa. Ayon sa Department of Health, ang cervical cancer ay pangalawa sa pinakakaraniwang kanser sa mga kababaihang may edad na 15 hanggang 44. Ang mga karaniwang sintomas ng sakit na ito ay abnormal na pagdurugo o hindi kanais-nais na amoy sa discharge sa ari, pagdurugo matapos ang pakikipagtalik, patuloy na pananakit ng likod, binti o balakang, at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang. Inirerekomenda naman ng World Health Organization ang cervical cancer screening para sa mga kababaihang nasa 30 taong gulang o sa mga babaeng sexually active. Gayunman, rekomendado din ng WHO ang Human Papillomavirus (HPV) tests para sa cervical cancer screening kaysa sa cytology (i.e., pap smear). Idinagdag din ng WHO na ang unang depensa laban sa HPV ay ang pagbabakuna at ang pangunahing target ay ang mga batang babae edad siyam (9) hanggang labing-apat (14). Sinabi rin na ang mga batang lalaki at iba pang kababaihan ay secondary target sa bakunang ito. Samantala, sa ulat kamakailan ni Professor Dindo Maralit ng Stratbase ADR Institute kasama ang ilan pang Cancer Societies at Cancer-free Movement, tinalakay ng kanilang grupo ang ilang evidence-based at cost-effective interventions na siyang makatutulong na maibaba ang kaso ng cervical cancer sa Pilipinas at opisyal ding mailunsad ang Zero Cervical Cancer Movement. Kinikilala ng PhilHealth ang pagsisikap ng mga grupong ito na mapababa pa ang insidente ng cervical cancer kung hindi man tuluyang maalis ang ganitong klase ng nakamamatay na sakit, sa pamamagitan ng boosting immunization, vaccination at treatment control programs at ganap na masuportahan ang kanilang mga proyekto sa pakikipagtulungan sa iba pang sektor. Bilang tugon sa kanilang panawagan na higit pang palawakin ang saklaw ng Z benefits package para sa cervical cancer at maisama ang HPV Screening sa bagong ipakikilala na Konsulta Plus Package, sinabi ni Ledesma na “Kami ay nagsisikap na lalo pang palawakin ang benepisyo upang makatugon sa pangangailangang medikal ng aming mga miyembro pati na ang kanilang mga dependents. Kasama ang cancer screening sa Konsulta primary care package samantalang ang paggagamot sa naturang sakit ay sakop ng Z Benefits. Ngayong taon, kasama sa mas pinalawak na benepisyo ang cervical cancer bukod pa sa ilang mga piling Z Benefits packages.” Sa kasalukuyan, may dalawang Z Benefits packages ang PhilHealth na sumasaklaw sa kumpletong kurso ng gamutan para sa cervical cancer para sa stages IA1, IA2-IIA1 kung saan ang benepisyong nakapaloob dito ay P120,000 para sa Chemoradiation with Cobalt at Brachytherapy (mababang dosage) at P175,000 para sa Chemoradiation with Linear Accelerator at Brachytherapy (mataas na dosage). Binigyang diin ni Ledesma ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming healthcare providers para sa Z Benefits Package para sa cervical cancer upang maseguro na mas marami pang pasyente ang makagagamit ng naturang benepisyo. “Sa kasalukuyan, mayroon nang pitong (7) contracted na mga ospital kung saan ang mga kwalipikadong pasyente ay maaaring maka-avail ng Z Benefits package para sa cervical cancer. Ang PhilHealth ay nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa mas marami pang healthcare providers upang maging ka-partner namin sa pagbibigay ng abot-kayang serbisyong medikal para sa mga miyembro at dependents na dinapuan ng nasabing sakit,” paliwanag pa niya.





Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 

by Info @Brand Zone | April 14, 2023




Inihayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na natanggap nito ang pinakamataas na net satisfaction rating mula sa mga miyembro batay sa nationwide survey ng Novo Trends Ph, Inc. na isinagawa noong Setyembre 2022.


Ayon sa serbey, nagresulta sa 93.75% ang net satisfaction rating ng ahensya mula sa 3,000 miyembro na sinerbey ng Novo Trends sa iba’t-ibang tanggapan nito sa buong bansa.


Ang “kalidad ng PhilHealth staff at serbisyong kanilang natanggap, kasiyahan sa impormasyong ibinigay sa kanila lalo na sa paggamit ng benepisyo, kalidad ng pasilidad sa mga Local Health Insurance Offices, at mga benepisyong natanggap ng kanilang pamilya sa pagkaka-ospital” ang mga pangunahing dahilan ng kanilang kasiyahan o satisfaction batay sa serbey.


Tumaas naman sa 86.79% ang net satisfaction rating na ibinigay ng mga ospital at iba pang pasilidad o halos sampung porsyentong pagtaas mula 77.14% noong 2021.


Nasiyahan sila sa “mabilis na transaksyon, mabait na staff at mas updated na pagbabayad ng PhilHealth”.


Nakatanggap naman ng 86.31% net satisfaction rating ang PhilHealth mula sa mga employer na nagsabing “madali ang pagbabayad at magagalang ang empleyado”, samantalang 79.83% naman ang rating mula sa healthcare professionals na tinukoy ang “mabilis na aksyon at magalang na mga tao” at “malaking ibinuti ng serbisyo at pasilidad” sa mga tanggapan ng PhilHealth.


Ang lahat ng net satisfaction rating ng mga miyembro, pasilidad, healthcare professionals at employers ay pawang “excellent” o mahusay.


“Nagsalita na ang mga tao sa tunay na saloobin nila sa PhilHealth. Kami po ay lubos na natutuwa sa magandang balitang ito at ito ay dahil sa pagsisikap ng buong Team PhilHealth.


Makakaasa ang ating mga kababayan na ipagpapatuloy namin ang de-kalidad na serbisyo para lalo nilang maramdaman ang mga benepisyo ng PhilHealth at Universal Health Care.” , pahayag ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr..



Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 

by Info @Brand Zone | April 5, 2023



Ibinalik na sa 60 days ang pagsusumite ng benefit claims ng mga accredited healthcare facilities sa PhilHealth simula Enero 1, 2023.


Ayon sa ipinalabas na PhilHealth Advisory 2023-0012, nagtapos na ang mas mahabang filing period na 120 days kaalinsabay ng pagtatapos ng State of Calamity sa bansa dahil sa COVID-19 noong Disyembre 31, 2022.


Maliban sa 60-day filing period, ipinatutupad na rin ng ahensya ang polisiya nito sa 45-day limit kada taon at single period of confinement simula ngayong 2023.


Kaugnay nito, nanawagan si PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa lahat ng partner facilities na siguruhing naisusumite ang kanilang claim sa takdang panahon para maiwasan ang pagka-deny sa mga ito. “Mahalaga rin na maayos ang isinusumiteng claims ng ating mga partner accredited facilities para mabayaran ang mga ito alinsunod sa mga batas at regulasyong sinusunod ng PhilHealth bilang ahensya ng gobyerno,” wika nito.


Hinimok din ni Ledesma ang mga ospital na makipag-ugnayan sa PhilHealth Regional Offices para ipagpatuloy ang pag-reconcile ng claims data at para sa iba pang tulong na maaari nilang kailanganin upang mapagsilbihan ang mga miyembro ng PhilHealth at kanilang mga pamilya.


Noong 2022, ang pangunahing dahilan ng denied claims ay pagkaantala sa pagsusumite sa itinakdang filing period. “Patataasin po namin ang kaalaman ng mga providers at ng kanilang billing personnel patungkol sa ating mga polisiya para maiwasan na ang mga denied at depektibong claims” dagdag pa ni Ledesma.



Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 
RECOMMENDED
bottom of page