top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG FAKE NEWS ANG INANUNSYO NI REMULLA SA WARRANT OF ARREST KAY SEN. DELA ROSA, DAPAT HUWAG NA NIYANG ULITIN, BAD SA PANINGIN NG PUBLIKO NA ANG OMBUDSMAN NAGPI-FAKE NEWS -- Sunud-sunod na pinabulaanan ng Malacanang, Dept. of the Interior and Local Gov't. (DILG), Dept. of Justice (DOJ), Dept. of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa The Netherlands ang inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may warrant of arrest na ang ICC kay Sen. Ronald Dela Rosa.


Kung sakaling mapatunayang fake news ang inanunsyo ni Ombudsman Remulla patungkol sa warrant of arrest kay Sen. Dela Rosa dapat siyang mag-public apology at mag-promise na hindi na uulit kasi bad sa paningin ng publiko na ang Ombudsman ay nagpapakalat ng fake news sa ‘Pinas, period!


XXX


SUWERTE SI SEN. DELA ROSA, MINALAS NAMAN SI FPRRD -- Sinabi ni Executive

Secretary Lucas Bersamin na kung sakaling may warrant of arrest daw ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Dela Rosa ay hindi raw ito awtomatikong ipapatupad ng Philippine gov’t. dahil may bagong extradition rules ang Supreme Court (SC) na kailangang dumaan muna sa masusing pag-aaral ng korte sa Pilipinas kung nararapat isuko sa foreign court ang isang Pilipino na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa.


Kung ganu’n masuwerte pala ni Sen. Dela Rosa kasi kung sakali, siya ang unang makikinabang sa bagong rules sa extradition proceedings ng SC, at masasabing minalas naman si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil late na nang ilabas ng Korte Suprema ang bago nilang extradition rules, na ‘ika nga, arestado na ang ex-president, nakakulong na siya sa ICC jail nang ilabas ito (new extradition rules) ng Kataas-taasang Hukuman ng ‘Pinas, tsk!


XXX


BAKA MA-CITY JAIL DIN SI CONG. PULONG KAPAG NAPATUNAYANG MAY MGA IREGULARIDAD SA MGA FLOOD CONTROL PROJECTS SA KANYANG DISTRITO -- Sa ginawang pag-inspection ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga flood control projects sa distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte ay natuklasan umano nilang maraming proyekto rito na substandard, at pagkaraan niyan ay ibinulgar naman ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na 80 proyektong pangontra sa baha sa lungsod, sa distrito ni Cong. Pulong ang may mga iregularidad, tulad ng ghost projects, overpricing, duplicate funding at awarded without details.


Naku, kung totoo ang mga alegasyong ito ng ICI at ACT Teachers Partylist, malamang makasama si Cong. Pulong sa magpa-Pasko sa Quezon City jail, boom!


XXX


DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NG ICI ANG MALACANANG SA PALPAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS SA CEBU AT NEGROS -- Ibinulgar din ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na maging ang Malacanang umano ay naglabas ng P9.2 billion sa unprogrammed funds ng Marcos gov’t. mula year 2023 at 2024 para sa mga flood control projects sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental, na aniya ay wala ring silbi ang ginastusang proyekto dahil nga binaha ang tatlong lalawigang ito, lalo na ang Cebu kung saan maraming namatay at ari-ariang nasalanta.


Kung ganu’n, dapat pala pati ang mga taga-Malacanang ay imbestigahan din ng ICI sa palpak na flood control projects sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental, period!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 9, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOTOO SANA NA MAY BLUE NOTICE NA ANG INTERPOL KAY ZALDY CO, GUSTUNG-GUSTO NA TALAGA NG TAUMBAYAN NA MAHULI NA SIYA AT MAKULONG -- Inanunsyo ni Usec. Jesse Andres ng Dept. of Justice (DOJ) na may “blue notice” na raw ang Interpol laban kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ibig sabihin ay tinutunton na raw ang kinaroroonan o pinagtataguan ng former congressman sa ibang bansa.


Sana totoo ang inanunsyo na iyan ni Usec. Andres para kapag may warrant of arrest na ay madali nang matitimbog si Zaldy Co kasi sa totoo lang, isa ang former congressman na ito na gustung-gusto ng taumbayan na makulong dahil sa kinasangkutan nitong sangkatutak na flood control projects scam sa buong bansa, boom!


XXX


SEN. DELA ROSA, PROTEKTADO NI TITO SEN SA LOOB NG SENADO, PERO SA LABAS WALA NANG PAKI SA KANYA ANG SENATE PRESIDENT -- Matapos ianunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may inilabas nang warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa, na dating Philippine National Police (PNP) chief, ay agad nagpalabas ng statement si Senate Pres. Tito Sotto na walang sinuman ang puwedeng umaresto sa senador habang nasa loob ito ng Senado.


Sa tema ng salita ni Tito Sen ay kung sa labas ng Senado dadakpin si Sen. Dela Rosa, ibig sabihin ay wala siyang paki, at dahil diyan para iwas-aresto at makulong sa ICC jail, malamang sa loob na ng Senado siya maninirahan dahil nga protektado siya rito, period!


XXX


‘DI DAPAT MAGPAKAMPANTE SI SEN. DELA ROSA KAHIT PA SINABI NG ICC SPOKESMAN NA WALA PANG WARRANT OF ARREST DAHIL BAKA MABULAGA NA MAY UMAARESTO NA SA KANYA SA ‘PINAS -- Pinabulaanan naman ni Dr. Fadi El Abdallah, spokesman ng ICC ang kumalat na balita sa Pilipinas na may warrant of arrest na si Sen. Dela Rosa kaugnay sa kasong crimes against humanity na kahalintulad ng kasong kinakaharap ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).


Bagama’t may ganyang statement na ang spokesman ng ICC ay huwag pa rin pakatiwala si Sen. Dela Rosa dahil baka bigla siyang mabulaga na inaaresto na siya ng Interpol sa ‘Pinas sa tulong ng mga Pinoy law enforcers, boom!


XXX


WEAK LEADER YATANG TALAGA SI PBBM, KUNG IBANG PRESIDENTE ANG GINAGAWAN NI BARZAGA NG MGA MATITINDING ATAKE SA SOCIAL MEDIA MALAMANG NAKASUHAN AT NAKAKULONG NA ANG KONGRESISTANG ITO -- Bukod sa mga matitinding atake ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa social media, kabilang sa mga post na diretsahang inaakusahan ang Pangulo na ‘magnanakaw’, ay may mga post din ito na nananawagan sa militar na alisin na ang suporta kay PBBM, patalsikin na ito sa puwesto.


Dahil sa kawalan ng aksyon ni PBBM sa mga atakeng ito sa kanya ni Barzaga ay lumalabas ngayon na parang totoo ang sinabi ni FPRRD noon na weak leader siya.

Sa totoo lang kasi, kung ibang presidente ang ginawan ng ganyang uri ng mga atake, malamang natadtad na ng kaso at nakakulong na si Barzaga, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 8, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


‘PEACEFUL RALLY FOR TRANSPARENCY’ NG INC, DAPAT SUPORTAHAN NG IBA’T IBANG SEKTOR PARA MAPANAGOT ANG MASTERMINDS SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Magsasagawa ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) ng tatlong araw na “Peaceful Rally for Transparency” mula Nobyembre 16-18, 2025 sa Rizal Park sa Manila.


Hindi masisisi ang INC na maglunsad ng ganitong protesta kasi nga noong October 7, 2025 ay kabilang ang religious group na ito na nanawagan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isapubliko ang ginagawa nilang imbestigasyon sa flood control projects pero dinedma lang at hanggang ngayon wala pang ginagawang live telecast na hearing ang ICI.


Malinaw naman ang titulo ng protesta na ito ng INC na "Peaceful Rally for Transparency" na ibig sabihin isa itong mapayapang kilos-protesta, kaya’t sana suportahan din ito ng iba pang sektor ng lipunan para maobliga ang ICI na totohanin ang inanunsyo nilang isasapubliko na nila ang mga susunod nilang hearing para makatiyak ang publiko na walang hokus-pokus na magaganap sa imbestigasyon at mapapanagot ang mga arkitekto o mga mastermind sa naganap na flood control projects scam sa buong bansa, period!


XXX


SA PAG-ANUNSYO NG BIR NA MAGSASAGAWA SILA NG LIFESTYLE CHECK, ASAHAN NANG MAGPAPANGGAP NA SIMPLE LANG PAMUMUHAY NG MGA KURAKOT SA ‘PINAS -- Inanunsyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Comm. Romeo Lumagui, Jr. na magsasagawa sila ng lifestyle check sa mga senador at iba pang pulitiko.


Sa totoo lang, sablay ang pabidang statement na iyan ni Comm. Lumagui, ang dapat niyang ginawa ay pasikreto silang nagsagawa ng lifestyle check sa mga politician, pati sa pamilya ng mga pulitiko at saka nila isapubliko kung marangya ang mga ito, kung nagbubuhay hari, reyna, prinsipe at prinsesa ang mga ito.


Dahil isinapubliko ni Comm. Lumagui na magsasagawa sila ng lifestyle check ay asahan nang magpapanggap na simple ang pamumuhay ng mga kurakot na pulitiko, at ang kanilang mga pamilya, boom!


XXX


SANGKATUTAK ANG MGA GHOST PROJECT NA WALANG NAGTATRABAHO KAYA IBINIDA NG PSA NA KAUNTI NA LANG ANG JOBLESS SA ‘PINAS, ‘PANG-UUNGGOY’ SA PUBLIKO -- Ang inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang bilang ng mga jobless Pinoy sa bansa ay maituturing na "pang-uunggoy" lang sa publiko para palabasin na marami na ang nagkakaroon ng trabaho sa ilalim ng Marcos administration.


Sangkatutak kasi ang "ghost" projects ng gobyerno o mga proyektong "guni-guni" lang dahil walang mga nagtatrabaho, tapos ang pabida ng PSA marami na raw ang nagkakatrabaho kaya bumaba na ang bilang ng mga jobless Pinoy sa ‘Pinas, buset!


XXX


MARAMING PINOY NA ANG NAGSASABI NA NAGHIHIRAP AT NAGUGUTOM SILA SA ILALIM NG MARCOS ADMIN -- Magkasunod na naglabas ng bad news na survey ang Social Weather Stations (SWS). Una noong October 30, 2025 na 50% ng mga Pilipino ang nagsabi na patuloy silang nakakaranas ng kahirapan sa pamumuhay sa Pilipinas, at nitong nakalipas na November 5, 2025 sa panibagong survey ay 22% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabi na nakakaranas sila ng kagutuman sa panahon ng Marcos admin.


Ibig sabihin, sa magkasunod na survey na iyan ng SWS ay taliwas sa ibinibida ng PSA na kaunti na lang daw ang jobless sa ‘Pinas, dahil kung totoo iyang inanunsyo nila (PSA) dapat sana ay kaunti na lang ang dumadaing sa mga Pinoy na sila ay naghihirap at nagugutom, pero hindi, kasi nga sa survey ay marami ang nagsasabi na sila ay nakakaranas ng hirap at gutom sa panahon ng Marcos admin, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page