top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PAGSAPIT NG JANUARY 2026 KUNG MAY MALASAKIT ANG LIDERATO NG SENADO AT KAMARA, DAPAT MAGSAGAWA SILA ULI NG LIVE INVESTIGATIONN SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Mula nang magsagawa ng closed-door investigation ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), hindi na malaman ng taumbayan kung sino ang mga totoong sangkot at hindi sa flood control scandal. Sa huli na lang nalalaman kung sino ang mga sangkot kapag nagrerekomenda na ang komisyon kung sino ang dapat kasuhan ng Ombudsman.


Kaya, kung tunay na may malasakit sa mamamayan ang liderato ng Senado at ng Kamara, dapat sa susunod na taon, o pagsapit ng Enero 2026, ay magsagawa muli sila ng naka-live na imbestigasyon. Ito ay para mahubaran ng maskara at makilala ng taumbayan ang mga pulitiko at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa flood control scandal. Boom!


XXX


CONG. ERIC YAP, UBOD NA RAW NG YAMAN MULA NANG MAGING KONGRESISTA, KAYANG-KAYA NA RAW BUMILI NG HOTEL – Sina yumaong former Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Ma. Catalina Cabral at Benguet Rep., dating ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap ay parehong nasasangkot sa flood control projects scam.

At kung totoo ang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na ang hotel sa Baguio City na tinuluyan ni Cabral ay dati raw nitong pag-aari at ibinenta kay Cong. Eric Yap, ay talagang ubod na pala siya ng yaman mula nang maging kongresista. Kayang-kaya na pala niyang bumili ng isang hotel. Boom!


XXX


SINUWERTE MAN SI CONG. ERIC YAP SA PAGDIKIT SA TULFO BROTHERS AT SA NOO'Y SPEAKER CAYETANO, MAMALASIN NAMAN SIYA SA MARCOS ADMIN DAHIL MAAARI SIYANG MAKULONG SA CITY JAIL – Sinuwerte lang si Eric Yap nang madikit siya sa Tulfo brothers, at nang maging ganap na ACT-CIS Partylist congressman. Mas lalo pa siyang pinalad nang madikit siya sa noo’y Speaker Alan Cayetano, kasi nang yumao si Benguet Rep. Nestor Fongwan Sr. noong Disyembre 2019, ay pagsapit ng Enero 2020 ay siya ang itinalagang caretaker congressman ng lalawigan. Pagsapit ng Marso 2020, lalo namang nadagdagan ang suwerte niya nang maitalaga siyang chairman ng House Committee on Appropriations.


Gayunman, kung sinuwerte man noon si Cong. Eric Yap sa pagdikit sa Tulfo brothers at noo’y Speaker Alan Cayetano, tila mamalasin siya sa panahon ng Marcos administration. Kabilang siya sa mga maaaring makulong sa city jail sa kasong no bail dahil sa pagkakasangkot niya sa flood control scam. Period!


XXX


PINAGNAKAWAN NA NGA NILA ANG TAUMBAYAN, NAGAWA PA NI SARAH DISCAYA MAG-DIRTY FINGER SA PUBLIKO – Matapos maisyuhan ng warrant of arrest at dalhin ng mga otoridad sa korte, tinanong ng mga mamamahayag ang kontratistang si Sarah Discaya kung may plano itong isoli sa kaban ng bayan ang ninakaw nilang pera ng taumbayan. Ngunit ang itinugon niya ay simpleng pag-dirty finger.


Ganyan kawalang-hiya si Sarah Discaya: nagawa na nilang pagnakawan ang taumbayan, at ngayon ay nagagawa pa niyang mag-dirty finger. Pwe!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG KINONTEMPT NOON NG SENADO SI MARIA CATALINA CABRAL, MALAMANG AY BUHAY PA SIYA — Ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, malaking dagok sa imbestigasyon sa flood control scandal ang pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Maria Catalina Cabral, dahil marami raw itong nalalaman tungkol sa iba pang sangkot sa anomalya sa mga flood control projects.


Totoo namang marami talagang alam si Cabral hinggil sa talamak na korupsiyon sa DPWH. Gayunman, sa kabila ng matinding pagtatanong ng mga senador, hindi ito napaamin.


Kung kinontempt sana noon ng komite ni Sen. Lacson si Cabral at malinaw na ipinaalam na palalayain lamang siya kapag nagsabi na ng buong katotohanan, maaaring nabunyag na ang lahat ng sangkot sa flood control scandal—at malamang, buhay pa siya ngayon. Period!


XXX


HINDI LANG DAPAT KORUPSIYON SA DPWH ANG IMBESTIGAHAN, DAPAT ISABAY NA RIN ANG MGA KATIWALIAN SA BIR, CUSTOMS AT DOH – Maraming ahensya ng pamahalaan ang talamak sa korupsiyon, ngunit apat ang itinuturing na pinakagrabe—ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at Department of Health (DOH).


Dapat ay sabay-sabay na isinasailalim ng pamahalaan sa imbestigasyon ang talamak na katiwalian sa BIR, Customs, at DOH. Kung hihintayin pang matapos ang imbestigasyon sa korupsiyon sa DPWH bago simulan ang pagsisiyasat sa iba pang ahensya, malaki ang posibilidad na magtatapos na ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa Mayo 30, 2028, nang hindi pa man nasisimulan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa tatlong ahensya ng pamahalaan.


XXX


DAPAT MAGPALABAS ULI NG DIREKTIBA SI PBBM NA NAG-OOBLIGA SA LAHAT NG GOV'T. OFFICIALS NA MAGPASAILALIM SA LIFESTYLE CHECK SA OMBUDSMAN – Noong Agosto 28, 2025, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng ahensya ng pamahalaan. Gayunman, mga opisyal lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isinailalim dito, habang ang iba pang tanggapan ng gobyerno ay hindi tumugon.


Dahil dito, nararapat lamang na magpalabas muli si PBBM ng isang malinaw at mahigpit na direktiba na nag-oobliga sa lahat ng opisyal ng mga ahensya ng pamahalaan na sumailalim sa lifestyle check ng Office of the Ombudsman. Sa totoo lang, sa pamamagitan ng lifestyle check madaling mabubukod kung sino ang kurakot at kung sino ang matino sa gobyerno. Period!


XXX


RICHARD GOMEZ, SA PELIKULA LANG KINIKILALANG BIDA, PERO SA TUNAY NA BUHAY, KONTRABIDA TINGIN SA KANYA NG PUBLIKO – Hanggang ngayon ay patuloy na pinuputakti ng batikos ang actor-turned politician na si Leyte 4th District Rep. Richard “Goma” Gomez dahil sa umano’y pambabatok niya kay Rene Gacuma, 68-anyos, pangulo ng Philippine Fencing Association (PFA).


Nag-ugat ang insidente sa isyung hindi umano pinayagang makalaro ng PFA ang isang atletang “minamanok” ni Cong. Gomez sa isang fencing event ng Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Thailand noong Disyembre 16, 2025.


Dahil sa pananakit na ito laban sa isang senior citizen, maraming netizens ang nagsabing sa pelikula lamang nagiging bida si Richard Gomez, ngunit sa tunay na buhay ay isa siyang kontrabida. Boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG LUMABAN NANG PATAS SI SARAH DISCAYA BILANG KONTRATISTA HINDI SANA SIYA NAKULONG NANG NO BAIL – Kulong na sa National Bureau of Investigation (NBI) detention cell ang contractor na si Sarah Discaya matapos siyang isyuhan ng Sandiganbayan ng warrant of arrest kaugnay sa mga kasong malversation of public funds, bribery, at graft na may kinalaman sa umano’y flood control projects scam.

Ayon sa ulat, kung lumaban lamang siya nang patas bilang kontraktor, posibleng hindi siya nakulong sa kasong walang posibilidad ng bail. Period!


XXX


MAS NINAIS PA NG MAG-ASAWANG DISCAYA NA MAKULONG KESA ISOLI SA KABAN NG BAYAN ANG MGA IN-SCAM NILANG PERA – Talagang mas pinili ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na makulong — si Curlee sa Senate detention cell at si Sarah sa NBI detention cell — kaysa ibalik sa kaban ng bayan ang perang kanilang in-scam. Mas pinili rin nilang hindi tumayong state witness at ituro ang mga pulitiko at DPWH officials na naging kasabwat nila sa flood control projects scam mula 2016 hanggang 2025.


Patunay ito na mas nanaisin pa ng mag-asawang Discaya na makulong kaysa isoli sa bayan ang perang ninakaw nila. Boom!


XXX


WALANG DPWH INSERTIONS AT WALANG EBIDENSYA NA SANGKOT SI DEPED SEC. ANGARA SA FLOOD CONTROL SCANDAL KAYA ‘DI RAW DAPAT GAWING STATE WITNESS SI EX-DPWH USEC. BERNARDO –

Hindi dapat gawing state witness ng gobyerno si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo dahil sa pagiging sinungaling umano niya. Kung susuriin daw ang kanyang mga testimonya, makikita na may mga tao siyang nais ilusot sa totoong sangkot sa flood control scandal, at may idinadawit siya na walang kinalaman sa proyekto, tulad ng pagbanggit niya kay dating senador at ngayo’y DepEd Secretary Sonny Angara.


Sa unang testimonya ni Bernardo, malinaw niyang sinabi na si dating DepEd Usec. Trygve Olaivar ay humirit sa kanya ng mga pang-“projects” mula sa “executive secretary.” Bagama’t hindi binanggit ang pangalan noon, ang executive secretary noon ay si ES Lucas Bersamin. Sa ikalawang testimonya naman, pinangalanan na niya si Bersamin, at isinangkot din si Sec. Angara kahit walang maipakitang ebidensya na may insertion si dating Sen. Sonny Angara sa DPWH projects.


Sa totoo lang, isa si Sen. Angara sa mga naging matinong lawmakers ng bansa. Mula nang maging congressman hanggang maging senador, hindi kailanman nasangkot ang kanyang pangalan sa katiwalian. Kaya nananatiling tanong: Sino o ano ang motibo ni Bernardo para siraan si DepEd Sec. Angara?


XXX


SA PANAHON LANG NI CUSTOMS COMM. ARIEL NEPOMUCENO NANGYARI NA KINAPOS ANG TAX COLLECTION SA ADWANA – Ang target tax collection ng Bureau of Customs (BOC) para sa 2025 ay P958.71 billion, ngunit hanggang ngayon ay P898.75 billion pa lamang ang nakokolekta.


Tila sablay ang pagtalaga ni PBBM kay Ariel Nepomuceno bilang Customs commissioner. Sa ilalim ng mga nakaraang Customs heads, naabot at kung minsan ay nalalagpasan pa ang target na tax collection. Ngunit sa panahon ni Nepomuceno, kinapos ang BOC. Boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page