top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SA HIMIG NG PANANALITA NI SP ESCUDERO, AYAW NIYANG UMUSAD ANG IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA -- Sa interview ni Alvin Elchico ng DZMM kay Senate President Chiz Escudero ay sinabi ng radio anchor na marami raw nagagalit sa kanya dahil sa delaying tactic sa impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at ang tugon niya (Escudero) ay ‘yung mga nais lang daw ma-impeach ang bise presidente ang nagagalit sa kanya, pero ang mas nakakaraming Pilipino raw ay mas gusto na ipasa nila ang mga batas na nakabinbin sa Senado at maraming Pinoy din daw ang sawa na sa isyung pulitika o pamumulitika tulad ng impeachment kay VP Sara.


Dahil diyan ay sinabihan ni Elchico si Escudero na sa himig daw ng pananalita ng Senate president ay ayaw nito talaga na ma-impeach si VP Sara, boom!


XXX


MAY EPEKTO SA KANDIDATURA FOR PRESIDENT NI VP SARA SA 2028 ELECTION KAPAG ‘DI NIYA NALINIS ANG PANGALAN SA ISYU NG CORRUPTION SA CONFI FUNDS -- Nang isampa ng Kamara sa Senado ang mga impeachment cases laban kay VP Sara ay sinabi ng bise presidente na pagkakataon daw ito para malinis ang kanyang pangalan, at nitong Lunes (June 2) nang iantala ni SP Escudero ang impeachment proceedings, ay sinabi uli vice president na gusto niyang umpisahan na ang impeachment trial.


Gusto talaga ni VP Sara na umusad na ang impeachment trial, pero parang ayaw ni SP Escudero.


Kapag hindi natuloy impeachment trial kay VP Sara ay siguradong malaki epekto nito sa kandidatura ni VP Sara sa 2028 presidential election kasi hindi niya nalinis ang kanyang pangalan, kaya’t asahang bubuhayin ng mga kalaban niya sa pulitika sa eleksyon ang alegasyong in-scam niya ang kanyang mga confi funds, abangan!


XXX


‘DI MAN AMININ TIYAK NA KINABAHAN SI SEN. DELA ROSA SA SINABI NI PNP CHIEF GEN. TORRE NA MAKIKIPAGTULUNGAN ITO SA ICC KAPAG MAY WARRANT OF ARREST NA ANG SENADOR -- Sinabi ni newly-appointed PNP Chief Gen. Nicolas Torre na handa raw silang makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kapag nagpalabas na ito ng warrant of arrest laban kay former PNP chief at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.


Sa sinabing ito ni Gen. Torre ay hindi man aminin, tiyak kinabahan si Sen. Bato dahil ang statement na ito ng PNP chief ay indikasyong dadakpin siya ng kapulisan upang isurender sa Interpol para tulad ni ex-P-Duterte ay makulong din sa ICC jail sa The Netherlands, period!


XXX


KUNG SI EX-P-DUTERTE PA ANG PRESIDENTE NG ‘PINAS, TIYAK NA-TOKHANG NA SINA 'JUN GINTO' NG LAS PIÑAS CITY AT ‘LAKAY’ NG PARAÑAQUE CITY -- Kung may singhutan ng shabu sa mga saklang-patay at saklang puwesto-piho ni "Jun Ginto" sa Las Piñas City, ay lantaran din ang pagbebenta ng shabu ng mga lotteng kubrador ni

"Lakay" sa Parañaque City, at nakapagtatakang walang aksyon sina Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Joseph Arguelles; Las Piñas City chief of police, Col. Sandro Tafalla at Parañaque City chief of police Col. Melvin Montante laban sa dalawang ilegalistang ito.


Kung si ex-P-Duterte pa ang presidente ng ‘Pinas, siguradong "na-tokhang" na sina "Jun Ginto" at "Lakay," boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

TULAD NG IBANG SENADOR TILA AYAW DIN NI SP ESCUDERO NA MA-IMPEACH SI VP SARA -- Ang patuloy na delaying tactic na ginagawa ni Senate President Chiz Escudero na may kaugnayan sa impeachment cases ni Vice President Sara Duterte-Carpio ay pagpapakita na tila tulad din siya ng ibang senador na ayaw ma-impeach ang bise presidente.


Dahil diyan ay lumalabas na itong Senate president ay kabilang sa mga senador na Duterte Diehard Supporters (DDS), boom!


XXX


PABOR NA PABOR KAY VP SARA ANG DELAYING TACTIC NI SP ESCUDERO SA IMPEACHMENT NG VICE PRESIDENT -- Sa totoo lang, pabor na pabor kay VP Sara ang delaying tactic ni SP Escudero sa pagdinig sa impeachment cases ng bise presidente lalo’t may isinampang petisyon ang kampo ng vice president sa Supreme Court (SC) na humihiling na pagbawalan ang Senado na siya ay ma-impeach.


Baka bago sumapit ang June 11 na pagbasa ng mga sakdal kay VP Sara ng Senado na tatayong impeachment court ay maglabas ng desisyon ang SC na pinagbabawalan ang Senate of the Philippines na dinggin ang impeachment sa bise presidente, at kapag nangyari iyan, tapos na ang isyu, wala nang impeachment trial sa vice president, period!


XXX


MARAHIL KAYA SADSAD NA ANG RATING NI SEN. RAFFY TULFO SA 2028 PRESIDENTIAL SURVEY DAHIL HINDI NAGUSTUHAN NG MAMAMAYAN ANG MARAMING TULFO NA KUMANDIDATO SA ELEKSYON -- Dati, kapag naglabas ng survey ang Tangere Firm para sa 2028 presidential election, ang nagpupukpukan sa top ay sina VP Sara at Sen. Raffy Tulfo, malayo ang percentage ni former VP Leni Robredo at hindi naisasama ang pangalan ni Sen. Bong Go.


Pero nang manalong alkalde ng Naga City si former VP Leni at mag-top si Sen. Bong Go sa senatorial election, iba na resulta ng 2028 presidential survey ng Tangere Firm, top pa rin si VP Sara sa rating na 29%, pangalawa na si incoming Naga City Mayor Leni Robredo sa rating na 21%, at dito isinama na ng survey firm ang pangalan ni Sen. Bong Go sa rating na 15%, at laglag si Sen. Raffy Tulfo sa pang-apat sa rating na 11%. 


Maaaring ang dahilan kaya sumadsad ang rating ni Sen. Tulfo, tinalo pa siya sa rating nina incoming Mayor Leni Robredo at Sen. Bong Go ay dahil hindi yata nagustuhan ng mamamayan na maraming Tulfo ang kumandidato sa nakalipas na halalan, tsk!


XXX


SEN. BONG GO PATOK SA PAGKA-VP SA 2028 ELECTION -- Sa pagka-vice president naman sa 2028 election, inilampaso ni Sen. Bong Go sa rating na 36% ang iba pang senador na posibleng kumandidatong VP, tulad ni incoming Sen. Bam Aquino (26%), Sen. Raffy Tulfo (11%), Sen. Risa Hontiveros (6%) at SP Chiz Escudero (4%).


Sa laki ng lamang o rating ni Sen. Bong Go, patok siya sa pagka-bise presidente, walang duda na kapag kumandidato siyang VP sa 2028 election, sure win na siya, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

HINDI DAPAT MAGSAYA SA PAGSUSPINDE NI PBBM SA EDSA REHAB, AFTER ONE MONTH, DUSA NA DAHIL IPAIIRAL NA ANG ODD-EVEN SCHEME SA EDSA -- Hindi dapat magsaya ang publiko, lalo na ang mga motorista sa pagsuspinde ni Pres. Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) sa implementasyon ng EDSA rehabilitation.


Mismong si PBBM na kasi ang nagsabi na isang buwan lang ang suspensyon para mapag-aralan pa ang pag-rebuild sa EDSA. At after ng one month ay asahan nang tuloy na ang EDSA rehab, dusa ang aabutin ng mga motorista sa ipaiiral na odd-even scheme sa color coding ng mga sasakyang dadaan sa EDSA, boom!


XXX


NCAP LANG PALA ANG MAGPAPADISIPLINA SA MGA ‘KAMOTE RIDER’ -- May magandang naidulot din pala ang pagbabalik ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa lansangan sa Metro Manila.


Wala na kasing nababalitang “kamote rider” na naaaksidente sa mga kalsada sa Metro Manila. Talagang hindi na sila nagpapalipat-lipat ng linya, sa kalsadang pang-motorsiklo na lang sila nagsisiksikang dumaan kasi nga takot silang pagmultahin kapag pabara-bara silang nag-o-overtake sa ibang sasakyan.


‘Ika nga, NCAP lang pala ang katapat para magkaroon ng disiplina sa kalsada ang mga tinaguriang “kamote rider,” period!


XXX


KAPAG NA-DENY ANG HIRIT NI ROQUE NA ASYLUM, TIYAK BIBITBITIN SIYA NI GEN. TORRE PABALIK SA ‘PINAS -- Sinabi ni newly appointed PNP Chief Gen. Nicolas Torre na ang isa raw sa kanyang prayoridad ay dakpin si former presidential spokesman Harry Roque na nahaharap sa kasong no bail na qualified trafficking in person na sa kasalukuyan ay nasa The Netherlands.


Kaya kapag ang hinihirit ni Roque na asylum sa The Netherlands ay nabasura, asahan na niyang pupuntahan siya ni Gen. Torre sa bansang ito (The Netherlands) para bitbitin pabalik ng Pilipinas upang ikulong, abangan!


XXX


HIRIT NG KABATAAN PARTYLIST, IMBESTIGAHAN DIN ANG IMBENTONG ‘PORK BARREL PROJECTS’ NG MGA SEN. AT CONG. -- Dahil sa nabulgar na mga imbentong pangalan na beneficiaries sa mga confidential funds ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, nais ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na imbestigahan din ang mga pork barrel ng mga senador at kongresista kasi baka raw sa mga imbentong proyekto rin napunta ang pork barrel funds ng mga kapwa niya lawmakers.


Sana nga matuloy ang imbestigasyon na ‘yan sa Kamara para mahubaran ng maskara ang mga sen. at cong. na may mga imbentong “pork barrel projects,” boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page