top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 8, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PAGPAPATANGGAL SA REPORTER NG NET 25 SA MALACAÑANG, ASAL-DIKTADOR NG MARCOS ADMIN -- Pinutakti nang batikos ng iba’t ibang media organizations ang utos ng Presidential Communications Office (PCO) sa Eagle Broadcasting Corporation (EBC) na tanggalin bilang reporter ng Malacañang si NET 25 TV reporter Eden Santos dahil sa isyung paglabag nang i-violate daw nito ang protocol nang lumabas sa designated area ng mga mamamahayag at i-ambush interview si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa Capas, Tarlac noong June 25, 2025.


Tama ang naging desisyon ng mga media organization na batikusin sa isyung ito ang PCO kasi nasa demokrasyang bansa na tayo at mali na mag-asal diktador ang Marcos administration, na pati ang pagtatalaga ng network kay Eden Santos bilang beat reporter ng Malacañang ay pinanghihimasukan, period!


XXX


‘DI NA KUKUNING OVP SPOKESPERSON SI ROWENA GUANZON DAHIL SI SP ESCUDERO ANG MISTULANG SPOKESMAN NI VP SARA -- Nasa panig ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio si former Comelec Commissioner Rowena Guanzon at madalas mag-post ng mga pambabatikos sa social media ang ex-commissioner laban sa Marcos administration at Kamara na masyadong halatain na nagpapapansin siya kay VP Sara sa pagbabakasakaling kunin siyang spokesperson ng Office of the Vice President, ang problema niya (Guanzon) KSP o “kulang sa pansin” siya ng bise presidente.


Marahil kaya ayaw na ni VP Sara kumuha ng OVP spokesperson ay dahil nagmimistulang spokesperson na niya si Senate President Chiz Escudero, boom!


XXX


KUNG NAIS MATIGIL ANG CORRUPTION AT SMUGGLING SA CUSTOMS DAPAT LAHAT NG DISTRICT COLLECTOR NA MAY BAHID NITO SIBAKIN SA PUWESTO -- Ibinida ni Commissioner Ariel Nepomuceno na nagsagawa raw siya ng pagbalasa sa mga opisyal ng Customs bilang tugon sa utos sa kanya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na labanan ang corruptions at smuggling sa ahensya.


Kung ang ginawang pagbalasa ni Nepomuceno ay inilipat o pinagpalit-palit lang niya ng puwesto ang mga may tahid ng district collectors sa Customs ay tiyak hindi matitigil ang corruption at smuggling sa ahensya.


Kung nais talaga niyang matigil ang corruption at smuggling sa Adwana, ang dapat gawin ni Nepomuceno ay sibakin ang lahat ng mga district collector at palitan sila ng Customs officials na walang bahid ng corruption ang mga pagkatao, period!


XXX


PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG GCASH SA ONLINE GAMBLING TANGING PARAAN PARA MATIGIL ANG MGA PASUGALAN SA SOCIAL MEDIA -- Nais ni Sen. Win Gatchalian na ipagbawal na ang paggamit ng GCash sa mga online gambling kasi nga iyang e-wallet na iyan ang ginagamit pantaya sa sangkatutak na pasugalan sa social media.


Iyan ang the best na panukala, kasi kapag bawal nang gamitin ang GCash sa pagtaya sa mga online gambling, siguradong matitigil na ang iba’t ibang uri ng mga pasugalan sa social media, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SIGURADONG TALO ANG ‘MANOK’ NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION KAPAG MAY ‘NANGYARING MASAMA’ KAY EX-P-DUTERTE SA ICC JAIL -- Nabahala ang dating misis ni ex-P-Duterte na si Elizabeth Zimmerman, ermat nina Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, Davao City Cong. Pulong Duterte at acting Mayor Baste Duterte na sa kanyang pagbisita sa dating pangulo sa kulungan nito sa International Criminal Court (ICC) jail na hindi na raw gaanong makakilos sa sobrang kapayatan ang ex-president.


Kaya’t kung sakaling may ‘mangyayaring masama’ kay ex-P-Duterte ay asahan na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na olat o talo aabutin ng kanyang ‘manok’ sa 2028 presidential election, boom!


XXX


SA MGA SENADOR NA NAG-FILE NG 10 PRIORITY BILLS SA 20TH CONGRESS, ANG KAY SEN. BONG GO ANG THE BEST DAHIL SAMBAYANANG PINOY ANG MAKIKINABANG -- Sa mga senador na nag-file ng kanilang 10 priority bills para sa 20th Congress, ang mga isinumite ni Sen. Bong Go ang masasabing mamamayan ang makikinabang sa kanyang mga panukalang batas dahil kabilang dito ang para sa pangkalusugan, pang-edukasyon, pangtrabaho, pangkalamidad at pang-sports.


Ang nais nating ipunto rito, ang 10 priority bills ni Sen. Bong Go ang the best kasi nga sambayanang Pinoy ang mabibiyayaan sa kanyang mga panukalang batas, period!


XXX


MGA PARAK NA ‘PUMATAY’ SA MGA MISSING SABUNGERO, DAPAT HUBARAN NG MASKARA, PANGALANAN NA NI ALYAS ‘TOTOY’ -- Sabi noon ni Julie "Dondon" Patidongan alyas “Totoy” ay papangalanan daw niya ang mga pulis na ‘brutal na pumatay at naglubog’ sa Taal Lake sa mga missing sabungero pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya pinapangalanan.


Dapat matapos niyang pangalanan sina Atong Ang at Gretchen Barretto na kabilang daw sa mastermind sa kaso ay sana pinangalanan na rin niya ang mga parak para mahubaran na ng maskara at makilala ng publiko ang mga ito na ‘pumatay’ sa mga missing sabungero, boom!


XXX


SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, NAGING TALAMAK ANG MGA RAKET, MAY SUGALAN NA SA SOCIAL MEDIA, MAY SUGALAN PA SA KALSADA -- May mga senador at kongresista na nagsusulong na ipagbawal na ang online gambling.


Aba teka, bakit online gambling lang, dapat ipagbawal na rin pati raket na lotteng nina "Boy Abang," "Lorna" at "Paknoy" sa Maynila, nina "Haruta" at "Joy" sa Paranaque," ni "Onie" sa Las Pinas, ni "Toto" sa Makati, ni "Edmon" sa Caloocan, nina "Mario Bokbok" at "Judy" sa Malabon at Navotas.


Sa totoo lang, sa panahon lang ng Marcos administration naging talamak ang mga ganitong raket, may sugalan na sa social media, may sugalan pa sa kalsada, buset!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

TULOY ANG ‘DISMISSAL WITHOUT TRIAL’ KAY VP SARA KAPAG SI ESCUDERO ULI ANG NAGING SENATE PRESIDENT SA 20TH CONGRESS -- Kapag si Senate President Chiz Escudero ang nanalo uling Senate president sa 20th Congress sa pamamagitan ng majority votes ay asahan na ng Kamara at ng taumbayan ang “dismissal without trial” sa mga kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte-Carpio.


Tiyak naman kasing masusunod ang sinabi ni Escudero noong June 25, 2025 na puwedeng ibasura ang mga “articles of impeachment” laban kay VP Sara sa pamamagitan ng simpleng majority votes ng mga senator-judges, boom!


XXX


SI ATONG ANG LANG ANG SUSPEK KAPAG MAY ‘NANGYARING MASAMA’ KAY EMIL SUMANGIL -- Nanawagan ang misis ni GMA broadcast journalist Emil Sumangil sa publiko na samahan siyang ipagdasal ang kaligtasan ng kanyang mister na buong tapang na seryeng nagbalita at nag-interbyu kay Julie Patidongan, alyas “Totoy” na humantong para malantad sa publiko na si Charlie “Atong” Ang ang mastermind umano na nagpapatay, nagpagarote (pinatay sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang alambre) at nagpalubog sa Taal Lake sa mga missing sabungero.


Dahil sa panawagan na iyan ng misis ni Emil Sumangil ay kumalat na ngayon sa social media ang post ng mga netizens na “Protect Emil Sumangil.”


Sa totoo lang, hindi naman maiaalis kay Atong Ang na magalit nang todo kay Sumangil, pero dapat siyang makiisa sa “Protect Emil Sumangil” dahil kapag may ‘nangyaring masama’ sa broadcast journalist ay walang ibang pagbibintangan ang publiko kundi siya ang suspek, period!


XXX


‘SUNTOK SA BUWAN’ NA MAGING PRESIDENTE SI SPEAKER ROMUALDEZ, WALA SIYANG KARISMA SA PUBLIKO -- Nais ni Speaker Martin Romualdez ay maging permanente na ang P20 per kilong bigas sa mga Kadiwa Stores.


Kahit magawa pa ni Romualdez na maging permanente na ang P20 per kilong bigas ay “suntok pa rin sa buwan” na manalo siyang presidente kung kakandidato siya sa 2028 presidential election, sa kadahilanang wala siyang karisma sa publiko, boom!


XXX


INIWANG UTANG NI EX-MAYOR HONEY LACUNA SA MANILA P10B AT ANG INIWANG UTANG NAMAN NI YORME ISKO NOONG YEAR 2022 P17B -- Nag-boomerang kay Manila Mayor Isko Moreno ang mga atake niya kay former Mayor Honey Lacuna tungkol sa iniwang utang daw nito na P10 billion sa Manila local gov’t. unit (LGU).


Muli kasing kumalat sa social media ang inanunsyo ni Lacuna noong December 2024 na P17 billion ang iniwang utang ni Yorme Isko sa Manila LGU nang kumandidato ito sa pagka-presidente noong 2022 presidential election, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page