top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SI VP SARA NA NAGSABING FAKE NEWS NA BUTO’T BALAT NA LANG ANG PRESIDENTE -- Mismong si Vice Pres. Sara Duterte Carpio na ang nagsabi na ang mga kumakalat sa social media na larawan ng kanyang amang si ex-P-Duterte na buto’t balat na ay peke.


Kaya dapat tigilan na ng mga netizens na ipakalat sa social media ang ganitong larawan ni ex-P-Duterte kasi nga hindi magandang tingnan na ang matikas, matapang at palaban na dating presidente ay pinagmumukhang kaawa-awa, lalo’t ang anak na niyang bise presidente ang nagsabi na fake ang mga picture na buto’t balat na ang ex-president, boom!


XXX


MAINAM ANG NAGING AKSYON NG PAGCOR NA PAGPAPATANGGAL SA MGA BILLBOARD NA NAGPU-PROMOTE NG PASUGALAN -- Inatasan ng Pagcor ang mga gambling operator na tanggalin o baklasin ang kanilang mga billboard advertisements na humihikayat sa mamamayan na magsugal sa kanilang mga online gambling sites.


Napakainam ang naging aksyon na iyan ni Pagcor Chairman-CEO Alejandro Tengco, kasi nga naman kung dati ay ang nakikita ng publiko na mga nakalagay sa mga billboard ay iba’t ibang uri ng produkto, eh ngayon mga online pasugalan na, period!


XXX


EX-DEPED SEC. LEONOR BRIONES, KAHIT MATANDA NA SABIT PA RIN SA KATIWALIAN -- Iniutos ng Ombudsman na sampahan ng mga graft charges si former Dept. of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones at iba pang dating DepEd officials matapos masangkot at gumawa umano ng katiwalian ang mga ito patungkol sa overpriced na mga laptop na ipinamahagi sa mga public school teacher noong year 2021.


Pambihira naman ‘tong si ex-DepEd Sec. Briones, katanda-tanda na, eh nagawa pang madawit sa katiwalian sa DepEd, pwe!


XXX


PALPAK ANG COMELEC, NANUNGKULANG GOVERNOR NG CATANDUANES HULI NA NILANG NALAMAN NA CHINESE PALA -- Nang kumandidato si former Catanduanes Gov. Joseph Chua Cua sa pagka-alkalde ng Virac ay nag-file ng disqualification sa kanya ang katunggali niya dahil hindi raw natural born Filipino citizen ang dating governor dahil parehong Chinese national daw ang mga magulang nito.


Bagama’t natalo na si Cua sa nakaraang halalan ay inilabas pa rin kamakalawa ng Comelec ang desisyon nilang nagpapatunay na Chinese national nga si Cua.


Dito makikita na palpak talaga ang Comelec, kasi mantakin n’yo ang tagal nanungkulang governor si Cua sa Catanduanes mula 2007 hanggang June 30, 2022, eh kung hindi pa nag-file ng disqualification ang kanyang katunggali sa pulitika ay hindi pa malalaman ng Comelec na pekeng Pinoy pala ang naging governor ng Catanduanes, buset!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 13, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

AWTOMATIK LUSOT NA SA IMPEACHMENT SI VP SARA KAPAG SABLAY ANG NAGING TUGON NG KAMARA SA MGA KUWESTIYON NG SC -- Nakapuntos si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa mga kinakaharap niyang kasong impeachment matapos na aksyunan ng Supreme Court (SC) ang petisyon niya na kumuwestiyon sa legalidad ng mga “articles of impeachment” na isinampa sa kanya ng Kamara.


Inatasan na kasi ng SC ang Kamara na magsumite ito sa kanila ng mga dokumento tulad ng kung nagkaroon ng panahon ang lahat ng kongresista na pag-aralan ang mga kasong impeachment laban kay VP Sara, pinagdadala rin ng mga ebidensya, anong komite na nagbalangkas para i-impeach ang bise presidente, at kung binigyan ng pagkakataon ito (VP Sara) na maipagtanggol ang sarili sa Kamara.


‘Ika nga, kapag sablay ang naging tugon ng Kamara sa mga kuwestiyon ng SC, awtomatik lusot na sa impeachment si VP Sara dahil malamang ay atasan ng Korte Suprema ang Senado na ibasura na ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente, period!


XXX


SA MGA NAGING SPOKESPERSON NG MALACANANG SI CLAIRE CASTRO ANG PINAKAMALAKAS MANG-ALASKA SA MGA KALABAN SA PULITIKA NG ADMINISTRASYON -- Sa mga naging spokesperson ng Malacanang, si Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pinakamalakas mang-alaska sa mga kalaban sa pulitika ng administrasyon.


Sa unang presscon ni newly appointed Office of the Vice President (OVP) spokesperson Ruth Castelo ay tinanong siya ng mga mamamahayag kung papapelan din niya ang pagiging “attack dog” ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio laban sa Marcos administration, at ang tugon niya (Castelo) ay hindi raw siya magiging “attack dog” laban sa pamahalaan.

Nang magpa-presscon naman ang Malacanang ay natanong si Castro kung ano’ng reaksyon niya sa sinabi ni OVP spokesperson Castelo na hindi nito papapelan ang pagiging “attack dog” laban sa Marcos admin, at mabilis ang naging tugon ng Malacanang spokesperson na aniya, hindi na raw talaga kukuha si VP Sara ng “attack dog” kasi mismong ang bise presidente na raw ang pumapapel bilang “attack dog”, na madalas bumatikos sa Marcos admin, boom!


XXX


ROWENA GUANZON, NAGPRISINTA KAY VP SARA NA “ATTACK DOG” PARA ARAW-ARAW MAKIPAGBARDAGULAN KAY CLAIRE CASTRO -- Matapos sabihin ni OVP spokesperson Castelo na hindi siya “attack dog” ni VP Sara ay nag-post sa social media si former Comelec Comm. Rowena Guanzon na ipiniprisinta niya ang kanyang sarili sa bise presidente na kunin siyang “attack dog” laban sa Marcos admin.


Kaya kapag kinuha ni VP Sara si Guanzon na kanyang “attack dog” ay asahan nang hindi na matatahimik ang ‘Pinas sa bangayang pulitika kasi siguradong araw-araw silang (Guanzon vs Castro) magbabardagulan sa presscon at sa social media, abangan!


XXX


KAPAG KUMANDIDATO ULI SI VICO SOTTO SA 2028 ELECTION, LALABAS NA WALA SIYANG PALABRA DE HONOR -- Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi raw siya kakandidato sa anumang posisyon sa 2028 election.


Dapat panindigan ni Mayor Vico ang statement niyang ‘yan, dahil kapag kumandidato siya at ang ikinatuwiran ay hindi raw niya mahindian ang mamamayan na humihiling na kumandidato siya sa anumang posisyon, malamang dito siya unang makatikim ng pagkatalo dahil iisipin ng taumbayan na wala siyang isang salita o palabra de honor, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 12, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MGA ‘MASISIBANG’ CONG. AT SEN. NA MGA PORK BARREL POLITICIANS DAPAT MAHUBARAN NG MASKARA -- Ibinulgar ni Sen. Ping Lacson na sa 2025 national budget ay may isang congressman daw ang nagkaroon ng P15 billion pork barrel at ilang senador ang nagkaroon ng P5B hanggang P10B pork barrel.


Sana mahubaran ng maskara ang mga kongresista at senador na iyan para malaman ng publiko ang mga ‘masisibang’ pork barrel politicians, boom!


XXX


TIYAK NA MAS GUGUSTUHIN NG MGA DDS ANG RESO NI SEN. PADILLA NA ‘DUTERTE BRING BACK HOME’ KAYSA RESO NI SEN. CAYETANO NA ‘DUTERTE HOUSE ARREST’ -- Mas mainam pa ang resolusyong “bring back home” ni Sen. Robin Padilla kaysa resolusyong “house arrest” ni Sen. Alan Cayetano.


Sa resolusyong “bring back home” ni Sen. Padilla ay nananawagan ito sa Marcos administration na hilingin sa International Criminal Court (ICC) na iuwi sa Pilipinas si ex-P-Duterte at dito na lang litisin ang kanyang mga kaso, at sa resolusyong “house arrest” ni Sen. Cayetano ay sa Philippine Embassy sa The Netherlands ikulong ang dating presidente habang dinidinig ang mga kaso niya sa ICC.


Sa dalawang resolusyon na ito, tiyak mas magugustuhan ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang reso ni Sen. Padilla dahil kapag nasa ‘Pinas na ay personal na nilang madadalaw at makikita si ex-P-Duterte, kesa reso ni Sen. Cayetano na sa napakalayong lugar na Philippine Embassy sa The Netherlands ikulong ang ex-presidente, period!


XXX


KAPAG ANG NATAGPUANG BUTO SA TAAL LAKE MULA SA TAO, TAPOS NA ANG HAPPY DAYS NINA ATONG ANG AT GRETCHEN BARRETTO -- Kapag sa isinagawang pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng PNP Crime Laboratory na ang buto na nakasilid sa sako na natagpuan sa Taal Lake ay mula sa tao at hindi sa hayop, at sa DNA test ay nagtugma ito sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero, masasabing tapos na ang happy days nina Atong Ang, Gretchen Barretto at iba pang sangkot sa ‘missing sabungeros’.


Lumalabas kasi na totoo ang ibinulgar ni Julie "Dondon" Patidongan alyas "Totoy" na sila (Atong Ang, Gretchen Barretto atbp) ang masterminds sa ‘pagpapapatay’ sa mga missing sabungero, boom!


XXX


DAPAT MAG-SORRY SA PUBLIKO ANG MGA SEN., CONG. AT DUTERTE ADMIN NA ‘NAGSABWATAN’ SA PAGSASABATAS NG SALOT NA ONLINE SABONG -- Hindi pa man nagaganap ang pagdukot at pagpatay sa mga missing sabungero ay maituturing na noon pa man ay salot na sa lipunan itong online sabong.


Wala pang isyung ‘missing sabungeros’ ay ang dami nang nalulong sa sugal na ito, maraming gumawa ng krimen, panghoholdap, pagnanakaw para may maipangtaya sa online sabong, at may nalulong sa sugal na ito na nabaon sa utang ay mga nagsipag-suicide, hanggang sa sumabog na nga ang balitang mga missing sabungero.


Kung hindi ito isinabatas ng mga senador, kongresista at ng nakaraang Duterte administration, at ay ipinagbawal nila ito sa social media, wala sanang gumawa ng mga panghoholdap, pagnanakaw para makapagsugal sa online sabong, wala sanang mga nagpakamatay dahil nabaon sa utang sa sugal na ito, at wala sanang mga missing sabungero.


Kaya’t dapat humingi ng public apology ang mga senador, kongresista at ang nakaraang Duterte admin na ‘nagsabwatan’ sa pagsasabatas ng salot na online sabong, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page