top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

‘PRRD BILL’ NI SEN. IMEE MARCOS AT PAG-APRUB NI PBBM, MAGSASALBA KAY SEN. DELA ROSA PARA HINDI MAKULONG SA ICC JAIL -- Sunud-sunod ang statement ni Executive Sec. Lucas Bersamin patungkol sa napipintong pag-issue ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa.

Una, sabi ni ES Bersamin na kapag may warrant of arrest na mula sa ICC ay ipapatupad ito ng Marcos administration, at pangalawang statement, na kesyo wala raw ipapairal ang pamahalaan na special arrest sa senador.


Dalawang Marcos ang tanging pag-asa ni Sen. Dela Rosa para hindi siya maaresto at makulong sa ICC jail sa The Netherlands. Una, ang panukalang batas ni Sen. Imee Marcos na tinawag niyang “PRRD (Pres. Rodrigo Roa Duterte) Bill” na nagbabawal arestuhin at ikulong sa ibang bansa ang mga Pilipino ng walang pahintulot ang korte ng Pilipinas, at kapag ang batas na ito ng senadora ay inaprub o nilagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), lusot na, ligtas na sa pagkakakulong sa ICC jail si Sen. Dela Rosa, period!


XXX


BAD NEWS SA MGA DDS ANG SINABI NI RET. ICC JUDGE PANGALANGAN NA DEDEDMAHIN LANG NG ICC ANG SENATE RESOLUTION NA PAGPAPALAYA AT PAGPAPAUWI KAY FPRRD SA ‘PINAS -- Sinabi ni Lawyer-Professor Raul Pangalangan, retired judge ng ICC na "no value" o walang halaga raw ang isinusulong ng Senado na pagpapalaya kay former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) mula sa pagkakakulong sa ICC jail.


Bad news iyan sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) kasi gustung-gusto na nilang makauwi sa ‘Pinas si FPRRD, pero mismong retired judge na ng ICC ang nagsabing kahit lahat ng senador ang lumagda para palayain at maiuwi na sa ‘Pinas ang dating presidente ay dededmahin lang ito ng ICC, tsk!


XXX


MAI-STRIKE 2 NG SC SI PBBM KAPAG INAPRUB NIYA ANG POSTPONEMENT NG 2025 BSKE -- Mas malamang na i-veto ni PBBM ang panukalang postponement sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa December 1, 2025.

Sigurado kasing nakatatak na sa isip ni PBBM na napahiya siya sa unang batas na kanyang pinirmahan noong pagkaupo niyang presidente ng ‘Pinas, at ito nga ay iyong pag-aprub niya at paglagda niya noong Oct. 10, 2022 sa BSKE 2022 postponent na nakatakda sana noong Dec. 5, 2022 dahil sinupalpal siya rito ng Supreme Court (SC) na nagsabing unconstitutional o labag sa batas ang nilagdaan ng presidente na nagpapaliban sa anumang halalan sa bansa.


‘Ika nga, para hindi ma-strike 2 ng SC at muling mapahiya sa taumbayan, kaya mas malamang na i-veto ni PBBM ang postponement ng BSKE 2025, boom!


XXX


OKS LANG IPAGTANGGOL NI SEN. JINGGOY ANG MGA CELEBRITY NA ENDORSER NG ONLINE GAMBLING KUNG LEGAL AT MAY PERMISO SA PAGCOR ANG INIENDORSO, PERO KUNG ILLEGAL DAPAT SILANG KASUHAN -- Ipinagtanggol ni Sen. Jinggoy Estrada ang mga celebrity na endorser ng mga online gambling.


Kung ang iniendorsong online gambling ay legal at may permiso ng Pagcor okey lang ipagtanggol sila ni Sen. Jinggoy, pero kung illegal online gambling ang iniendorso ng mga celebrity, bad ‘yan at sa halip na ipagtanggol, ang dapat gawin ng senador ay irekomenda silang sampahan ng kasong illegal gambling, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAPAG NAPATUNAYAN NI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL NA HINDI NIYA KINURAKOT ANG CONFI FUNDS, TIYAK LALONG TATAAS ANG KANYANG RATING SA SURVEY -- Sa isinapublikong survey ng Social Weather Stations (SWS) patungkol sa trust rating ng apat na matataas na opisyal ng pamahalaan ay top si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa iskor na 61%, pangalawa si Senate Pres. Chiz Escudero, 55%; pangatlo si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), 48% at kulelat si Speaker Martin Romualdez, 34%.


Ang taas ng rating ni VP Sara at partida, tiyak na lalong tataas ang kanyang rating kung magkakaroon ng impeachment trial at makapaglalabas siya ng mga ebidensyang hindi siya corrupt, na hindi niya kinurakot ang kanyang confidential funds, abangan!


XXX


ATTY. KAPUNAN GUSTONG MAGPABIDA SA LIVE COVERAGE SA IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA KAYA UMATRAS BILANG LAWYER NI ATONG ANG -- Umatras na si Atty. Lorna Kapunan sa pag-aabogado kay Atong Ang dahil mas mahalaga raw para sa kanya ang maging miyembro ng private prosecutor sa impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kaysa mag-abogado sa gambling tycoon na nasasangkot na mastermind sa pagpapapatay umano sa mga missing sabungero.


Marahil, napag-isip-isip ni Atty. Kapunan na sa impeachment trial, dahil siguradong live coverage ito ng mga TV networks ay magagawa niyang magpabida sa publiko, kumpara sa kaso ni Atong Ang na hindi niya magagawang magpabida dahil sa loob ng hukuman ay walang TV live coverage, boom!


XXX


MAY PUNTO SI SEN. DELA ROSA SA SINABING PINAPUTOK ANG ISYUNG WARRANT OF ARREST SA KANYA NG ICC PARA PAGTAKPAN ANG USAPING NASANGKOT ANG PANGALAN NI FL LIZA ARANETA-MARCOS SA PAGKAMATAY NI PAOLO TANTOCO – Ayon kay Sen. Ronald Dela Rosa ay diversionary tactic lang ng Malacanang ang inanunsyong ipapahuli siya ng Marcos administration kapag may warrant of arrest na sa kanya ang International Criminal Court (ICC) para raw mapagtakpan ang isyu na overdose daw sa paggamit ng cocaine ang ikinamatay ni Paolo Tantoco sa Amerika, kung saan nasasangkot dito ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.


May punto si Dela Rosa sa sinabi niyang ‘yan kasi mantakin n’yo, kainitan ang isyung nagdadawit sa pangalan ng First Lady sa pagkamatay ni Tantoco dahil sa overdose daw na paggamit ng cocaine, tapos sinabayan ito ng statement ni Executive Sec. Lucas Bersamin na kapag may warrant of arrest na ang ICC laban kay Sen. Dela Rosa ay aarestuhin daw nila ito para i-turnover sa The Netherlands, period!


XXX


HUBARAN NG MASKARA ANG GAMBLING LORD NA NAGBABAYAD NG P2M MONTHLY SA MGA VLOGGER NA NAGPU-PROMOTE NG ILLEGAL ONLINE GAMBLING -- Ibinulgar ni Deputy Executive Director Renato Paraiso ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) na nagkakamal daw ng P2 million kada buwan ang mga vlogger sa pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa social media.


Kung totoo iyan, aba’y dapat gisahin nang todo ng CICC ang mga vlogger na ito para mahubaran ng maskara kung sino ang amo nilang gambling lord na nagbabayad sa kanila ng P2M monthly kapalit ng pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa socmed, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MGA CELEBRITY, INFLUENCERS NA NAGPO-PROMOTE NG ONLINE ILLEGAL GAMBLING, DAPAT KASUHAN -- Plano ng Kamara na imbestigahan ang mga celebrity na nagpo-promote ng mga online gambling sa social media. Dapat lang talaga silang imbestigahan at ang sinumang celebrity na mapapatunayan na illegal online gambling ang pinu-promote, dapat sampahan ng criminal case. 


Kahit ang mismong Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ay nagbigay na rin ng ultimatum sa mga influencer na itigil ang pag-eendorso sa mga ilegal na online gambling, dahil kung hindi maaaring maharap sa kasong syndicated o large-scale estafa ang mga influencer na hindi pa rin humihinto sa pag-endorse ng illegal online gambling, period!


XXX 


20% TAX SA INTEREST SA MGA LONG TERM SAVINGS SA BANGKO, MGA RICH ANG TATAMAAN -- Sa Capital Markets Efficiency Promotion Act na nilagdaan ni PBBM ay pag-amyenda lang pala ito sa National Internal Revenue Code of 1997, at sa amyendang ito, ang tinamaan pala rito ay mga rich na may mga long term savings sa mga bangko.

Sa National Internal Revenue Code of 1997, ang interest sa long term savings sa bangko ng mga rich ay 0% hanggang 12% tax lang ang kinakaltas, pero sa mga short term savings, na karaniwan ay impok ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at ng mga maliliit na negosyante, ang interest sa kanilang mga savings ay 20% tax ang ipinapataw.


Ang ginawa ni PBBM, pinaamyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997, at sa amyendang CMEPA, patas na ang short term at long term savings, parehong 20% tax na ang kaltas sa interest, na ibig sabihin, ang interest sa long term savings ng mga rich ang totoong tinamaan dito, boom!


XXX


NAPAKA-KJ NG BATA NI PBBM SA DICT, GUSTONG IPA-BAN ANG FB SA ‘PINAS KUNG HINDI RAW MAPIPIGILAN ANG FAKE NEWS AT DEEPFAKE -- Nagbabala si Sec. Henry Aguda ng Dept. of Information and Communications Technology (DICT) na posibleng masuspinde ang operasyon ng Facebook sa Pilipinas dahil sa hindi mapigilang fake news at deepfake.


Napaka-KJ naman itong tao ni PBBM sa DICT, imbes na pamunuan niya ang paglaban sa fake news at deepfake dahil mandato niya iyan bilang DICT head, eh ang gustong mangyari ipa-ban ang FB sa ‘Pinas kapag hindi natigil ang fake news at deepfake sa social media, pwe!


XXX


KAPAG HIRIT NG DOJ KINATIGAN NG KORTE, KULONG NA NAMAN SI DE LIMA -- Nag-file ng motion for reconsideration sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang Dept. of Justice (DOJ) para baligtarin ang naunang desisyon na pag-absuwelto kay ML Partylist Rep. Leila De Lima kaugnay sa kasong illegal drugs na kinasangkutan nito sa Bilibid.


Isa lang ang ibig sabihin niyan, na kapag kinatigan ng korte ang hirit ng DOJ, kulong na naman si De Lima, abangan!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page