top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAHIT SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN ‘DI SUMABIT ANG PANGALAN NI SEN. BONG GO SA PORK BARREL KAYA MALINAW NA FAKE NEWS ANG PAG-UUGNAY DITO SA SENADOR NGAYONG PANAHON NG MARCOS ADMIN -- Fake news ang pag-uugnay kay Sen. Bong Go sa pork barrel dahil ang senador ay maituturing na kalaban sa pulitika ng Marcos administration kasi malapit siya sa pamilya Duterte, na ‘ika nga, sa kasaysayan ng pulitika sa ‘Pinas ay hindi pa nangyari na ang hindi kakampi ng administrasyon ay biyayaan ng pork barrel ng Malacañang.


Sa totoo lang, trabaho lang at paggawa ng mga batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan ang ginagawa ni Sen. Bong Go at wala siyang paki sa pork barrel at patunay diyan na kahit sa panahon ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay hindi sumabit ang pangalan ni Sen. Bong Go sa pork barrel, walang nabalitang nagka-pork barrel siya, kaya’t imposibleng magka-pork barrel siya sa panahon ng Marcos admin, dahil hindi naman niya kakampi si PBBM.


Kaya maagang sinisiraan si Sen. Bong Go ay dahil siya ang front-runner sa pagka-vice president sa 2028 election, period!


XXX


KAPAG NATULOY ANG PAGHARAP NI MAYOR MAGALONG SA HOUSE HEARING TIYAK MARAMING PORK BARREL POLITICIANS NA NAGKAKAMAL NG PERA SA KICKBACK ANG TATAMAAN -- Tinanggap ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang hamon sa kanya ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon na dumalo sa House hearing kapag nagkaroon na ng imbestigasyon tungkol sa isiniwalat ng alkalde na kaliwa’t kanang kickback ang ginagawa ng mga kongresista sa mga hawak nilang pork barrel projects.


Kaabang-abang iyan, kasi sa totoo lang, taklesang alkalde itong si Mayor Magalong at sigurado, sandamakmak na pork barrel politicians ang tatamaan sa isasagawa nitong pagbubulgar kung sinu-sino sa mga cong. ang nagkakamal ng salapi sa kickback sa mga pork barrel projects, boom!


XXX


HUWAG NANG UNTI-UNTIIN, KUNG TOTOONG MAY ‘BALLS’ SI PBBM SA PAGLABAN SA CORRUPTION, PANGALANAN NA AGAD ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakalipas na July 28, 2025 ay pinatamaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang mga sangkot sa flood control project scam nang sabihan niya ang mga ito ng ... "Mahiya naman kayo sa mga kapwa n’yo Pilipino," at kamakalawa (Aug. 4) ay sinabi ng Presidente na hawak na raw niya ang mga ebidensya laban sa mga kumurakot sa pondo ng mga flood control project.


Hay naku, inuunti-unti pa ni PBBM ang pagbubulgar sa pangalan ng mga sinasabi niyang mga “walanghiyang” politicians at gov’t. officials na sangkot sa flood control project scam.


Kung totoong may "balls" si PBBM na labanan ang corruption, hindi na niya dapat bitinin ang mamamayan, dapat hubaran na niya ng masakara, pangalanan na niya ang mga politician at gov’t. officials na nang-scam sa pondo ng mga flood control projects sa ‘Pinas, period!


XXX


DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NI SEC. REMULLA ANG BI, BAKA MAY MGA GALAMAY SA IMMIGRATION SI ATONG ANG KAYA NAKALABAS NG ‘PINAS SI ELAKIM PATIDONGAN GAMIT ANG PEKENG PASAPORTE -- Sabi ni Justice Sec. Boying Remulla na si gambling tycoon Atong Ang daw ang gumastos at tumulong sa pamamagitan ng pekeng pasaporte para makalabas ng ‘Pinas at makapagtago sa Cambodia ang kapatid ni whistleblower Julie Patidongan na si Elakim Patidongan na may mga hawak na ebidensya na sangkot ito (Atong Ang) sa brutal na pagpatay sa missing sabungeros.


Dapat magpaimbestiga rin si Sec. Remulla sa Bureau of Immigration (BI) dahil malamang may galamay din si Atong Ang sa Immigration kaya nakalabas ng ‘Pinas si Elakim gamit ang pekeng pasaporte, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG PINIRMAHAN NI PBBM ANG POSTPONEMENT NG BSKE 2025, LAGOT NA DAHIL IPAPAHIYA NA NAMAN SIYA NI ATTY. MACALINTAL -- Kinumpirma ni election lawyer, Atty. Romy Macalintal na nakahanda na ang kanyang petisyon sa Supreme Court (SC) bilang pangontra sakaling lagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang panukalang postponement ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2025.


Parang sinabi na rin ni Atty. Macalintal na ipapahiya na naman niya sa publiko ang Presidente na pumipirma ng mga panukala na labag sa Konstitusyon.


Unang ipinahiya ni Atty. Macalintal si PBBM nang lagdaan nito ang postponement ng BSKE 2022, kasi nang magsampa ng petisyon sa SC ang election lawyer ay kinatigan siya. Nagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang pinirmahan ng Pangulo na pagpapaliban ng anumang halalan sa ‘Pinas, kaya kung pipirmahan uli ni PBBM ang postponement ng BSKE 2025, lagot talaga siya sa

nabanggit na election lawyer, boom!


XXX


DATI HINAHANGAAN ANG SC PERO NGAYON NABABATIKOS NA -- Kung dati ay hinahangaan at papuri ang tinatamasa ng Supreme Court (SC) kapag may inilabas silang desisyon sa mga maseselang kaso na kanilang hinahawakan, ngayon, sa kasong kanilang hinawakan at napagdesisyunan ng majority justices na ipa-stop ang impeachment proceedings laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa kadahilanang lumabag daw sa 1-year bar rule ang Kamara sa pagsasampa sa Senado ng articles of impeachment at hindi pagbibigay ng due process sa bise presidente, ay talaga namang pinutakti sila ng batikos dito. 


Mababatikos talaga ang Korte Suprema sa isyung ito dahil dati hindi naman sila nakikialam sa mga impeachment proceedings dahil nga co-equal body ang SC at Kongreso, wala sa power nito (SC) na pakialaman at pigilan ang mandato ng Senado at Kamara na magsagawa ng paglilitis sa impeachable officer, pero sa kaso ni VP Sara, nakialam, period!


XXX


BAKIT DEDMA SI SP ESCUDERO SA RESOLUSYON NA I-OPEN SA PUBLIC ANG BICAMERAL BUDGET DELIBERATION? -- May mga senador na gumawa ng resolusyon para maging open na sa publiko ang yearly bicameral budget deliberation, pero ang head ng Senado na si Senate President Chiz Escudero ay dedma lang dito.


Dapat suportahan iyan ni Escudero dahil kung hindi niya gagawin ay pagdududahan na naman siya ng publiko na may plano siyang magsingit ng daan-daang bilyong pisong pork barrel sa 2026 national budget tulad ng nabulgar na higit P142.7 billion pork barrel na isiningit nila sa 2025 national budget, boom!


XXX


SA ILALIM NG MARCOS ADMIN DAMI PA RING MAHIHIRAP -- Sa latest survey ng Social Weather Station (SWS) ay lumabas na 49% pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay mahirap.


Hay naku, higit 3 taon na sa puwesto si PBBM, dami pa rin mahihirap na pamilyang Pinoy sa ilalim ng Marcos administration, tsk!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HAPPY SI PBBM SA PAKIKIPAGBARDAGULAN NI USEC. CLAIRE CASTRO SA PAMILYA DUTERTE AT MGA DDS KAYA ‘DI SIYA SINIBAK NG BAGONG SEC. NG PCO -- Kinumpirma ni newly appointed Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez na mananatili sa posisyon si PCO Usec. Claire Castro bilang spokesperson ng Malacanang.


Ibig sabihin n’yan ay happy si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa ginagawang pakikipagbardagulan ni Usec. Castro sa pamilya Duterte at sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers kaya hindi siya sinibak, pinanatili pa rin siyang spokesperson ng Malacanang, boom!


XXX


HANGGANG NGAYON ‘DI MAIPALIWANAG NANG MAAYOS NI SP ESCUDERO ANG ISYUNG P142.7B PORK BARREL NA ISININGIT NG TROPA NIYA SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag nang maayos ni Senate Pres. Chiz Escudero sa publiko ang pinasabog na isyu ni Sen. Tito Sotto patungkol sa higit P142.7 billion pork barrel na isiningit ng grupo nito (Escudero) sa 2025 national budget.


Kung totoo man ang isyung pork barrel na isiningit ng kampo ni SP Escudero sa 2025 national budget, nangangahulugan iyan na may katotohanan pala ang ibinulgar ng World Bank (WB) noong Aug. 2019, na halos 20% daw ng yearly national budget ay napupunta sa corruption, buset!


XXX


PATI KINURAKOT NG MGA ‘BUWAYA’ SA NATIONAL BUDGET OBLIGADO ANG MAMAMAYAN NA BAYARAN -- Para mapunan ang yearly national budget ay naoobliga ang gobyerno na mangutang, at sa datos ng Dept. of Finance (DOF) ay pumalo na sa P17.27 trillion ang utang ng Pilipinas sa iba’t ibang financial institution sa mundo, at kung pagbabasehan ang  inilabas na datos naman ng WB na 20% daw ng yearly national budget ay napupunta sa corruption, lumalabas na sa 20% ng P17.27T ay higit P3.4 trillion ang pinagparte-partehan ng mga ‘buwaya’ sa pamahalaan.


Obligado ang Philippine gov’t. na pakonti-konti na mabayaran ang utang na iyan, at ang ibinabayad diyan ay kinukuha sa mga tax na ipinapataw sa mga mamamayan.

Iyan ang nakakabuwisit na nangyayari sa ‘Pinas, na pati ‘yung kinurakot ng mga ‘buwaya’ sa gobyerno ay obligado na bayaran din ng mamamayan, tsk!


XXX


HUWAG DRUG LORDS LANG I-DEATH PENALTY, DAPAT PATI MGA PLUNDERER PATAWAN NG PARUSANG KAMATAYAN -- Sabi ni Bukidnon Rep. Jonathan Flores, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na pag-aaralan daw ng Kamara na ibalik ang death penalty sa mga drug lords.


Aba teka, bakit mga drug lords lang? Dapat ay isama rin sa death penalty ang mga plunderer para ma-stop na ang pangungurakot nila sa kaban ng bayan, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page