top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 12, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOP 15 LANG CONTRACTOR NG FLOOD CONTROL PROJECTS, IBINULGAR NI PBBM, MALAKAS SIGURO SA MALACAÑANG ANG PANG-16 HANGGANG 20 CONTRACTOR KAYA ‘DI ISINAMANG IBINULGAR -- Isinapubliko na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang top 15 contractors ng mga flood control project sa bansa.


Aba teka, bakit top 15 lang, hindi ginawang top 20, o kaya mas mainam hanggang top 10 lang ang inanunsyo para magandang pakinggan o kaya hanggang top 20 para maganda rin pakinggan, kasi ang top 15 parang bitin.


Ihalimbawa natin na ang iba’t ibang research organization, na kapag naglabas sila ng data tungkol sa mayayamang probinsya, lungsod at munisipalidad tungkol sa mga corrupt na ahensya ng gobyerno, kundi top 10 ay hanggang top 20 ang isinasapubliko nilang datos, wala silang inaanunsyong top 15.


Siguro, malakas o may padrino sa Malacañang ang pang-16 hanggang pang-20 contractor kaya hanggang top 15 lang ang inanunsyo ni PBBM, boom!


XXX


DAPAT IBULGAR NI PBBM ANG MGA PORK BARREL SENATOR & CONGRESSMEN NA TUMIBA NG KICKBACK SA MGA FLOOD CONTROL PROJECT -- Base nga sa ibinulgar kamakailan lang ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay 20% hanggang 40% ang kickback ng pork barrel senators and congressmen sa iba’t ibang infrastructure projects, kabilang itong flood control projects kung kaya raw karamihan sa mga imprastrukturang proyekto ng gobyerno ay palpak o kaya ay hindi natatapos.


Tutal ibinulgar na ni PBBM ang mga contractor ng mga flood control project na iyan, ang tanong: Kailan naman kaya ibubulgar ng Presidente ang pangalan ng mga pork barrel senator and congressmen na kumontrata sa mga construction firms na iyan, mga sen. at cong. na tumiba ng kickback sa flood control projects na iyan, period!


XXX


DAHIL SA PATAWA NI VICE GANDA TUNGKOL SA PAGKAKAKULONG NI FPRRD SA ICC JAIL, PINUTAKTI SIYA NG BATIKOS NG MGA DDS SA SOCIAL MEDIA – Sablay ang patawa ni comedian Vice Ganda nang gawin niyang katatawanan sa concert nila ni Regine Velasquez sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City ang pagkakakulong ng 80-anyos na si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Bagama’t may mga ‘nasiyahan’ sa pagkakakulong ni FPRRD sa ICC jail at hindi maitatanggi na isa si Vice Ganda sa tila natuwa, ay nalungkot naman ang milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) sa sinapit ng ex-president.


At dahil nga sablay ang patawa ni Vice Ganda, hanggang ngayon ay pinuputakti siya ng batikos ng mga DDS sa social media, boom!


XXX


SA PANAHON LANG NI GEN. TORRE NANGYARI NA NAKAKUHA NG UBOD NANG TAAS NA PERFORMANCE AT TRUST RATING ANG PNP -- Sa inilabas na survey ng OCTA Research firm ay nakakuha ang Philippine National Police (PNP) ng ubod nang taas na 73% performance rating at 71% trust rating.


Ngayon lang nangyari iyan na ang PNP ay minarkahan ng publiko ng napakataas na grado sa rating, at nangyari iyan sa panahon ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, at patunay iyan na nagustuhan ng taumbayan ang repormang ginawa niya sa pambansang pulisya, palakpakan naman diyan!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 11, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TIGAS NG ULO NI PBBM, PIPIRMAHAN DAW ANG POSTPONEMENT NG BSKE 2025, KASI SC NA NAGSABING BAWAL IPAGPALIBAN ANG MGA HALALAN SA ‘PINAS -- Mismong si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang nagsabing pipirmahan daw niya ang postponement ng Barangay and Sangguniang Elections (BSKE) na nakatakda sa Dec. 1, 2025.


May katigasan din pala talaga ang ulo ni PBBM, kasi Supreme Court (SC) na nga nagsabi noon na labag sa Konstitusyon na ipagpaliban ang anumang halalan sa ‘Pinas, tapos gusto raw niya mai-postpone kaya pipirmahan niya ang BSKE 2025 postponement.

Hay naku, gusto yata ni PBBM na soplahin uli siya ng SC sa katigasan ng kanyang ulo, abangan!


XXX


TULAD NG MGA DDS AT PRO-DUTERTE SENATORS, AYAW DIN NG SC MA-IMPEACH SI VP SARA -- Sa kasaysayan ng Supreme Court (SC) ay sabi nina retired Chief Justices Reynato Puno, Artemio Panganiban, retired Senior Justices Antonio Carpio at Adolf Azcuna na ngayon lang daw nangyari sa Kataas-taasang Hukuman na naglabas ito ng desisyon sa maselang isyu tungkol sa pagpapa-stop sa impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio nang walang isinagawang oral arguments ang Korte Suprema sa panig ng House prosecution panel at defense team ng bise presidente. 


Ang naging aksyon na ito na hindi na nagsagawa ng oral arguments ang Kataas-taasang Hukuman sa magkabilang-panig, ay tila pagpapakita ito na hindi lang ang milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) at pro-Duterte senators ang ayaw na ma-impeach si VP Sara, kundi pati ang Korte Suprema, boom!


XXX


HINDI NA USO ANG PEOPLE POWER SA KALSADA, SA SOCIAL MEDIA NA LANG NAGPI-PEOPLE POWER ANG NETIZENS -- Mula nang mauso ang social media ay hindi na rin uso sa kalsada (EDSA) ang people power sa Pilipinas.

Noong wala pa ang social media, kapag nagalit ang mamamayan sa gobyerno ay nagtutungo sa kalsada, nagpapakita ng people power para patalsikin ang mga namumuno sa pamahalaan, at nangyari iyan kina former Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr. noong 1986 at former Pres. Joseph Estrada noong 2001.


Pero ngayon ayaw na sa kalsada, sa social media na lang nagpi-people power ang netizens, tulad ng ginawang pag-aresto kay former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), nanawagan ng people power ang mga DDS vlogger bilang suporta sa ex-president pero kakarampot lang ang nag-people power sa kalsada, ang karamihan ay sa social media na lang nagpakita ng galit kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kaya ang nangyari, nadala sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands si FPRRD. At sa isyung impeachment kay VP Sara, nanawagan ang mga civil society groups ng people power sa Senado para ituloy na ang impeachment trial pero kakarampot din lang ang dumating, kaya ang nangyari in-archive ng mga pro-Duterte senators ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente, period!


XXX


MAINAM ANG BANGAYAN NG SENADOR AT KONGRESISTA, DAHIL SA BANGGAAN NILA BAKA MAWALA NA ANG PORK BARREL NG MGA SEN. AT CONG. -- Mainam din naman na nagbabanggaan na ngayon ang majority senators at majority congressmen, dahil sa bangayan nila ay naungkat ang higit P142 billion na isiningit daw ng kampo ni Senate Pres. Chiz Escudero sa 2025 national budget, at ang isyung ito ang naging sanhi kaya may mga senador at kongresistang nag-file ng resolution na i-open sa publiko ang 2026 bicameral budget deliberation.


Nais nating ipunto sa isyung ito, na kapag nagkatotoo na buksan na sa taumbayan ang bicameral budget deliberation, ay maging dahilan ito para wala nang makapagsingit ng pork barrel sa national budget, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HINDI NA SANA IBINIDA NI PBBM ANG INVESTMENT PLEDGES NG INDIA DAHIL SA DAMI NG MGA ‘BUWAYA’ SA ‘PINAS BAKA MAPAKO DIN ‘YAN -- Ibinida ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na tagumpay daw ang 5 araw na state visit niya sa India dahil $500 million daw ang investment pledges sa Pilipinas ng mga kapitalistang Indian. 


Sana, hindi na ibinida iyan ni PBBM dahil pangako lang naman ‘yan na maaaring hindi magkaroon ng katuparan kasi sa totoo lang sa dami na ng bansang napuntahan niya, sa dami ng ibinida niyang foreign investors na nangakong magtatayo raw ng negosyo sa ‘Pinas, ay kahit isa wala pang nabalitaan ang publiko na mga dayuhang nagtungo sa bansa para magtatag ng negosyo, at maaari ang dahilan kaya “napako” ang mga investment pledges ay dahil sa dami ng mga “buwaya” sa Philippines, period! 


XXX


SABI NI SP ESCUDERO MGA ANTI-DUTERTE LANG DAW ANG NAGNANAIS MA-IMPEACH SI VP SARA, PARANG INAMIN NA RIN NIYA NA PRO-DUTERTE MAJORITY SENATORS NA NAG-ARCHIVE SA MGA KASONG IMPEACHMENT NG BISE PRESIDENTE -- Sinabi ni Senate Pres. Chiz Escudero na mga anti-Duterte lang daw ang may gusto na ma-impeach si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni SP Escudero na pro-Duterte naman ang majority senators kaya in-archive o isinantabi nila ang mga kasong impeachment ni VP Sara, kasi nga bilang mga pro-Duterte senator ay ayaw nilang ma-impeach ang bise presidente na isang Duterte, boom!


XXX


PINAGTAWANAN NA NAMAN SA SOCIAL MEDIA SI SEN. PADILLA KASI MEANING NG ARCHIVE HINDI NIYA PALA ALAM, ISINEARCH PA PARA MALAMAN -- Ayon kay Sen. Robin Padilla nang i-search (sa Google) daw niya ang kahulugan ng archive ay ikinalungkot daw niya ang kahulugan nito na “isantabi” at hindi pala dismissal, kasi ang gusto raw niya para matapos na ang isyung impeachment kay VP Sara ay dapat daw i-dismiss na ang mga kasong impeachment laban sa bise presidente.


Sa sinabing iyan ni Sen. Padilla ay talaga namang pinagtawanan siya, na pulos "hahaha" ang reaction dito ng mga netizens sa social media dahil senador nga siyang naturingan pero archive lang hindi pa niya alam ang meaning, na kailangang i-search pa niya ang

kahulugan nito para maintindihan kung ano ang archive, nyahahaha!


XXX


KUNG HINARAP LANG NI VP SARA ANG IMPEACHMENT NGAYONG TAON, WALA NA SANANG MAGSASAMPA NG IMPEACHMENT SA KANYA NEXT YEAR -- Malinaw ang sinabi ni Supreme Court (SC) spokesperson, Atty. Camille Ting noong July 25, 2025 na ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) na pagpapa-stop ngayong taon ng mga kasong impeachment kay VP Sara ay hindi nangangahulugan na inabsuwelto o nilinis ng Korte Suprema ang pangalan ng bise presidente, kundi dahil lang sa teknikalidad, na kesyo lumabag daw sa 1-year bar rule ang Kamara sa pagsasampa ng “articles of impeachment” at hindi pagbibigay ng due process kay VP Sara, na aniya ay sa Feb. 5, 2026 puwede uling magsampa ng impeachment cases ang House of Representatives laban sa vice president.


Dahil diyan ay asahan na ni VP Sara na sa Feb. 5, 2026 ay sasampahan uli siya ng mga kasong impeachment ng Kamara, pero kung sana ay hindi na siya humirit sa SC na ipa-stop ang mga impeachment complaint laban sa kanya at nanawagan sa Senado na ituloy ang nasabing impeachment trial habang sa pagdinig ay napatunayan na wala siyang kasalanan, sana nalinis na niya ang kanyang pangalan at wala nang magsasampa ng articles of impeachment laban sa kanya next year, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page