top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SABLAY ANG DISKARTENG PABIDA NI PBBM SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM DAHIL ‘DI SIYA ANG SUMIKAT KUNDI SINA SENS. MARCOLETA AT ESTRADA -- Sablay ang naging diskarte ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang pabida patungkol sa ibinulgar niyang 15 kontraktor ang nakakopo ng sangkatutak na flood control projects dahil ang mga naging sikat sa isyung ito ay sina Sen. Rodante Marcoleta, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at Senate President-Pro Tempore Sen. Jinggoy Estrada na kapwa gumisa sa mga kontratistang nasasangkot sa pang-i-scam umano sa pera ng bayan na inilaan sa mga proyektong pangontra sa baha.


Kung ang ginawa ni PBBM after niyang ibulgar ang isyung ito ay agad niyang inatasan ang Dept. of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) na magsanib-puwersa at imbestigahan ang 15 kontraktor na nasasangkot sa mga flood control project scam at ang imbestigasyon ay live telecast, siya sana ang sikat at hindi sina Marcoleta at Estrada, period!


XXX


PALPAK ANG LIDERATO NI VP SARA SA DEPED NOON DAHIL MAS NAGPOKUS SIYA SA PAGGASTA SA CONFI FUND KAYA WALA SIYANG ‘K’ PUNAHIN ANG KALIDAD NG EDUKASYON SA ‘PINAS -- Na-bash na naman si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa atake niya sa Marcos administration na kesyo napaghuhuli raw ang Pilipinas sa sistemang edukasyon dahil hanggang ngayon daw ay lapis at papel pa rin ang ginagamit ng mga batang mag-aaral sa ‘Pinas kumpara sa ibang bansa na robotics at coding na raw ang gamit sa pag-aaral.


Sa totoo lang, maba-bash talaga sa isyung ito si VP Sara dahil wala siyang “k” pumuna sa education system sa bansa, dahil naging Dept. of Education (DepEd) secretary siya pero lumabas na palpak ang pamumuno niya rito, hindi niya nagawang gawing de-kalidad ang edukasyon sa ‘Pinas, dahil tila mas nagpokus siya kung paano gagastahin ang kanyang DepEd confidential fund, boom! 


XXX


PANUKALANG BATAS NI SEN. PADILLA PATUNGKOL SA HAIR FOLLICLE DRUG TEST PATAMA KAY PBBM?! -- Matapos masangkot ang staff ni Sen. Robin Padilla na si former actress Nadia Montenegro sa isyung paggamit ng marijuana umano sa loob ng comfort room ng Senado, na bagama’t itinanggi ng dating aktres ang paratang, ay nagsulong ng panukalang batas ang actor-turned senator (Padilla) na yearly ay dapat daw sumailalim sa drug test sa pamamagitan ng hair follicle drug test ang lahat ng mga elected at gov’t. officials.


Walang duda, ang panukalang batas na ito ni Sen. Padilla ay patama kay PBBM kasi nga matapos na sabihin noon ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na adik umano ito (PBBM) sa cocaine, at sundan ng hamon ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa Presidente na magpa-hair follicle drug test ay dedma lang si PBBM sa mga panawagang ito sa kanya.


‘Ika nga, sakaling maisabatas ang panukalang ito ni Sen. Padilla ay wala nang kawala sa hair follicle drug test si PBBM, maliban na nga lang kung ibi-veto niya ito, boom!


XXX


DAPAT HAIR FOLLICLE DRUG TEST AT HINDI URINE DRUG TEST ANG ISAGAWA SA SENADO -- Tinanggap na ni Senate Pres. Chiz Escudero ang panawagan ni Senate Minority Leader Sen. Tito Sotto na ipa-drug test ang lahat ng mga senador, kanilang mga staff, mga opisyal at mga kawani ng Senado.


Dapat huwag urine drug test, sa halip dapat ay hair follicle drug test ang gawin dahil ayon sa report ay tatlong araw lang magtiis na hindi gumamit ng droga ang adik, na kapag ihi ang itinest sa kanya negatibo na ang resulta ng drug test nito, pero kung buhok ang ite-test, lagot d’yan ang mga adik-adik sa Senado, wala rin silang kawala sa ganitong (hair) uri ng drug test, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAHIT NAG-RESIGN NA SI NADIA MONTENEGRO, DAPAT PA RIN SIYANG IMBESTIGAHAN NG PDEA – Bagama’t magkahiwalay ang power ng executive at legislative, mandato pa rin ng mga law enforcer tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA (part ito ng executive) na mag-imbestiga sa mga nasasangkot sa paggamit ng illegal drugs kahit pa ito ay naganap umano sa loob ng Senado (parte ito ng legislative).


Ang nais nating ipunto rito ay dapat imbestigahan ng PDEA ang ibinulgar ng Senate Sergeant-at-Arms hinggil sa nangangamoy marijuana umano sa loob ng comfort room ng Senado, kung saan ang staff ni Sen. Robin Padilla na si former actress Nadia Montenegro ang naroroon.


Kahit nag-resign na si Nadia bilang staff ni Sen. Padilla sa Senate ay dapat imbestigahan pa rin ito ng PDEA para malaman kung totoo o hindi na may nangyayaring ‘nagtso-tsongki’ sa loob ng Senate of the Philippines, period!


XXX


INAKALA NG MGA BUMOTO KAY PBBM NA KAPAG NAGING PRESIDENTE SIYA MABABAYARAN NA MGA UTANG NG ‘PINAS, ‘YUN PALA MAS LALONG MABABAON -- Base sa record ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) ng Kamara, para mapunan ang P6.793 trillion national budget next year (2026), ay kailangang mangutang ang Pilipinas ng P2.7 trillion, at kapag idinagdag iyan sa kasalukuyang utang ng bansa na P16.31 trillion, papalo na sa P19.1 trillion ang magiging utang ng Philippine gov't. sa mga financial institution sa mundo.


Sa totoo lang, akala ng mga bumoto sa noo’y 2022 presidential candidate Bongbong Marcos na kapag siya ang naging presidente ay mababayaran ng administration nito ang lahat ng utang ng bansa, sablay pala, dahil nang maging PBBM (Pres. Bongbong Marcos) na siya ay mas lalong nalubog sa utang ang ‘Pinas, tsk!


XXX


FAKE NEWS ANG SINABI NI SP ESCUDERO NA MGA CONG. LANG ANG MAY GUSTO SA IMPEACHMENT KAY VP SARA, BUKOD SA IBA’T IBANG SEKTOR, JOIN NA RIN ANG 2 ORGANISASYON NG MGA NEGOSYANTE SA PANAWAGANG ITULOY ANG IMPEACH TRIAL -- Dalawang asosasyon ng mga negosyante sa bansa, ang Makati Business Club (MBC) at Management Association of the Philippines (MAP), ang nanawagan sa Supreme Court (SC) na baligtarin ang nauna nitong desisyong na nagpapatigil sa impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at hayaan ang Senado bilang impeachment court na magsagawa ng impeach trial laban sa bise presidente.


Patunay iyan na fake news ang sinabi ni Senate Pres. Chiz Escudero na mga kongresista lang ang may gusto ng impeachment trial kay VP Sara, dahil nga bukod sa mga sektor ng cause-oriented group, civil society, retired justices, constitutionalist, mga estudyante, mga taga-simbahan na nais matuloy ang impeachment proceedings sa bise presidente, heto at naki-join na rin ang mga kapitalista sa panawagang pagdinig sa mga kasong impeachment para malaman ng publiko kung may katotohanan o wala ang mga alegasyon kay VP Sara, boom!


XXX


MALAMANG MULA SA PERA NG BAYAN ANG MGA KAYAMANAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA KAYA’T DAPAT IBALIK ITO SA KABAN NG BAYAN -- Kung anuman ang yaman meron ngayon ang mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, iyang mga kayamanan nilang ‘yan ay malamang pera ng bayan.


Sa kumakalat na post sa social media ay nakakalula ang kayamanan ng mag-asawang Discaya, na sa higit 100 luxury cars nila na nakaparada sa malawak na parking lot ng kanilang mansyon, 40 dito ang imported cars, bukod ang isa pa na sasakyang sila lang daw ang meron nito sa Pilipinas.


Malinaw na ang magarbo nilang pamumuhay ay malamang galing sa kaban ng bayan dahil bilyun-bilyong piso ang nakukuha nilang flood control project sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH), at kapag napasakamay na nila ang budget o pera ng bayan ay saka siguro ito i-scam-in sa pamamagitan ng substandard at pagtengga sa proyekto.


Dapat kasuhan na agad ng gobyerno ang mag-asawang Discaya at ipa-freeze ang lahat ng kanilang mga ari-arian, at saka ibalik sa national treasury, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAS MASAHOL PA KAY PORK BARREL QUEEN JANET NAPOLES ANG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Maituturing na pang-i-scam sa kaban ng bayan ang mga nabulgar na mga substandard at mga tinenggang (hindi tinapos) flood control projects ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.


Binigyan kasi sila ng sapat na pondo ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH), pero ang ginawa ng mag-asawang ito ay tinipid ang mga materyales para sa flood control projects at ang iba pang ganitong uri ng kanilang proyekto ay iniwang nakatengga kaya ang dulot kung saang mga lugar meron silang proyektong pangontra sa baha, ay mas lalong binaha.


Kaya kung pang-i-scam sa kaban ng bayan ang pag-uusapan, maituturing na mas masahol pa kay pork barrel queen Janet Napoles sina Mr. and Mrs. Discaya, dahil P10 billion lang ang na-scam nito sa kaban ng bayan, pero ang mag-asawang Dizcaya, base sa record ng DPWH mula year 2022 hanggang year 2024 ay halos P30B ang nakopong mga flood control project ng kanilang mga construction firm, at hindi pa kasama riyan ang mga nakopo rin nilang mga proyekto mula year 2021 pababa, tsk! 


XXX


SA UTOS NI P-NOY NOON NA WALANG SASANTUHIN SA MGA KAKASUHAN SA PORK BARREL SCAM KAYA MAY MGA SENADOR AT KONGRESISTANG NAKULONG, DAPAT GANYAN DIN UTOS NI PBBM SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM PARA MAY HIMAS-REHAS ULING MGA SEN. AT CONG. -- Kaya nang pumutok ang isyung pork barrel scam ni Napoles noong July 2013 ay agad iniutos ng noo’y Pres. Noynoy Aquino sa Dept. of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) na magsanib-puwersa sa imbestigasyon at ang mahigpit na utos, walang dapat santuhin sa mga sasampahan ng kaso kaya nang matapos ang imbestigasyon, may mga nakasuhan at nakulong na mga senador, kongresista at gov’t. officials na nabulgar na kasabwat ng pork barrel queen sa pang-i-scam sa kaban ng bayan.


Kaya’t dapat tularan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang ginawa ni P-Noy, utusan din niya ang DOJ, NBI, Ombudsman at COA na joint forces din sa imbestigasyon sa flood control projects scam at dapat wala ring sasantuhin para mahubaran ng maskara ang mga senador at kongresistang kasabwat ng mag-asawang Discaya at ng iba pang kontraktor na nang-scam sa pondo ng bayan, period!


XXX


KAPAG HINDI PINAGBIGYAN NI SP ESCUDERO HIRIT NG MGA MINORITY SENATORS NA I-OPEN SA PUBLIC ANG BICAMERAL BUDGET DELIBERATION, MALAMANG ISIPIN NG PUBLIKONG MAY BALAK NA NAMAN SIYANG MAGSINGIT NG PORK BARREL SA 2026 NATIONAL BUDGET -- Inaprub na ni Speaker Martin Romualdez ang resolusyon ng mga kongresistang miyembro ng majority at minority ng Kamara na isapubliko ang gagawin nilang bicameral budget deliberation para sa national budget next year, pero si Senate President Chiz Escudero ay dedma lang sa ganito rin na resolusyon (i-open sa public bicameral budget deliberation) ng mga senador na mula sa minorya ng Senado.


Kapag hindi pinagbigyan ni SP Escudero ang hirit nina Senators Risa Hontiveros, Ping Lacson at Tito Sotto, malamang pagdudahan na naman siya ng publiko na may binabalak siyang magsingit ng pork barrel sa 2026 national budget, boom!


XXX


DRUG TEST SA MGA TAGA-SENADO DAPAT ITULOY PA RIN KAHIT NAG-RESIGN NA SI NADIA MONTENEGRO SA OPIS NI SEN. PADILLA -- Nag-resign na si former actress Nadia Montenegro bilang political officer ni Sen. Robin Padilla, matapos na lumabas sa report ng Senate Sergeant-at-Arms na may kakaibang amoy na tila marijuana umano sa loob ng female comfort room ng Senado, kung saan siya naroroon.


Sana, kahit nag-resign na si Montenegro ay ituloy pa rin ni SP Escudero ang panawagan ni Sen. Sotto na isailalim sa drug test ang lahat ng mga senador, mga staff at kawani ng Senado para malaman na baka may mga ‘natirang’ sugapa sa droga sa loob ng Senate of the Philippines, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page