top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SEC. REX GATCHALIAN, TOP PERFORMER SA MGA MIYEMBRO NG GABINETE NI PBBM, BUKOD SA WALANG ISYU NG KORUPSIYON SA DSWD, MASIGASIG PANG NAGHAHATID NG SERBISYO SA MAMAMAYAN -- Sa latest survey na isinapubliko ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD) patungkol sa performance ng mga miyembro ng gabinete ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay nag-top si Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD), minarkahan siya ng taumbayan ng 92% approval at 89% trust ratings sa kanyang paglilingkod sa mamamayan.


Magta-top talaga si Sec. Gatchalian kasi bukod sa walang nababalitang corruption sa DSWD, ay nakita pa ng taumbayan na masigasig siyang nakapaghahatid ng serbisyo sa mga mahihirap, palakpakan naman diyan!


XXX


GRABE ANG PANG-I-SCAM SA KABAN NG BAYAN NOONG PANAHON NG PANDEMYA, DAHIL MAY ‘PHARMALLY SCAM NA’, MAY ‘FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM’ PA -- Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ng noo’y Sen. Richard Gordon, na panahon ng pandemya noong year 2020, ay nabulgar na ang  tropa ni Yang Hong Ming, aka "Michael Yang" ng Pharmally Pharmaceutical Inc. ay nakapang-scam ng higit P12 billion na kontratang medical supplies sa Dept. of Health (DOH) at Dept. of Budget and Management (DBM) dahil natuklasan na after nilang makuha ang pera (P120B) ay wala naman silang idineliber na face mask at face shield sa pamahalaan kaya natagurian itong "Pharmally scam" dahil "ghost medical supplies" ang pinasok nilang kontrata sa pamahalaan, at sa pagdinig naman ng House Infra Committee ay napaamin ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin si Curlee Discaya na noong year 2020 rin, panahon ito ng pandemya ay nakakuha ang construction firm nila ng flood control project worth P11.6 billion sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) at masasabing pang-i-scam din ito, "ghost flood control project" dahil pandemic time lahat tayo naka-lockdown, tapos ang mag-asawang Discaya nakakuha ng proyektong dapat may mga magtatrabaho, gayong nang panahon na ‘yun (pandemic at lockdown) ay wala namang pinayagan ang gobyerno na lumabas ng bahay para magtrabaho.


Grabe din ang pang-i-scam sa kaban ng bayan noong panahon ng pandemya dahil may “ghost medical supplies” na, may “ghost flood control projects” pa, buset!


XXX


SABLAY ANG PABIDA NI HEART EVANGELISTA SA REGALONG ‘PARAIBA RING’ SA KANYA NI SEN. CHIZ, NAIHANAY TULOY SIYA SA 'NEPO WIVES' -- Si Heart Evangelista ay mapera, malaki ang kinikita niya sa pagiging fashion model, endorser ng mga produkto, may naipon noong aktibo pa siya sa showbiz at mana mula sa mayayaman niyang magulang. 


Ibig sabihin, kung ang ibinida ni Heart sa social media ay mula sa sariling pera niya ang ipinambili sa suot niyang Paraiba ring na mula sa Brazil, na ayon sa mga netizens ay worth $1M o higit P57M daw ay walang isyu r’yan, kasi nga rich naman na siya kahit hindi pa niya asawa si Sen. Chiz Escudero.


Ang problem, sablay ang ibinida ni Heart na regalo sa kanya ni Sen. Chiz ang singsing, dahil kung totoong ganyan kamahal iyan ay mababansagan talaga siya na kabilang sa mga "nepo wives" ng mga politician, gov’t. officials at mga kontraktor, lalo’t may matinding isyung korupsiyon ngayon sa pamahalaan, at nabulgar na may koneksyon ang kanyang mister na senador sa kontraktor na si Lawrence Lubiano na nakakuha rin ng sangkatutak na flood control projects sa DPWH, boom!


XXX


‘PROTECTION RACKET SYNDICATE’ SA BATANGAS DAPAT IPALANSAG NI GOV. VILMA SANTOS KAY PD COL. SIBALO, DAHIL SA PANAHON NI EX-GOV. MANDANAS WALANG GANYANG SINDIKATO -- May protection racket syndicate na rin ngayon sa Batangas, at ang mga pasimuno nito ay sina alyas "Aldrin," "Marasigan" at "Gardiola" na ang raket ay bigyan ng proteksyon ang mga operasyon ng bookies, lotteng, sakla, color games, na ang kapalit ay lingguhang payola.


Dapat utusan ni Batangas Gov. Vilma Santos si Batangas Police Director, Col. Geovanny Sibalo na lansagin ang "protection racket syndicate" na ito dahil noong si Vice Gov. Dodo Mandanas pa ang gobernador ng lalawigan ay walang namamayagpag na ganyang sindikato, walang illegal gambling sa kanilang probinsya, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 15, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAMA ANG DESISYON NI SEC. DIZON NA PAG-BLACKLIST SA LAHAT NG KUMPANYA NG MAG-ASAWANG DISCAYA, DAHIL CONSTRUCTION FIRMS NITO MAITUTURING NA MGA SINDIKATO -- Tama ang naging desisyon ni Sec. Vince Dizon ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na ipa-blacklist ang siyam na construction firms na may koneksyon sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil ang mga kumpanyang ito ng pamilya Discaya ay maituturing na sindikatong nang-i-scam sa kaban ng bayan.


Sa imbestigasyon kasi ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infra Committee ay lumabas na ang siyam na construction firms ng mag-asawang Discaya ay sabayang lumalahok sa bidding ng mga flood control project ng DPWH para matiyak na sa kanila mapupunta ang kontrata, at kapag nabayaran na, saka sila titirada ng mga substandard at ghost projects.


Sa raket na iyan ng mag-asawang Discaya ay malinaw na sinindikato nila ang gobyerno kaya’t dapat talaga silang makulong ng habambuhay at bawiin ng pamahalaan ang lahat ng ‘in-scam’ nila sa kaban ng bayan, period!


XXX


INILAGAY NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA KAPAHAMAKAN ANG ANAK NILA NA TINAYUAN NILA NG CONSTRUCTION FIRM AT PINAGPANGGAP NA KONTRAKTOR DAHIL MALAMANG SUMABIT ITO SA KASONG PLUNDER -- Ang siyam na construction firms ng mag-asawang Discaya ay ipinangalan nila sa kanilang mga kamag-anak at empleyado, at ang isa sa mga kumpanyang kanilang itinayo, ang Way Maker General Contractor OPC ay ang inilagay nilang nagmamay-ari nito, ang panganay nilang anak na si Gerrald William Francisco C. Discaya.


Itong Waymaker General Contractor OPC ay base sa data ng DPWH ay nakakopo ng 11 flood control projects worth P220 million, at ang halagang ito ay pasok na pasok sa kasong plunder kapag napatunayan sa imbestigasyon na may mga anomalyang ginawa sa proyekto ang construction firm na ito na ipinangalan ng mag-asawang Discaya sa eldest nilang anak.


Ang nais nating ipunto rito, sa ‘pagkagahaman’ ng mag-asawang Discaya sa pera ng bayan, pati kanilang anak na pinagpanggap nilang kontraktor ay inilagay nila sa kapahamakan dahil malaki ang posibilidad na makasama rin nila ito sa kulungan, boom!


XXX


LAHAT NG MGA SENADOR AT KONGRESISTANG MIYEMBRO NG BICAM COMMITTEE SA PANAHON NG DUTERTE AT MARCOS ADMIN DAPAT IMBESTIGAHAN NG ICI -- Ang insertions o singitan ng pork barrel projects, tulad ng flood control projects sa national budget ay nagaganap sa closed-door Bicameral Conference Committee, at ang mga kasapi nito ay Senate President, chairperson ng Senate Committee on Appropriations, House Speaker, chairperson ng House Committee on Appropriations, walong senador at 16 na kongresista.


Hindi naman lahat ng miyembro ng Bicam Committee ay nagsisingit ng "pork" sa budget, meron lang talaga na mga ‘walanghiya’, magsisingit na sila ng sarili nilang "pork," tapos iyong ipinakiusap na "pork" ng mga sen. at cong. na hindi miyembro ng komiteng ito ay isisingit din nila. 


Sa binuo ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mag-iimbestiga sa flood control projects scam, dapat ang lahat ng mga naging miyembro ng Bicam Committee mula year 2016 onwards o sa panahon ng Duterte administration at Marcos administration ay imbestigahan para mahubaran ng maskara ang mga "kapalmuks" na mga senador at kongresista na nagsisingit ng pork barrel sa yearly national budget, period!


XXX


KUNG IISNABIN NINA GRACE POE AT ZALDY CO ANG PATAWAG SA KANILA NG KOMITE NI CONG. RIDON, IISIPIN NG PUBLIKO NA ‘KASABWAT’ SILA SA SINGITAN NG PORK BARREL SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Kabilang sa pinadadalo ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon, chairperson ng House Infra Committee ay sina former Sen. Grace Poe, dating chairperson ng Senate Committee on Appropriations at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating chairperson ng House Committee on Appropriations para tanungin sa sangkatutak na flood control projects na naisingit sa 2025 national budget.


Kapag inisnab nina Grace Poe at Zaldy Co ang patawag sa kanila ni Cong. Ridon, isa lang ibig sabihin n’yan, ‘kasabwat’ sila sa sangkatutak na singitan ng flood control projects sa 2025 national budget, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


AFTER NG EDSA PEOPLE POWER 1, MAS LUMALA ANG KAHIRAPAN, AFTER EDSA PEOPLE 2, MAS LUMALA ANG CORRUPTION KAYA MALABONG MAGKAROON ULI NG PEOPLE POWER SA ‘PINAS -- Malabo nang magkaroon uli ng People Power sa Pilipinas para magpabagsak ng administrasyon.


Feeling kasi ng mayoryang mamamayan ay wala namang naging mabuting dulot ang People Power.


Noong EDSA People Power 1, pangunahing isyu ay kahirapan, nag-People Power ang mamamayan, at nang mapatalsik ang noo’y Pres. Ferdinand Marcos Sr., at si Cory Aquino ang pumalit na presidente, ay mas lalong lumalala ang kahirapan, at noong EDSA People Power 2, ang isyu naman ay corruption, nang mapatalsik din ang noo’y Pres. Joseph Estada, pumalit sa kanya na naging presidente ay si Gloria Arroyo, mas lumala ang corruption, boom!


XXX


MAG-ASAWANG DISCAYA, DAPAT SAMPAHAN NA NG KASONG PLUNDER PARA AGAD-AGAD MABAWI ANG P31B ‘IN-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Ang hinahangad ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na maging state witness ay tinuldukan na ni Sec. Boying Remulla ng Dept. of Justice (DOJ) dahil ayon sa kalihim, sa laki ng ninakaw sa kaban ng bayan, hindi least guilty, kundi most guilty ang mag-asawang Discaya kaya hindi raw sila qualified na mapasok sa witness protection program ng pamahalaan.

Sana agad-agad sampahan ng kasong plunder ng DOJ ang mag-asawang Discaya para makulong at mabawi na ng pamahalaan ang higit P31 billion ‘in-scam’ nila sa kaban ng bayan, period!


XXX


ANG TINDI NG ‘PAGKAGAHAMAN’ SA PERA NG BAYAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA, KAHIT SA PANAHON NG PANDEMIC, ‘NAKAPANG-SCAM’ NG MGA FLOOD CONTROL PROJECT -- Sa imbestigasyon ng House Infra Committee ay ipinakita ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang mga data mula sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na sa panahon ng pandemic noong year 2020 ay nakakuha ang mag-asawang Discaya ng mga flood control project na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng higit P11.5 billion, at pagkaraan niyan ay tinanong ni Rep. Garin si Curlee Discaya kung totoo ito, at ang sagot ni Mr. Discaya ay “yes po”.


Ang tindi sa ‘pagkagahaman’ sa pera ng bayan ang mag-asawang Discaya, kasi mantakin n’yo, naka-lockdown ang mamamayan noong year 2020 pandemic, tapos nakalabas sila (mag-asawang Discaya) sa kanilang tahanan para ‘mang-scam’ sa kaban ng bayan, nakakuha pa ng sangkatutak ng flood control projects sa DPWH, buset!


XXX


‘AKO TAGO’ ANG DAPAT IPINANGALAN NI ZALDY CO SA KANYANG PARTYLIST AT HINDI AKO BICOL -- Bago umpisahan ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infra Committee ang imbestigasyon sa flood control projects scam ay agad nagtungo sa Amerika si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ang isa sa kongresistang nasasangkot sa flood control projects anomaly, na ang dahilan ay may sakit daw siya at magpapagamot umano siya sa US, pero maraming nagsasabi na nagtago ito para makaiwas sa imbestigasyon.


Hay naku, dapat pala hindi Ako Bicol ang ipinangalan ni Zaldy Co sa kanyang partylist, kundi ang dapat ay “Ako Tago”, boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page