top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez



DAPAT LANG BATIKUSIN SI PBBM, SIYA ANG LUMAGDA SA 2022, 2023, 2024 AT 2025 NATIONAL BUDGETS NA MAY SANGKATUTAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS -- Sa protesta kontra korupsiyon, kahit si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nagbulgar sa flood control projects scam ay kabilang ang Presidente sa binabatikos ng mga raliyista.

Sa totoo lang, may punto naman ang mga raliyista na batikusin si PBBM dahil siya ang pumirma sa mga year 2022, 2023, 2024 at 2025 national budgets na may nakapaloob na sangkatutak na flood control projects, boom!


XXX


VP SARA HINDI SAFE, SAPOL DIN SA KINUKONDENA SA PROTESTA KONTRA KORUPSIYON -- Ang protesta kontra korupsiyon ay hindi lang patungkol sa flood control projects scam, kundi sa lahat ng uri ng katiwaliang nagaganap sa pamahalaan, kabilang ang kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte-Carpio na confidential funds na iniimbestigahan ng Kamara.


Iyan ang dahilan kung kaya’t hindi safe, sapol din si VP Sara sa kinukondena ng mga raliyista, period!


XXX


SI EX-SPEAKER ROMUALDEZ PALA ANG ‘NAGPATAKAS’ KAY CONG. ZALDY CO, KAYA DAPAT GISAHIN NANG TODO NG ICI, LUMABAS NA MAY ALAM SIYA SA SANGKATUTAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS -- Binawi ni newly elected House Speaker Bojie Dy ang travel clearance ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, kung kaya nakalabas ito ng Pilipinas at nakapagtago sa Amerika ang partylist congressman.

Kung binawi, ibig sabihin n’yan ay si former House Speaker Martin Romualdez pala ang nagkaloob ng travel clearance kay Cong. Co para makapagtago ito sa US sa kasagsagan ng imbestigasyon sa flood control projects scam.


Dahil diyan, dapat gisahin nang todo ng Independent Commission for Infrastructures (ICI) si Rep. Romualdez dahil lumalabas ngayon na may alam siya sa mga ‘kawalanghiyaang’ ginawa ni Cong. Zaldy, dating chairman ng House Committee on Appropriations na nagsingit ng sangkatutak na flood control projects sa national budgets noong year 2022, 2023, 2024 at year 2025, buset!


XXX


MILITARY TAKEOVER PANAWAGAN DAW NI MANONG CHAVIT NA IBIG SABIHIN HINDI LANG SI PBBM GUSTO NIYANG PATALSIKIN, KUNDI PATI SI VP SARA -- Nanawagan daw si former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ng military takeover, na militar muna ang mamahala sa gobyerno, na alis muna sa puwesto ang lahat ng high ranking politicians sa bansa.


Sa tema ng panawagang ito ni Manong Chavit, hindi lang si PBBM ang gusto niyang bumaba sa puwesto, kundi pati si VP Sara, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAG-ASAWANG DISCAYA PAREHONG SINUNGALING, ‘GAHAMAN’ PA SA KAYAMANANG ‘DI NAMAN KANILA, AYAW PANG ISAULI SA PAMAHALAAN KAYA TABLADO KAY SEN. LACSON NA MAGING STATE WITNESS -- Sa interview ni broadcast journalist Pinky Webb kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson na kung sino ang may potensyal na maging state witness ng gobyerno laban sa mga pulitiko at high ranking officials ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa flood control projects scam, ang tugon ng beteranong senador ay si former DPWH-Bulacan 1st District Assistant Engr. Brice Hernandez at hindi ang mag-asawang kontraktor na parehong sinungaling na sina Curlee at Sarah Discaya.


Nakita kasi ni Sen. Lacson ang kahandaan ni Hernandez na makipagtulungan sa pamahalaan nang pangalanan nito ang mga politician at high-ranking DPWH officials na kasabwat nila sa flood control projects scam, at paglagda rin ng waivers sa kanyang mga bank account at pagsauli ng isang luxury car sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at kasunod na ring isasauli ang dalawang sports cars at mga motorsiklo.


Eh ang mag-asawang Discaya, pili lang ang isinasangkot na mga politician at DPWH officials, ayaw lumagda ng waiver sa kanilang mga bank account at cellphones, at kahit kailan wala silang sinabi na isasauli na nila sa kaban ng bayan ang higit P207 billion ‘na-scam’ nila sa pera ng bayan, kaya’t tama si Sen. Lacson na mas may ‘k’ maging state witness si Engr. Brice kaysa sa mag-asawang Discaya na parehong sinungaling at ‘gahaman’ sa pag-angkin sa kayamanang hindi naman kanila, period!


XXX


TIYAK TORETE NA AT KABADO PA ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM DAHIL ISA-ISA NA SILANG PAPANGALANAN NI ENGR. BRICE SA ICI -- Bukod kina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, DPWH Usec. Roberto Bernardo, DPWH-Bulacan District Engr. Henry Alcantara, former Council for the Welfare of Children (CWC), former Caloocan City Rep. Mitch Cajayon, ay sinabi ni ICI Adviser, Baguio City Mayor Benjamin Magalong na marami pa raw mga pangalan ang binanggit sa kanila ni Engr. Brice na sangkot sa flood control projects.


Dahil sa sinabing iyan ni Magalong ay siguradong torete at kinakabahan na ang mga pork barrel politician at mga kurakot sa DPWH dahil malapit na silang isa-isang

papangalanan ni Engr. Brice sa ICI, boom!


XXX


DPWH, MAY ‘GHOST’ FLOOD CONTROL PROJECTS NA, MAY ‘ASWANG’ CLASSROOMS PROJECTS PA --Ibinulgar ni Sec. Sonny Angara ng Dept. of Education (DepEd) na kung may “ghost” flood control projects ay meron ding “aswang” classrooms projects ang DPWH dahil natuklasan daw niya na mahigit 1,000 silid-aralan sa buong bansa na tila pinamamahayan na ng mga aswang dahil hindi magamit na bukod sa substandard na, incomplete pa.


Grabe na talaga ang korupsiyon sa DPWH, kasi bukod sa “ghost” flood control projects, meron din pala silang raket na “aswang” classrooms projects, buset!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAS RICH PA ANG MAG-ASAWANG DISCAYA KAYSA KINA JAIME ZOBEL DE AYALA AT LUCIO TAN -- Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, base sa kuwentada ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na siyang chairperson ng komiteng ito, sa loob ng isang dekada o 10 taon mula year 2016 hanggang 2025 ay nasa higit P207 billion pera ng bayan na nasa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang napasakamay ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa raket nilang flood control projects sa buong bansa. 


Iyang P207 billion ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya, sa US dollar ay $3.62 billion iyan kaya’t lumalabas ngayon na mas mayaman pa sila (Curlee at Sarah Discaya) kina businessman Jaime Zobel de Ayala na may net worth na $3.4 billion (P194B) at businessman Lucio Tan na may net worth na $3.2 billion (P182B), boom!


XXX


KAPAG HINDI PUMASA ANG MAG-ASAWANG DISCAYA SA WITNESS PROTECTION PROGRAM, IBIG SABIHIN AYAW NILANG ISAULI LAHAT NG NINAKAW NILA SA KABAN NG BAYAN -- Nagtungo na sa Dept. of Justice (DOJ) ang mag-asawang Discaya para sumailalim sa pagsisiyasat kung nararapat silang maging state witness ng pamahalaan laban sa mga DPWH official at pulitikong nanghingi sa kanila ng kickback sa mga flood control project.


Balikan natin ang sinabi noon ni Justice Sec. Boying Remulla na ang unang dapat gawin ng mga nagnakaw sa pera ng taumbayan na nais maging state witness ay isauli sa kaban ng bayan ang lahat ng kanilang ninakaw, na ‘ika nga, walang ititira kahit sentimo at saka ididetermina kung nararapat mapasok sa witness protection program ng pamahalaan.


Kaya kapag hindi pumasa sa pagiging state witness ng pamahalaan ang mag-asawang Discaya, ibig sabihin niyan, ayaw nilang ibalik sa kaban ng bayan ang P207B ‘in-scam’ nila sa pera ng taumbayan, period!


XXX


SABI NI SEN. PING LACSON, HINDI PA LUSOT SA KONTROBERSIYAL NA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM SINA SEN. JINGGOY AT SEN. JOEL V. -- Matapos payagan ni Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na komprontahin sina DPWH Bulacan District 1 Engr. Brice Hernandez at Engr. Jaypee na nag-akusa sa kanila na sangkot sila sa flood control projects scam, ay inakala ng dalawang senador na lusot na sila sa kontrobersya.


Ang masaklap, matapos ang Senate hearing, sinabi ni Sen. Lacson na hindi pa lusot sa usapin ng flood control projects scam sina Sen. Estrada at Sen. Villanueva dahil ang ibinulgar nina Engr. Brice at Engr. Jaypee ay nagtugma sa sinabi nilang P355 million na isingit ni Sen. Jinggoy sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at sa isiningit ni Sen. Joel V. na P600M sa 2025 unprogrammed funds ng Dept. of Budget and Management (DBM), boom!


XXX


MALAPIT NANG MAHUBARAN NG MASKARA ANG LAHAT NG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Inanunsyo ni DPWH Sec. Vince Dizon na ilalabas daw nila sa publiko ang listahan ng mga ghost at substandard flood control projects at mga pangalan ng mga kontraktor, ng mga DPWH official at mga pulitikong sangkot sa naturang scam.


Ibig sabihin niyan ay malapit nang mahubaran ng maskara, makilala ng publiko ang lahat ng mga nagsabwatan sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page