top of page
SPECIAL ARTICLE (RJ) - VICE, BINUGAHAN NG TUBIG SA MUKHA ANG BABY DOLLS MEMBER, NA-BASH, T
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 23, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HOUSE AND PROSECUTORS AT 'GATCHALIAN BLOC', ASAR-TALO NANG IPAKITA NG DEFENSE TEAM SA IMPEACHMENT TRIAL ANG RATING NI VP SARA AT PBBM – Asar-talo ang House and private prosecutors, at ang "Gatchalian bloc" sa Senado nang ilabas ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial ang 57% approval rating ng bise presidente, kumpara sa 34% lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Sa totoo lang, tiyak na ikinaasar nila ang naturang resulta dahil kung pagbabatayan ang survey, lumalabas na mas marami pang Pinoy ang hindi kuntento kay PBBM kaysa kay VP Sara. Boom!


XXX


PORKE LAGAPAK ANG RATING NI PBBM, PALUSOT NI USEC. CLAIRE, ‘DI RAW PINAPANSIN NG MALACAÑANG MGA SURVEY – Matapos ang sunud-sunod na pagbagsak ng rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa mga isinapublikong survey, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na hindi naman daw pinapansin ng Malacañang ang mga survey at nakatutok lamang ang Pangulo sa kanyang trabaho.


Pero tila kabaligtaran ang nangyayari kapag may survey na kahit bahagyang tumaas ang rating ni PBBM. Halos ipagdiwang ito ng Malacañang at todo-bida sa pagpapalabas ng resulta. Boom!


XXX


SEN. BONG GO, TOP NA NAMAN SA VP RACE – Sa latest survey ng Pulse Asia, nanguna na naman si Sen. Bong Go sa vice presidential preference para sa 2028 elections sa nakuhang 27% na rating.

Partida, hindi pa nag-aanunsyo si Sen. Bong Go na tatakbo siya sa pagka-bise presidente, pero ganyan na kataas ang kanyang rating. Paano pa kaya kung pormal na siyang magdeklara ng kandidatura? Malamang ay lalo pang lumaki ang lamang niya sa sinumang "mamanukin" ni PBBM sa 2028 vice presidential race. Period!


XXX


HALOS MAGTA-TATLONG BUWAN NA MULA NANG IBULGAR NI CONG. LEVISTE ANG STL-BOOKIES SA BATANGAS, HANGGANG NGAYON, WALA PANG AKSYON SI GOV. VILMA SANTOS – Noong Mayo 5, 2026 pa ibinulgar ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang umano'y operasyon ng STL-bookies nina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola sa Batangas. Ngunit ngayong Hulyo 23, 2026, o halos tatlong buwan na ang lumipas, wala pa ring aksyon si Gov. Vilma Santos-Recto upang ipatigil ang umano'y iligal na operasyon sa kanyang lalawigan.


Kaya ba tila dedma lang si Gov. Vilma sa isyung ito dahil, ayon kay Cong. Leviste, ang isa sa mga itinuturong sangkot ay ang kanyang mister na si ES Recto?


Masaklap pa, hindi lang umano STL-bookies nina ES Recto at Cong. Gardiola ang namamayagpag sa Batangas, kundi maging ang lotteng nina "Tisoy," "Biskotso" at "Nonit," pati ang mini-casino nina "Tessie" at "Baby P." Buset!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 22, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez





DAPAT KASUHAN AT IKULONG NA SI CONG. ROMUALDEZ PARA HINDI MAKATAKAS PALABAS NG ‘PINAS – Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na ilang beses umanong nagtangkang lumabas ng bansa si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez matapos madawit ang kanyang pangalan bilang isa sa mga umano'y mastermind sa flood control scandal.


Dapat nang madaliin ni Ombudsman Boying Remulla ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Romualdez upang hindi na umano ito makalusot palabas ng bansa. Period!


XXX


DOBLE-SAKIT ULO NA NAMAN SI PBBM SA OIL PRICE HIKE – Dahil sa bigtime oil price hike, panibagong sakit ng ulo ang kinakaharap ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Humihirit kasi ang transport sector ng dagdag na P2 sa pasahe sa bawat apat na kilometro. Kapag inaprubahan ito ni PBBM, tiyak na batikos mula sa mga pasahero ang aabutin niya. Pero kung tatanggihan naman niya ang hiling, mga tsuper naman ang didismaya at babatikos sa kanya. Boom!


XXX


SEN. ALAN CAYETANO, HINDI SAFE SA KASO SA 2019 SEA GAMES SCAM – Ipinagtaka ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kung bakit nagalit sa kanya si Sen. Alan Cayetano gayong wala naman umano ang pangalan nito sa listahan ng mga opisyal ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation na iniimbestigahan kaugnay ng umano'y anomalya sa 2019 SEA Games.


Dahil sa naging reaksyon ng senador, nagduda ang NBI director kaya't kahit wala ang pangalan nito sa listahan ng mga opisyal ng PHISGOC Foundation, isasama na rin siya sa padadalhan ng subpoena upang makuwestyon sa naturang isyu.


Kung nanahimik na lang sana si Sen. Alan Cayetano sa isyung ito, baka hindi na siya nadamay dahil wala naman umano ang pangalan niya sa PHISGOC Foundation. Pero dahil sa naging reaksyon niya, kabilang na siya ngayon sa iimbestigahan ng NBI. Period!


XXX


MATAPOS SABIHIN NA KOMUNISTA SIYA, TANGGALIN NA KAYA SI SEN. ROBIN PADILLA BILANG ARMY RESERVIST? – Ano ba ang pumasok sa isipan ni Sen. Robin Padilla nang sabihin niya sa kanyang pagtatanong kay NBI officer Jeremy Lotoc, testigo sa impeachment trial, na isa itong komunista?


Mantakin n'yo, isa siyang Army reservist na may ranggong colonel, pero basta na lang niya ibinansag ang ganoong akusasyon.


Kaya ang tanong, dapat na kaya siyang tanggalin ng AFP bilang Army reservist? Abangan!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 21, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


P67B PONDO NA PANG-CLASSROOMS, NASA DEPED PA KAYA O NASA BULSA NA NG MGA BUWAYA SA MARCOS ADMIN? – Pangungunahan ni Sen. Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang imbestigasyon sa kakulangan ng mga classroom sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.


Sa pagbubukas ng klase noong June 8, muling nabunyag ang kakulangan ng mga silid-aralan sa kabila ng P67 bilyong inilaan ng pamahalaan ngayong 2026 para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom.


Dapat masusing imbestigahan ito ni Sen. Bam Aquino upang malaman ng publiko kung nasaan na ang P67 bilyon—kung nagamit ba talaga sa pagpapagawa ng mga silid-aralan o napunta sa bulsa ng mga buwaya sa Marcos administration. Boom!


XXX


PBBM, HINDI RAW MAKIKIALAM SA KASONG PLUNDER NI CONG. ROMUALDEZ – Inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na malapit nang isampa sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez. Samantala, ayon sa Malacañang, hindi makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kasong kinakaharap ng kanyang pinsan.

Kung gayon, malinaw na hahayaang umusad ang proseso ng batas nang walang panghihimasok mula sa Pangulo. Period!


XXX


KAHIT NASA 'GATCHALIAN BLOC' NA SINA SENS. ESCUDERO AT VILLANUEVA, HINDI PA RIN SILA SAFE SA KASONG PLUNDER – Tiniyak ni Ombudsman Boying Remulla na tuloy pa rin ang imbestigasyon sa umano'y pagkakasangkot nina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva sa flood control scandal, kahit kabilang na sila sa Senate majority.


Ibig sabihin, hindi pa rin ligtas sa posibleng kasong plunder sina Sen. Escudero at Sen. Villanueva kahit nasa "Gatchalian bloc" na sila ng Senado. Boom!


XXX


TILA TATAMAAN SI SEN. ALAN CAYETANO SA HAMON NIYA KAY SEN. ERWIN TULFO NA MAGSAGAWA NG IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL – Tila si Sen. Alan Cayetano ang maaaring tamaan sa hamon niya kay Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na magsagawa ng imbestigasyon sa mga flood control project.


Kinasahan ni Sen. Erwin Tulfo ang hamon at sinabi niyang kabilang sa iimbestigahan ang umano'y mga ghost flood control project sa Taguig City na iniuugnay kay Sen. Alan. Ayon pa sa senador, ang isa sa maaaring tumayong testigo ay ang kapatid nitong si dating Taguig City Mayor Lino Cayetano. Period!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page