top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARA MAKASUHAN AT MAKULONG AGAD ANG LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM, DAPAT MAGKAROON NG REGIONAL ICI -- Halos lahat ng probinsya ay may mga ghost, substandard at unfinished flood control projects at sa halos tatlong buwang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay anim pa lang ang inirekomenda nilang kasuhan ng plunder at graft, at sila ay Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana at ex-Caloocan City Rep. Mitch Cajayon na mga sangkot sa flood control scam sa Bulacan.

Sa Bulacan pa lang iyan, eh iyong sa mga probinsya na mayroon ding flood control projects scam, kailan pa matatapos ang imbestigasyon dito, kailan pa may makakasuhan?


Kung desidido si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian, dapat ay palawakin niya ang ICI, maglagay ng regional ICI office na iimbestigahan ang lahat ng sangkot sa flood control scam sa mga nasasakupang probinsya ng bawat rehiyon, at kapag meron na iyan, sigurado agad-agad ay makakasuhan at maipapakulong na ang lahat ng mga nagsabwatang DPWH official, kontraktor at politicians sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, period!


XXX


HINDI MAGANDANG TINGNAN NA ANG SPEAKER, SANGKATUTAK ANG KAMAG-ANAK NA MAY PUWESTO SA GOBYERNO, KAYA KUNG MAY DELICADEZA SI SPEAKER BOJIE DY, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA -- Nang isapubliko ni House Speaker, Isabela Rep. Bojie Dy ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay dito nalaman ng publiko na mayroon pala siyang 16 na kamag-anak na may iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.


Sa totoo lang, hindi magandang halimbawa sa mata ng publiko na ang lider ng Kamara, bukod sa may political dynasty na, may nepotismo pa.

Kaya kung may delicadeza sa kanyang sarili si Speaker Dy, dapat mag-resign na agad siya bilang Speaker of the House, boom!


XXX


AKALA NG PUBLIKONG PALABAN SI COMELEC CHAIRMAN SA MGA KANDIDATONG TUMANGGAP NG PONDO SA MGA KONTRAKTOR, PERO NANG HINGAN NG KOPYA NG MEDIA, ATRAS -- Matapos ibida ni Comelec Chairman George Garcia na maraming pulitiko ang tumanggap ng campaign funds sa mga kontraktor ay tumanggi naman siya na isapubliko ang pangalan ng mga ito.


Noong una, hinangaan ng publiko si Garcia sa pag-aakalang palaban ito pero nang humingi na ng kopya ang mga mamamahayag para isapubliko ang pangalan ng mga kandidatong tumanggap ng campaign funds sa mga kontraktor, atras siya, ayaw

magbigay ng kopya, buset!


XXX


MAY PA-GOOD-GOOD GOVERNANCE PA SINA OLONGAPO CITY MAYOR PAULINO, MUNTINLUPA CITY MAYOR BIAZON AT BAGUIO CITY MAYOR MAGALONG, PERO WALA NAMAN SILANG AKSYON SA MGA ILEGALISTANG NANGRARAKET SA MGA NASASAKUPAN -- Si Olongapo City Mayor Rolen Paulino ay miyembro rin ng Mayors for Good Governance, pero sa nasasakupan niyang lungsod tuloy pa rin ang raket na STL Small-Town Lottery (STL)-con jueteng ng isang alyas “Aging,” sa Muntinlupa City, ang alkalde rito ay si Mayor Ruffy Biazon na kasapi rin ng Mayors for Good Governance pero sa lugar niya namamayagpag din ang raket na STL-con jueteng at lotteng nina alyas "Touche" at "Jojo," gayundin ang mga saklaan ni "Walter" ay sa jurisdiction ni Mayor Benjamin Magalong, lantaran ang mga raket na mini-casino ni alyas "Patrick"  sa Legarda Bokawlan Streets at drop balls, color games ni "Nestor" sa Kayang, Baguio City.


Hanep ah, may pa-good-good governance pa sila pero wala naman silang aksyon sa mga ilegalistang nangraraket sa kanilang mga kababayan, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


WALANG PATOL SA MAMAMAYAN ANG MGA ATAKE AT PANINIRA NI TRILLANES KAY SEN. BONG GO DAHIL ‘ROCKSTAR’ PA RIN ANG ARRIVED NITO SA TAUMBAYAN -- Sa survey ng Pulse Asia noong Oct. 18, 2025 ay si Sen. Bong Go ang top performer sa mga senador, binigyan siya ng highest 76% approval ratings ng publiko, at makalipas lang ang tatlong araw, noong Oct. 21, 2025 inatake at siniraan na ni former Sen. Antonio Trillanes ang senador, isinasangkot sa katiwalian at sinampahan pa ng kasong plunder. 


At kung titingnan ang mga social media accounts ni Sen. Bong Go, sa kanyang daily activities ay sa kabila ng mga atake at paninira sa kanya ni Trillanes ay rockstar pa rin ang arrived ng senador, na talaga namang pinagkakaguluhan siya, ipinakikita ng taumbayan ang pagmamahal sa kanya.


Ang nais nating ipunto rito, walang patol sa mamamayan ang mga atake at paninira ni Trillanes kay Sen. Bong Go, period!


XXX


SANGKATERBANG PERA MULA SA KICKBACK BAKA WALA NA SA MANSYON NI ZALDY CO, NAIPUSLIT NA PALABAS NG BANSA LULAN NG ISANG PRIVATE PLANE AT 2 HELICOPTERS -- Sa testimonya nina former Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan 1st District officials, Engrs. Henry Alcantara at Brice Hernandez ay napag-alaman ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ang mansyon ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Villa Verde sa Pasig City ay ginagawa lang imbakan ng sangkaterbang male-maletang pera mula sa kickback nito sa flood control projects.


Naku, sa sobrang tuso ni Zaldy Co, malamang ang sangkaterbang pera na nasa kanyang mansyon ay wala na, baka nga ang laman ng kanyang private plane at dalawang helicopters na nakapuslit palabas ng bansa ay iyong male-maletang naglalaman ng mga kuwarta mula sa na-kickback niya sa mga flood control projects, tsk!


XXX


PABIDA LANG BA NI SEC. DIZON NA NAKA-FREEZE NA ANG AIR ASSETS NI ZALDY CO

O ‘NGANGA’ LANG TALAGA ANG MGA TAGA-CAAP KAYA NAKAPUSLIT PALABAS NG ‘PINAS ANG PAG-AARI NITONG ISANG PRIVATE PLANE AT 2 HELICOPTERS -- Noong Sept. 24, 2025 ay ibinida ni DPWH Sec. Vince Dizon na isinailalim na raw sa freeze order ng mga awtoridad ang walong air assets (mga pribadong eroplano at helicopter) na pag-aari ni Zaldy Co, at nitong nakalipas na Oct. 30, 2025 ay kinumpirma naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario na ang isang private plane at dalawang helicopters ng dating kongresista ay nakapuslit palabas ng ‘Pinas.


Kaya ang tanong: Pabida lang ba ni Sec. Dizon na naka-freeze na ang air assets ni Zaldy Co o "nganga" lang sa kanyang puwesto sa CAAP si DG Del Rosario kaya naipuslit palabas ng ‘Pinas ang isang private plane at dalawang helicopters ng ‘tulisang’ dating kongresista na ito? Boom!


XXX


SC MAGTATALAGA NG MGA SPECIAL COURT NA LILITIS SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS KAYA UNANG BATCH NA KINASUHAN NG ICI SA OMBUDSMAN KABADO NA, MAPAPADALI NA ANG PAGKULONG SA KANILA SA CITY JAIL -- Inanunsyo ng Supreme Court (SC) na magtatalaga sila ng mga special courts na maglilitis sa mga sangkot sa flood control projects scam.


Hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga unang batch na kinasuhan ng ICI sa Ombudsman sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former DPWH Usec. Roberto Bernardo, Zaldy Co, Commission on Audit (COA) Comm. Mario Lipana at former Caloocan City Rep. Mitch Cajayon, kasi ang aksyon na iyan ng SC ay indikasyon na mas mapapadali ang pagpapakulong sa kanila sa Quezon City Jail, abangan!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARA MAGTIWALA ANG MAMAMAYAN SA ICI, ISAPUBLIKO LAHAT NG MGA SEN. AT CONG. NA MAY INSERTIONS SA BICAM -- Nawala ang tiwala ng publiko sa itinatag ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil nagsagawa ito ng closed-door investigation sa mga sangkot sa flood control projects scam, na ‘ika nga kahit inanunsyo na ng ICI na isasapubliko na nila ang kanilang mga next hearing ay matabang pa rin ang pagtanggap dito ng mamamayan.


Kung nais ng ICI na makabawi sila ng pagtitiwala ng publiko, simple lang ang dapat nilang gawin at ito ay gumawa sila ng sarili nilang website at ilagay dito ang lahat ng mga senador at kongresista na nag-insert sa bicameral budget hearing ng mga flood control project, period!


XXX


POLITICAL FAMILY NG ESPINA SA BILIRAN, KINASUHAN NG PLUNDER, DAPAT GANYAN ANG GAWIN SA IBANG MAY POLITICAL DYNASTY NA NASASANGKOT SA KATIWALIAN, BUONG ANGKAN KASUHAN -- Isang nagngangalang Lord Allan Garcia ang nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban sa magkakapatid na sina Biliran Gov. Roger Espina, Vice Gov. Roselyn Espina-Paras, Rep. Gerryboy Espina at sa anak ni Gov. Roger na si Naval, Biliran Mayor Gretchen Espina, na ayon sa nagrereklamo ay sangkot ang pamilya Espina sa mga substandard at mga depektibong infrastructure project sa lalawigan.


Kung totoo ang alegasyon at sa huli mapatunayang guilty ang political family na ito sa Biliran ay maaari pala silang magsama-sama sa kulungan.

Aba’y iyan pala ang magandang gawin ng mamamayan sa mga political dynasty, kung may ginawang katiwalian, ang buong angkan nila, sampahan ng kasong plunder, boom!


XXX


MALA-PALASYO, MALA-MALL NA BAHAY NG PAMILYA DISCAYA KUMPISKAHIN DIN AT ISUBASTA -- Sa Nobyembre 15, 2025 ay uumpisahan na ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbebenta sa mga smuggled na luxury cars ng pamilya Discaya.


Sana kapag ang lahat ng luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay naisubasta na, ang next na kumpiskahin ng gobyerno at isubasta ay ang mala-palasyo at mala-mall na tirahan ng pamilya Discaya, kasi hindi naman nila pera ang ginasta sa pagpapagawa ng napakarangya nilang mga bahay kundi mula ‘yan sa pera ng bayan na in-scam nila, period!


XXX


PARAMI NANG PARAMI ANG MGA KURAKOT KAYA PARAMI RIN NANG PARAMI ANG MGA NAGHIHIRAP SA ‘PINAS -- Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 50% o kalahati ng populasyon ng pamilyang Pilipino ang nagsabi na nananatili silang mahirap sa panahon ng Marcos administration.


Dahil parami nang parami ang mga kurakot sa bansa, hindi naman talaga kataka-taka na parami rin nang paraming pamilyang Pinoy ang patuloy na nakakaranas ng hirap sa ‘Pinas, tsk!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page