top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | September 29, 2025



Boses by Ryan Sison


Maituturing na mabigat na kasalanan ang pananamantala sa mga overseas Filipino worker (OFW) na dugo’t pawis na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya. Ang panloloko sa kanila ay hindi simpleng scam, kundi pambabastos sa kanilang dangal at kabuhayan. 


Hindi biro ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan sa ibang bansa, kaya lalong nakakagalit na sila pa ang nagiging puntirya ng mga scammer na walang konsensya.


Kaya naman nagbigay ng babala ang Philippine Consulate General sa ating mga OFWs sa Hong Kong laban sa kumakalat na pekeng mensahe na nagsasabing nagbibigay umano ng libreng groceries at health services ang pamahalaan ng Hong Kong. Ayon sa abiso, ipinapadala ang mga scam message sa WhatsApp, Viber, at Facebook, at nag-aalok ng groceries na aabot hanggang HK$5,000, at may libreng eye check-up, at eyeglasses. Subalit, pinatunayan naman na walang ganitong programa ang Hong Kong government. 


Ayon kay Vice Consul Gino Soriano, kung may nag-aalok man ng groceries o serbisyo, ito ay pribadong inisyatiba at hindi opisyal na tulong mula sa pamahalaan. 

Ang mga nakalap na impormasyon ng mga biktima gaya ng pangalan, mobile number, o HKID card ay maaaring gamitin sa pagbubukas ng fake o stooge accounts para sa money laundering. Kaya mahigpit na paalala ng kagawaran na huwag basta-basta magbibigay ng detalye at laging magdoble-ingat sa mga random na alok online. 


Batay pa sa mga ulat, walang ipinamimigay na libreng groceries, pero may mga produktong kasama sa medical vouchers na nakalaan para sa mga residenteng may edad 65 pataas, kabilang ang migrant domestic workers. Ang medical vouchers na ito, ay nagkakahalaga ng HK$2,000 kada taon at maaaring umabot ng HK$8,000 kung hindi nagagamit, ito ay para sa serbisyong medikal, dental, at optical. 


Payo rin ng Philippine Consulate General, sa mga nakatanggap ng ganitong scam messages, maaaring mag-report sa Anti-Deception Coordination Centre ng Hong Kong Police Force sa Anti-Scam Helpline 18222, o makipag-ugnayan agad sa kanila.

Hindi puwedeng ipagsawalang-bahala ang mga ganitong klase ng scam. Ang mga OFW na itinuturing nating haligi ng ating ekonomiya ay dapat protektahan, pangalagaan ang kanilang kapakanan para mailayo sa anumang panlilinlang. Ang mga nasa likod ng modus na ito ay dapat tugisin at papanagutin upang hindi na makapanloko pa. 


Sa panahong mabilis ang paglaganap ng online scam, ang pinakamabisang panlaban ay pagiging mapanuri, matalino at matatag. 


Kung magkakaisa ang pamahalaan, komunidad, at mamamayan laban sa panlilinlang, masisiguro nating hindi mauulit ang ganitong pagsasamantala.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 28, 2025



Fr. Robert Reyes


BATAY sa kamakailang ulat ng ROSHI (Singapore-based fintech firm) ang Pilipinas ay ang pinaka-hindi mapagkakatiwalaang (most dishonest) bansa sa Southeast Asia pagdating sa pera, batay sa kanila survey. 


Tingnan natin ang mga ranggo ng iba’t ibang bansa: Pilipinas, 47%; Indonesia, 45%; Singapore, 41%. Ang Vietnam ang pinakamataas ang trust rating dahil 34% ang dishonesty rate na sinusundan ng Thailand, 36%.


Ayon sa ROSHI, ang mga dahilan ng kahinaang ito ng ‘Pinas ay dulot ng kahirapan, ang labis na pagpapahalaga sa pangalan (social reputation) o kahihiyan sa kabila ng mabigat na problemang pinansyal, at kakulangan ng edukasyon. Mas mahalagang magtago sa “magandang reputasyon” sa halip na harapin ang iba’t ibang hamong pinansyal.


Samakatuwid, higit na mahalaga ang panlabas na reputasyon kaysa matuwid na pangangasiwa sa salapi. Kaya pala napakakisig at kagalang-galang tingnan ang napakaraming mga opisyales at mambabatas na akala mo’y malilinis at mararangal. Idagdag mo pa ang pagiging maka-Diyos sa pananalita. Ilang mambabatas ang mahilig banggitin ang pangalan ng Panginoon at magbuklat din ng Bibliya bago, habang at sa katapusan ng mga opisyal na pulong.


Kailan lang, inilabas ni DPWH Sec. Vince Dizon ang mga helicopter at eroplanong pag-aari ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co (Bell 206 B3; Bell 407; AW1398 at Gulfstream Jet) na nagkakahalaga ng P4.7 bilyon. Paano nagkaroon ng ganitong kayamanan ang isang congressman? Bakit niya kailangang magkaroon ng ganyang karaming helicopter at eroplano? 


Noong mga nakaraang linggo, inilabas din sa social media ang pagyayabang ng anak ni Co sa mga mamahaling bag, damit, sapatos, relos at iba pang pag-aari nito. Nakakagulat, nakakapangilabot at nakakagalit. Kaya’t ganoon na lang ang paghahanap ng mga maibabato sa social media ng mga netizens laban sa mga naturang nepo babies o mga anak ng mga nepotista.


Sa parte ng ilang mga mayayaman at makapangyarihang opisyal parang kulang o halos wala nang makikitang kahihiyan. Marahil, nasanay na ang mga ito dahil sa tagal nilang ginagawa na walang pumapansing pakikialam sa pondo ng bayan. Salamat sa mga pangyayari ng mga nakaraang linggo, mula sa mga bahang nagpalubog sa maraming sulok ng Kamaynilaan at mga karatig na bayan hanggang sa lumabas na video tungkol sa mga luxury cars ng mag-asawang Discaya, biglang nagising ang mga mamamayan. At biglang nagkalat ang mga pagkilos laban sa mga “walang kahihiyang” opisyal at ng mga miyembro ng kanilang pamilya. Nagsunud-sunod ang mga ito hanggang nabuo ang napalaking pagkilos sa Luneta Park sa Manila, at People Power Monument sa EDSA.


Walang tigil din ang panghihiya sa mga unti-unting nabubuking na sinasabing ‘magnanakaw’ na mga kongresista at senador. Salamat sa AI, napakadaling gawan ng sari-saring video ang mga isinasangkot na mga opisyal ng DPWH sa matinding anomalya ng ghost flood control projects nito (kakuntsaba ang mga opisyales at mga kontratista). Nakakatawa’t nakakagalit ang mga video na mabilis na ikinakalat ng mga netizens na siyang dahilan na rin ng pagdagsa ng mga tao sa kalsada.


Dahil hindi na lihim ang korupsiyon na nasa likod o dahilan ng matitinding baha, nagigising na rin ang marami upang magsalita at kumilos laban sa mga abusado at itinuturing na kriminal na mga opisyal, kawani ng mga ahensya at ang mga kontratista. Hindi lang pag-uulat ang hinihingi ng taumbayan kundi, “singilin, panagutin at ikulong” ang mga sangkot sa katiwalian.


Balikan natin ang ulat ng ROSHI tungkol sa pinakamataas o pinakamababang ranggo ng Pilipinas sa mga bansang mapagtitiwalaan at hindi mapagtitiwalaan. Paano ba natin naabot ang ganitong katayuan? Dahil sa kasanayang magpakita ng maayos na panlabas sa kabila ng mga malubhang problemang pinansyal naging mababaw ang pagkilatis ng marami sa tunay na pagkatao ng mga nakapuwesto at ng mga kakuntsaba nila. Kaya sa halip na maghinala tayo na merong anomalyang ginagawa, pinapalakpakan pa natin ang mga magarang magdamit (kumpleto sa alahas, mamahaling bag, sapatos at damit, at iba pa) at mag-drive ng mga mamahaling sasakyan at nakatira sa kanilang mga sobrang laki at maluhong mansyon.


Sana nga’y tuluy-tuloy na ito upang magbago hindi lang ang sitwasyon kundi ang ugali ng bawat isa mula sa mga hiyang-hiya hanggang sa mga walang kahiya-hiya. At habang itinutulak nating mga karaniwang mamamayan ang patuloy na proseso ng paglilitis sa Senado, Kamara at sa Independent Commission for Infrastructure hanggang sa makarating ang mga kaso sa mga korte dapat ding tuluy-tuloy ang pagmumulat, paghuhubog at pagbabago ng pagkatao at kamalayan ng bawat isa para sa halip na hiya ay malaya, marangal at may responsableng kaisipan at pagkatao ang isilang.

Oo, litisin, panagutin at ikulong ang mga walang kahihiyang magnanakaw at gamutin ang ‘sakit’ o kahinaang kahihiyan ng marami na bunga ng maling kultura at mahina o kawalan ng edukasyon.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 28, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 11148 na kilala sa titulong “Ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act,” ang karapatan sa kalusugan ay isang pangunahing prinsipyo na ginagarantiya ng Estado. 


Binigyang-diin ng Seksyon 15, Artikulo II ng ating 1987 Saligang Batas na ang, “Ang Estado ay dapat pangalagaan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga tao at itanim ang kamalayan sa kalusugan sa kanila.” Alinsunod din sa iba’t ibang internasyonal na mga instrumento sa karapatang pantao at mga kasunduan na sinusunod ng Estado, ginagarantiyahan ng Estado ang karapatan sa sapat na pagkain, pangangalaga, at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, kabilang ang mga kabataang babae, kababaihan sa reproductive age, at lalo na ang mga bata mula sa zero hanggang dalawang taong gulang.


Isa sa mga layunin ng nasabing batas ay masiguro ang makabuluhan, aktibo at tuluy-tuloy na pakikilahok at pagtutulungan ng mga ahensyang miyembro ng National Nutrition Council (NNC), iba pang mga national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), civil society organizations (CSOs), at pribadong sektor. Ito ay sa pamamagitan ng pinagsama-sama at holistic na mga programa para sa pagtataguyod ng kalusugan at nutritional well-being ng populasyon, at pagbibigay prayoridad sa mga interbensyon sa mga lugar na may mataas na insidente ng kahirapan at may mga hazard at conflict zone.


Sa panahon ngayon na madalas na tayong nakararanas ng mga kalamidad, mahalagang malaman ng lahat na mayroon tayong batas na mangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mag-ina. Ang kalusugan ng mag-nanay o mag-ina ay mahalagang mabigyan ng sapat na atensyon lalo na sa mga nutritionally-at-risk, buntis at nagpapasusong mga kababaihan, partikular na ang mga teenager na ina, kababaihang nasa reproductive age, kabataang babae, at lahat ng mga batang Pilipino na bagong silang hanggang sa edad na 24 na buwan. Ang prayoridad ay dapat ibigay sa mga naninirahan sa disaster-prone na mga lugar at geographically isolated and disadvantaged areas (gida), tulad ng mga lugar na nakahiwalay dahil sa distansya, kawalan ng access sa transportasyon, at mga kondisyon ng panahon; mga komunidad na hindi naseserbisyuhan at kulang sa serbisyo, at iba pang mga lugar na natukoy na may mataas na saklaw ng kahirapan; may mga taong kabilang sa mahinang sektor; at mga komunidad sa o bumabawi mula sa sitwasyon ng krisis o armadong salungatan na kinikilala sa ganoong sitwasyon ng gobyerno.


Nakapaloob sa Sekson 11 ng batas na ito ang probisyon para sa “Nutrisyon na Kasunod ng mga Natural na Sakuna at Kalamidad.” Ayon dito, ang mga lugar na apektado ng mga sakuna at mga sitwasyong pang-emerhensiya, parehong natural at gawa ng tao, ay dapat unahin sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, at mga interbensyon sa mga serbisyong psychosocial. 


Ang mga NGAs at LGUs ay inaatasan na agad na magbigay ng mga serbisyong pang-emerhensiya, mga suplay ng pagkain para sa wastong pagpapakain sa mga buntis at nagpapasusong ina, at mga bata, partikular ang mga mula sa zero hanggang dalawang taong gulang. Ang mga lugar na pambabae, sanggol, at bata ay dapat ihanda at handang tumanggap ng mga kababaihan at kanilang mga anak; magbigay ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, damit, malinis na tubig, at tirahan. Dagdag pa rito, dapat din na mayroong madaling magagamit na suporta at payo sa pagpapasuso para sa mga may mga anak hanggang dalawang taon o higit pa, gayundin ang pagbibigay at gabay sa naaangkop na pantulong na pagkain para sa mga batang mahigit anim na buwang gulang.


Ang mga donasyon ng milk formula, breastmilk substitutes, at mga produkto na sakop ng Milk Code nang walang pag-apruba ng Inter-Agency Committee (IAC) na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 51, Series of 1986, ay dapat ipagbawal upang maprotektahan ang kalusugan at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong kababaihan, mga sanggol, at maliliit na bata bago, habang, at pagkatapos ng sakuna.


Sa mga sitwasyong pang-emergency, ang mga donasyon o tulong mula sa pribadong sektor, na walang mga salungatan ng interes o iyong hindi kasangkot sa paggawa at pagbenta ng mga produkto na saklaw ng Milk Code, ay dapat agad na payagan pagkatapos ng mga sakuna at kalamidad. Ang mahigpit na pagsunod sa Milk Code at ang binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) nito ay dapat sundin, at ang mga opsyon para sa mga ina na may mga problema sa pagpapasuso ay dapat ibigay, tulad ng, ngunit hindi limitado sa, ang pagpapakilos ng mga grupong sumusuporta sa pagpapasuso o estratehikong pagtatatag ng mga lokal na bangko ng gatas.


Ang Department of Health (DOH) at iba pang kaugnay na departamento, sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ay dapat bumalangkas ng mga patnubay at mekanismo upang maisakatuparan at pag-ibayuhin ang probisyon ng batas na ito, na isinasaalang-alang ang mga makatao, inclusive, gender at culture-sensitive na pamantayan para sa proteksyon ng mga bata, buntis, at nagpapasusong ina, alinsunod sa Republic Act No. 10821 (Children’s Emergency Relief and Protection Act), mga tuntunin at regulasyon, at ang Comprehensive Emergency Program for Children.


Malinaw na isinasaad sa batas na prayoridad ng Estado na bigyan ng agarang tulong ang mag-nanay sa panahon ng kalamidad. Ayon sa Seksyon 18 ng batas na ito, ang halagang kailangan para sa patuloy na pagpapatupad nito, na naging epektibo noong 2018, ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA). Ang Department of Budget and Management (DBM), sa pakikipag-ugnayan sa iba pang nauugnay na ahensya, ay dapat isaalang-alang ang paglaganap ng malnutrisyon at pagkamatay ng bata sa pagtukoy ng taunang paglalaan o budget para sa pagpapatupad ng batas na ito.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page