top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


AKALA NI ZALDY CO KAPAG NAGKA-PEOPLE POWER VS. PBBM, SAFE NA SIYA SA MGA KASO -- Buong akala ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na matapos ang kanyang mga video na “pasabog” na sangkot sa P100 billion Bicam insertion at kickback sina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at Leyte Rep. Martin Romualdez ay mapapatalsik ang Marcos administration at magiging safe na siya sa mga kasong kinasangkutan umano niya sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-flood control projects scam, Dept. of Education (DepEd)-laptop scam at Dept. of Health (DOH)-medical supply scam noong panahon ng pandemic, pero ang inaasam niyang People Power ay hindi nangyari.


Kaya’t nang matapos ang mga rally sa Quirino Grandstand at EDSA Shrine na si PBBM pa rin ang Presidente, agad sinampahan ng Ombudsman si Zaldy Co ng mga kasong malversation of public funds through falsification of public documents at graft cases, na ibig sabihin hindi siya naging safe sa mga kaso, boom!


XXX


KAHIT PINSAN NI ROMUALDEZ SI PBBM, HINDI SIYA LIGTAS SA MGA KASO -- Matapos itanggi ng Malacanang ang pagkakasangkot ni PBBM sa Bicam insertion at kickback, ay nagpa-presscon ang Presidente at ipinahiwatig na hindi safe sa mga kasong direct bribery at plunder ang pinsan niyang si Romualdez at si Zaldy Co, at pagkaraan niyan ay inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kay Ombudsman Boying Remulla na sampahan ng mga ganitong (direct bribery at plunder) kaso ang former House Speaker at dating partylist congressman.

Buong akala ni Romualdez porke pinsan niya ang Presidente ay safe na siya anumang kabulastugang gawin, hindi pala, period!


XXX


MARCOLETA HINDI SAFE SA MISDECLARATION SA KANYANG SOCE AT KASONG ISASAMPA NI ATTY. ESPERA -- Nang matapos ianunsyo ni Comelec Chairman George Garcia na iimbestigahan ng komisyon ang misdeclaration ni Sen. Rodante Marcoleta sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ay nagpalabas ng statement si Atty. Petchie Rose Espera na sasampahan niya ng kaso si ret. Marine Sgt. Orly Guteza at iba pang kasabwat nito sa pamemeke sa kanyang pirma na ginamit nito (Guteza) sa kanyang affidavit sa pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee.


At dahil diyan ay lumalabas na bukod sa hindi na siya safe sa gagawing imbestigasyon ng Comelec sa kanyang SOCE ay baka hindi rin siya maging ligtas sa kasong isasampa ni Atty. Espera kasi nga siya ang naging susi kaya nasalang si Guteza bilang surprise witness ng Senado laban kina Romualdez at Zaldy Co, boom!


XXX


KAPAG SI REP. RONNIE PUNO ANG NAGING SPEAKER, HINDI SAFE SI VP SARA SA IMPEACHMENT -- Sa panahon na si Speaker Bojie Dy ang lider ng Kamara ay hindi na napag-uusapan ang impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte kaugnay naman sa pagkakasangkot nito sa P650M confidential scam, kaya lang may mga kumikilos sa House of Representatives para ma-kudeta si Dy at ang lumulutang na kapalit ay si Antipolo City Rep. Ronnie Puno.


Kaya kung sakaling mapatalsik si Speaker Dy at si Cong. Puno ang maging head ng Kamara ay masasabing hindi safe si VP Sara sa impeachment, kasi nga ang grupo nito (Puno) ay gigil na gigil ma-impeachment ang bise presidente, period!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 21, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi na bago ang balita tungkol sa mga hindi nagbibigay ng student discount sa pasahe ng ilang driver. 


Pero iba na ang pananaw sa ngayon. Hindi na pakiusap, kundi paalala o babala. Marahil, tama lang, dahil kung ang batas ay matagal nang umiiral subalit patuloy na binabalewala, nararapat lang na maging mas mahigpit ang pagpapatupad nito. 


Mariing pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na obligasyon, hindi opsyon, ang 20% student fare discount — kahit weekend, holiday, o suspendido ang klase. Kasunod ito ng mga reklamo na may ilang PUVs na tila nakikisabay sa “long weekend mood” at hindi nagbibigay ng diskuwento sa mga mag-aaral. 


Mismong si LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang nagpatibay na klaro ang Republic Act 11314, ang student discount ay dapat ibigay habang ang estudyante ay naka-enroll, kahit anong araw pa ‘yan. Hindi na aniya, dapat pilit pang ipaliwanag ang batas dahil malinaw na malinaw ang pribilehiyo ay hindi nakatali sa class schedule, kundi sa enrollment status. 


Higit pa rito, ipinangako ni Mendoza na hindi siya mapipigil na magpatupad ng mabibigat na parusa. 


Ayon sa batas, maaaring masuspinde ng hanggang tatlong buwan ang lisensya ng sinumang driver na lalabag, bukod pa sa P1,000 multa sa bawat insidente. Para naman sa operator, umaabot sa P15,000 ang posibleng multa, at pinakamasaklap sa lahat, maaari silang mawalan ng Certificate of Public Convenience. 


Maging ang Department of Transportation (DOTr) sa pamumuno ni Acting Secretary Giovanni Lopez ay nakatanggap din ng mga reklamo. 


Kaya’t idiniin nila na kasama sa direktiba ng Pangulo ang protektahan ang kapakanan ng mga estudyante, ang sektor na araw-araw umaasa sa pampublikong transportasyon at tinatamaan ng pamasahe. 


Kaugnay nito, hindi rin nalilimutan ni Mendoza ang senior at PWD discounts, na dapat ding ibigay nang walang palusot. At kung may mga pasaherong nais magreklamo, bukas ang LTFRB hotline 0956-761-0739 pati na ang kanilang social media pages.


Kung tutuusin, simple lang ang usapin, ito ay sundin ang batas. Kung kayang ipagmalaki ng ilang PUV operators ang mahal nilang accessories, bakit hindi nila kayang ipagkaloob ang fare discount na nakasaad sa batas? 


Kadalasan, ang mga estudyante ang pinakamadaling maapi sa sistema at tama lamang na may ahensyang handang lumaban para sa kanila. Sila ang pinakamahalagang pundasyon ng ating lipunan, nakakahiya kung mismong mga mag-aaral ang hindi nabibigyan ng mga pangunahing benepisyo. 


Para sa ating mga estudyante, huwag sanang mangiming i-report agad ang sinumang pasaway na driver na ayaw magbigay ng fare discount sa inyo.


Ang diskuwento sa pasahe ay hindi limos, ito ay pagkilala sa hirap ng mga kabataang araw-araw bumabiyahe para mag-aral. Kaya kung hindi kayang sundin ng ilang driver at operator ang simpleng mandato, marapat lang na maramdaman nila ang bigat ng batas. Dahil minsan, hindi sapat ang pakiusap, kailangan ng parusa at panagutin ang mga abusado.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 21, 2025



TALKIES - ELLEN, PURING-PURI SI JOHN LLOYD NA MABUTING AMA KAHIT HIWALAY NA SILA_IG _ _maria.elena.adarna & _johnlloydcruz83TALKIES - JIMMY, UMAMIN KUNG BAKIT NANGALAKAL NG BOTE AT BAKAL SA CANADA_YT Toni Talks

Photo: YT Toni Talks



Trending man ang mga vlogs niya noon tungkol sa pangangalakal at pagtitinda ng street food sa Canada, iginiit ni Jimmy Santos sa Toni Talks (TT) na hindi ito nangyari dahil naghihirap na siya, kundi bahagi lamang ng kanyang content at mga pinagdaanan noong kabataan niya.


Tanong ni Toni, “So after ninyong mag-Eat… Bulaga! (EB!), nu’ng nag-retire kayo, sa Pampanga na kayo tumuloy, tapos parang nag-start kayo ng bagong buhay du’n pero nag-Canada rin kayo. Kailan kayo nag-Canada?”


Sagot ni Jimmy, “Nu’ng ikasal ‘yung aking anak na babae.”

Tanong ni Toni, “Tapos, nag-vlog kayo du’n sa Canada na nagbobote?”

Sagot ni Jimmy, “Nangangalakal.”


Hirit na tanong ni Toni, “Bakit ninyo po na-vlog ‘yun?”


Sagot ni Jimmy, “Kasi du’n sa Canada, ‘yung pamilya du’n ay bumibili ng mga soft drinks, de-lata at de-bote. Puwede mong ibenta ‘yun. Eh, naiipon nu’ng mga anak ko ‘yung mga basyo. Sabi nga nu’ng anak ko, ‘Pa, mag-vlog ka.’ ‘Ano iba-vlog ko? May yelo?’ ‘Hindi, meron kaming basyo d’yan. Dalhin mo du’n sa bentahan ng mga bote-lata.’ Ganu’n, isang beses ko lang nasubukan.”


Tanong ni Toni, “Ah, so at least, nalinaw natin ‘yan kasi nag-trending kayo nu’ng ibina-vlog n’yo ‘yun. Inisip nila, ‘Oh, naghihirap na si Jimmy Santos, nangangalakal ng bote sa Canada.’”

Kuwento pa ni Jimmy, “Masayang gawin kasi nagbote-bakal din ako nu’ng bata. Nagulat nga ako nag-5 million (views) mahigit ‘yun.”


Tanong ni Toni, “Nag-trending ulit kayo nu’ng nagtinda kayo ng balut?”

Sagot ni Jimmy, “Hindi, nu’ng bata ako.”


Tanong ni Toni, “Ah, so ‘yung nakita nila online na nag-viral na nagtinda ng kwek-kwek, ‘yung mga street food?”


Sagot ni Jimmy, “‘Yun naman, bahagi ng ano ko ‘yun, ng vlog.”

Tanong ni Toni, “Kaya n’yo ginawa ‘yun, ‘yun ang ginagawa ninyo nu’ng bata pa kayo. Hindi dahil ito ang trabaho na ninyo ngayon?”

Sagot ni Jimmy, “Lahat ng ginagawa kong content, puro na-experience ko nu’ng kabataan ko.”


Tanong ni Toni, “Pero hindi ‘yun ang trabaho n’yo ngayon?”

Sagot ni Jimmy, “Hindi.”


Ohhh, madlang people, malinaw, ah? 

Hindi ginawa ni Jimmy Santos ang mangalakal at magtinda ng kwek-kwek dahil naghihirap na siya. 


Huwag kasing judgmental, masama ‘yan. Pak, ganern!


Samantala, isa rin sa mga napag-usapan nina Toni at Jimmy ay ang tungkol sa The King of Philippine Cinema na si Fernando Poe, Jr. (FPJ).


Tanong ni Toni Gonzaga, “Kumusta ang makatrabaho si FPJ?”


Sagot ni Jimmy, “First time ‘yun, saka ibang klase talaga ‘yun. Ang FPJ, pantay-pantay ang trato, walang maliit, walang malaki. Siguro naman, nakatrabaho mo rin si FPJ, na-experience mo rin ‘yun?”


Well, congratulations, Jimmy Santos dahil nakatrabaho mo ang nag-iisang ‘The King of Philippine Movies’ na si FPJ.



NAG-TRENDING ang post ng aktres na si Kaye Abad dahil nauwi sa police station ang kanilang bakasyon sa Las Vegas, USA matapos manakaw ang kanyang bag.


Kuwento ni Kaye sa post niya, “We went to Vegas para magbakasyon and isuroy (ipasyal) ang kids. Never did I think that one of the places I’d end up visiting was the police station.


“My bag was stolen inside the car, with all my IDs and 2 passports. Never leave your bags inside the car. We just had lunch for 1 hour and this happened.


“Anyways, lesson learned. I still believe that everything happens for a reason. Kung ano man ang reason Niya… Iniisip ko na lang everything can be replaced.

“Importante, my family is safe. God is good.”


Korek ka d’yan, Kaye. God is good all the time, pero ingat-ingat din!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page