top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


Isa akong Person with Disability (PWD) dahil sa nangyaring aksidente sa akin. Hindi na ako nakakapaglakad at gumagamit ako ng wheelchair. Gayunpaman, patuloy akong naghahanapbuhay. Ngunit kamakailan ay nakaranas ako ng diskriminasyon noong pumara ako ng pampasaherong jeep. Sabi sa akin ay kung hindi ako magbabayad ng mas mahal ay hindi nila ako isasakay dahil na rin sa wheelchair ko. Gusto ko lang malaman kung tama ba ito?

-- Estelita


Dear Estelita,


Upang maingatan ang karapatan ng mga tinatawag na “Persons with Disability,” minarapat ng ating mga mambabatas na maipasa ang “Magna Carta for Disabled Persons” o ang Republic Act No. 7277 (R. A. No. 7277). Ayon sa nasabing batas, tungkulin ng Estado na pangalagaan ang karapatan ng ating mga PWD, upang sila ay makapamuhay ng marangal at maayos sa ating bansa. 


Kinikilala rin ng Estado ang ating mga PWD bilang mahalagang kawani ng ating mga manggagawa o tinatawag na labor force. Kaya naman ipinagbabawal din ang pagdidiskrimina sa kanila sa anumang lugar, oras, o paraan. 


Sang-ayon sa Section 34, Chapter 2 ng R.A. No. 7277, bawal ang diskriminasyon sa ating mga PWD sa anumang pampublikong transportasyon: 


“SEC. 34. Public Transportation. -- It shall be considered discrimination for the franchisees or operators and personnel of sea, land, and air transportation facilities to charge higher fare or to refuse to convey a passenger, his orthopedic devices, personal effects, and merchandise by reason of his disability.”


Maliwanag ang nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon para sa ating mga PWD, sa anumang uri ng pampublikong transportasyon. Ipinagbabawal ng batas ang pagsingil ng mas mataas na bayad o pamasahe sa kanila, at lalong higit na ipinagbabawal na sila, pati na ang kanilang mga gamit na may kaugnayan sa kanilang kapansanan, ay pagkaitan ng serbisyong pangtransportasyon.


Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi tama ang inasal sa iyo ng drayber ng pampasaherong jeep, sapagkat ikaw ay siningil niya ng mas mataas na pamasahe dahil sa iyong wheelchair. Ang kanyang ginawa ay maaaring pumasok o maklasipika bilang isang uri ng diskriminasyon na ipinagbabawal sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disability. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MABI-BRING BACK HOME SI HARRY ROQUE PARA IKULONG SA CITY JAIL -- May ‘Red Notice’ nang hiniling ang Philippine gov’t. sa pamamagitan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para dakpin si former presidential spokesman Harry Roque na may kasong qualified trafficking in person kaugnay sa pagkakasangkot nito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga.


Kapag nagkataon at matimbog si Harry Roque, mabi-bring back home siya para ikulong sa Quezon City Jail, boom!


XXX


HIRIT NA HOUSE ARREST O HOSPITAL ARREST, TABLADO SA OMBUDSMAN AT SANDIGANBAYAN, IBIG SABIHIN KULONG SA CITY JAIL TALAGA SI ZALDY CO -- Ang magkasunod na kahilingan ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni former Cong. Zaldy Co, na house arrest at hospital arrest para sa kanyang kliyente ay parehong ibinasura lang ng Ombudsman at Sandiganbayan.


Ibig sabihin niyan ay hindi talaga bibigyan ng Ombudsman at Sandiganbayan ng VIP treatment si Zaldy Co, na talagang ipaparanas sa kanya ang buhay sa loob ng Quezon

City Jail, abangan!


XXX


REP. ROMUALDEZ, MALABO NANG MAKALABAS NG BANSA PARA TUMAKAS, NASA IMMIGRATION LOOKOUT BULLETIN ORDER NA SIYA NG BUREAU OF IMMIGRATION -- Matapos hilingin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na sampahan ng mga kasong no bail na plunder at bribery sina Leyte Rep. Martin Romualdez at former Cong. Zaldy Co, ay sinabi ng dating Speaker na handa raw niyang harapin ang kaso at hindi umano siya lalabas ng Pilipinas para magtago.


Siyempre, iyan na lang ang palusot ni Romualdez, na hindi siya lalabas ng ‘Pinas para magtago, kasi nga wala naman na talaga siyang lusot para makapagtago sa ibang bansa dahil kabilang na siya na nasa Immigration Lookout Bulletin Order  (ILBO) ng Bureau of Immigration (BI), period!


XXX


DAHIL HINDI BANSA ANG ICC KAYA HINDI ITO SAKLAW NG SC NEW EXTRADITION RULES, KAPAG MAY WARRANT OF ARREST NA, ANUMANG ORAS O ARAW PUWEDENG DAKPIN SI SEN. DELA ROSA PARA IKULONG SA ICC JAIL -- Binigyang-linaw ng Supreme Court (SC) na ang bagong desisyon nila patungkol sa extradition rules ay para lang sa mga bansang may extradition treaty ang Pilipinas.


Kumbaga, parang sinabi na rin ng SC na hindi saklaw ng kanilang bagong extradition rules ang International Criminal Court (ICC) na bagama’t nasa The Netherlands ito, ay hindi naman bansa ang ICC.


Dahil sa statement na iyan ng SC, para na rin nilang sinabi na sa bagong extradition rules ay hindi safe dito si Sen. Ronald Dela Rosa, na ‘ika nga, kung totoong may warrant of arrest na siya ay nagdedelikado siya na anumang oras o araw ay puwede siyang dakpin ng pulisya para i-turnover sa Interpol, dalhin at ikulong sa ICC jail, boom!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 24, 2025



Boses by Ryan Sison


Kapag napag-usapan ang korupsiyon at pagnanakaw sa pera ng bayan, umiinit ang lahat na kadalasa’y ipinapahayag ang kanilang galit at panawagan sa mga lansangan. 

Katulad ito ng nakaiskedyul na ang Trillion Peso March sa Nobyembre 30, mas ramdam ang tinig ng publiko, hindi takot, at totoong naghahangad ng pagbabago. 


Sa kabila nito ay inanunsyo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpapatupad sila ng full alert status simula Nobyembre 28, bilang paghahanda sa malaking kilos-protesta. 


Ayon kay Police Major Hazel Asilo, mahalagang ready ang kanilang puwersa upang agad makapag-deploy ng mga tauhan kung kinakailangan. Naka-heightened alert na rin ang NCRPO matapos ang dalawang araw na protesta ng Iglesia ni Cristo, kaya activated na ang lahat para sa koordinasyon at seguridad ng publiko.


Nakahanay na ang mga team para sa civil disturbance management, negotiation, monitoring, at arrest, habang gagamitin ang mga CCTV para sa real-time monitoring — isang kritikal na hakbang lalo na kung biglaang dumami ang mga tao sa kalsada. May mga permit na ang grupo para sa rally sa EDSA People Power Monument, at inaasahang aabot hanggang 50,000 ang maaaring dumalo, at handa pa rin ang kapulisan kung sosobra pa rito. 


Sa Luneta naman, hinihintay pa ang kumpirmasyon mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila. Isa sa mahigpit na paalala ay ang pagbabawal na mag-rally sa Mendiola. Nilinaw na rin ng NCRPO na hindi ito venue para sa pagra-rally at pagtitipon, at dapat gamitin ang mga itinalagang freedom park. 


Ang layunin ng protesta ay itulak ang pamahalaan na magpakita ng mas malinaw at mas mabilis na aksyon laban sa korupsiyon, sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects. 


Ayon sa convenors ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, oras na para ipakitang hindi pagod ang taumbayan sa paghingi ng hustisya at pananagutan. 


Sa panahon kung kailan bawat piso ng kaban ng bayan ay tila may katapat na kontrobersiya, hindi nakapagtataka na bumabalik ang mga tao sa lakas ng pagkakaisa. At kung paanong naghahanda ang pulisya para maiwasan ang aberya, ganoon din ang preparasyon ng publiko para ipabatid na hindi dekorasyon ang People Power Monument, paalala ito ng tungkuling magbantay sa demokrasya. 


Kung may bilyong piso ang nawawala dahil sa korupsiyon, may milyong Pinoy ang handang manindigan. Hindi kailangan ng dahas, kundi ng maayos na koordinasyon, respeto sa karapatan, at higit sa lahat — tapat na aksyon ng mga nasa kapangyarihan. Dahil kung walang pagbabagong magmumula sa itaas, tiyak na lalakas ang sigaw ng mga nasa laylayan para sa magandang kinabukasan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page