top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT LAHAT NG CONSTRUCTION FIRMS NG MAG-ASAWANG DISCAYA TANGGALAN NG LISENSYA -- Sa mga construction firms na sinampahan ng kaso ng Dept. of Trade and Industry (DTI) para tanggalan ng lisensya dahil sa pagkakasangkot sa flood control projects scam, ay sa siyam na kumpanya ng mag-asawang Discaya, dalawa lang ang isinama sa kinasuhan at ito ay ang Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation at St. Timothy Construction Corporation.


Teka, bakit dalawa lang ang isinama sa kinasuhan? Sa Senate Blue Ribbon Committee ay inamin ni Sarah Discaya na madalas ang siyam nilang construction firm ay sabay-sabay sumasali sa bidding ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) para awtomatikong kumpanya nila makakuha ng kontrata na malinaw na labag ito sa bidding process.


Dahil dalawang construction firm lang ang kinasuhan ng DTI, nakikita na natin na kahit matanggalan ng lisensya ang Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation at St. Timothy Construction Corporation, ay tuloy pa rin ang ligaya ng mag-asawang Discaya dahil makakakuha pa rin sila ng mga kontrata sa gobyerno, pwe!


XXX


PARANG SINABI NI OMBUDSMAN REMULLA NA ‘NGANGA’ LANG SA MGA KURAKOT SI FORMER OMBUDSMAN MARTIRES -- Sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na nagsimula raw ang talamak na corruption sa DPWH at sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay nang hindi na nagtrabaho o mula nang hindi ginampanan ng nakaraang liderato ng Office of the Ombudsman na habulin at sampahan ng kaso ang mga kurakot sa gobyerno.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni Remulla na "nganga" lang sa mga nagaganap na katiwalian sa pamahalaan ang pinalitan niya sa puwesto na si former Ombudsman Samuel Martires, boom!


XXX


TIYAK KAKABA-KABA NA ANG MGA KURAKOT NA HINDI PA NAPAPANGALANAN SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Ayon kay Sen. Ping Lacson, sakaling mahalal daw siya uli bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee sa Nov. 10, 2025 ay agad daw siyang magpapatawag ng Senate investigation at ihaharap ang isang bagong testigo na "kakanta" at itutuga ang mga sangkot sa flood control projects scam.


Hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga kurakot na hindi pa napapangalanan sa flood control projects scam sa bagong testigo ni Sen. Lacson, abangan!


XXX


DAPAT SAMA-SAMANG IKULONG SA CITY JAIL ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM AT FARM-TO-MARKET ROAD SCAM -- Sabi ni Sen. Erwin Tulfo, pagkatapos daw ng imbestigasyon sa flood control projects scam ang next iimbestigahan ng Senado ay ang farm-to-market road scam.


Sana, pagsabayin na lang ang imbestigasyon para sama-samang makulong sa city jail ang mga sangkot sa flood control projects scam at farm-to-market road scam, period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 27, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahong abala ang lahat sa paghahanda ng mga kandila at bulaklak, abala rin ang mga otoridad sa pagtiyak na ligtas ang bawat Pinoy na magtutungo sa mga sementeryo at simbahan ngayong Undas.


Sa halip na mangamba sa posibleng dagsa ng tao, siksikan o anumang krimen, nais ng Philippine National Police (PNP) na maging tahimik at mapayapa ang paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Days sa Nobyembre 1 at 2, sa pamamagitan ng pinaigting na seguridad at matinding pagbabantay sa buong bansa. 


Sa direktiba ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mas maigting ang mga patrol operation ng pulisya sa mga sementeryo, establisimyento, simbahan at mga komunidad, lalo na’t nasa mga ganitong lugar ang mga pamilya. 


Aabot sa 31,200 pulis ang ide-deploy sa 5,065 cemeteries, memorial parks, columbarium, at pangunahing lansangan mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang bahagi ng kanilang operasyon para sa “Undas 2025”.


Hindi lamang ang PNP ang magbabantay, kasama nila ang 11,700 uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG), pati na ang 29,900 force multipliers tulad ng barangay tanod, radio groups, at NGO volunteers. 


Mahigit 5,169 Police Assistance Desks din ang itinayo upang gabayan ang publiko, tumugon sa emergency, at mapanatili ang kaayusan sa mga matataong lugar. 


Ayon kay Nartatez, mahalagang maging maingat ang publiko bago umalis ng bahay, siguraduhing nakasara ang pinto’t bintana, naka-unplug ang appliances, at ipaalam din ito sa kanilang barangay. Kung may kahina-hinalang kilos, agad umano itong i-report sa pinakamalapit na istasyon o sa mga hotline ng pulisya. 


Sa Metro Manila, iniutos na rin ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin ang full alert status simula Oktubre 31, kung saan 8,575 pulis mula sa limang distrito at support units ang itatalaga sa sementeryo, transport hubs, simbahan, at pangunahing lansangan. Magkakaroon din ng inspection teams, mobile patrols, at assistance desks para tumulong sa trapiko at security. 


Kasabay nito, tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamumuno ni Edison "Bong" Nebrija ang pag-deploy ng 2,400 traffic enforcers mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 30, na may direktibang ‘no absent, no leave, no day off policy’ dahil sa Undas week. Sinimulan na rin nila ang clearing operations sa limang pangunahing sementeryo sa Metro Manila at nakipag-ugnayan sa mga expressway operators upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko. 


Ang pinagsanib-puwersa ng PNP, MMDA, AFP, BFP, PCG at iba pa, ay patunay na kapag nagtulungan ang pamahalaan at mamamayan, maaaring maging maayos at ligtas ang selebrasyon ng mahalagang tradisyon natin sa halip na mauwi sa kaguluhan. 


Sa panahon kung saan karaniwang masikip ang trapik, dagsa ng tao, at lubhang maingay tuwing Undas, ang pagkakaroon natin ng disiplina, kooperasyon, at malasakit ay pinakamagandang paraan ng pag-alaala natin sa mga yumaong mahal sa buhay.


Ang Undas ay hindi lang panahon ng paggunita, ito rin ay pagsubok sa ating disiplina bilang mga Pinoy. Sa bawat pulis o uniformed personnel na nagbabantay, bawat enforcer na nagpapasunod, at mamamayang marunong sumunod sa alituntunin, nagiging mas safe, maayos at marangal ang ating mga tradisyon. 


Alalahanin din sana natin na kasiyahan ang naidudulot sa mga namayapang mahal sa buhay kung namamasdan nila ang pagkakaisa at kaayusan ng mga naiwang pamilya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 26, 2025



Fr. Robert Reyes


Msgr. Jose Menphin, Msgr. Jose Jovellanos, Fr. Ben Villote, Msgr. Antonio Benedicto, Msgr. Antonio Mortillero, Msgr. Clemente Lopez, Msgr. Nico Bautista, Msgr. Jose “Jing” Silverio at napakarami pang hindi ko maalala sa ngayon. Sila ang ilan lang sa mga naging kilalang paring nagtapos sa Seminaryo ng San Jose. Mga mabubuti, magigiting at banal na pari na naging haligi ng kani-kanilang mga diyosesis. Nakilala at nakasama natin ang karamihan sa kanila noong batang pari pa lang ako, na ang mga ito ay bumalik na sa tahanan ng Ama.


Sina Bishop Honesto Ongtioco (Cubao), Bishop Teodoro Bacani, Cardinal Gaudencio Rosales, Cardinal Quevedo OMI, Cardinal Chito Tagle, Cardinal Ambo David, ay mga kilalang pinuno ng simbahan na galing sa Seminaryo ng San Jose. Buhay pa silang lahat, retirado ang ilan, ngunit aktibo pa rin. Marami pang kabutihang magagawa ang mga aktibo, at inaasahan sila ng marami lalo na sa kasalukuyang krisis na pinagdaraanan natin.


Wala ang mga nabanggit na kardinal sa pagdiriwang ng ika-96 na Alumni Homecoming ng Seminaryo ni San Jose, ngunit naroroon sina Obispo Nes Ongtioco, retiradong Obispo ng Diyosesis ng Cubao, Obispo Marvin Maceda ng Diyosesis ng Antique at Obispo Ted Bacani, retired na Obispo ng Novaliches.


Si Obispo Ted Bacani ang nagbigay ng pagninilay noong nakaraang Huwebes ng hapon. Sa kanyang pagninilay sa temang “Josefino Iisa Tayo sa Isang Kristo”, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa hindi lang sa salita kundi sa buhay. Ano ang pinagmumulan ng pagkakaisa ng mga pari? Walang iba kundi ang pagsunod, pagiging malapit ng mga pari kay Kristo. Kung si Kristo ang nasa sentro ng buhay ng pari at ganoon ang lahat ng pari hindi maaaring magkawatak-watak at mag-away-away ang mga ito. Nagbigay ng mga halimbawa si Bishop Ted ng mga paring hindi nagtutulungan, hindi nagsusuportahan. Meron ding mga paring nagsisiraan at nagtsitsismisan tulad ng karaniwang tao. Ngunit maiiwasan ito kung babalik at muling magiging malapit ang mga pari sa Panginoong Hesu Kristo.


Kinagabihan sa hapunan at programa, nagkasama-sama ang mga magkakaeskwela. Sa anim na magkakaeskwela sa Batch 82, dalawa lang kami ni Padre Edwin Mercado ng Maynila ang nakarating. Wala roon sina Padre Jun Aris ng Bukidnon, Bobboy Colon ng Butuan at Cardinal Chito Tagle na ngayon ay nasa Roma na. 


Wala na ang pang-anim naming kaeskwela, si Danny Bermudo na namatay bago mag-COVID 19 noong Pebrero 2020. Puti ang buhok ni Padre Edwin. Ako naman ay walang buhok dahil araw-araw ay inaahit ko. Sa paligid namin napakaraming mga dating kasama sa seminaryo na nagpuputian na rin ang mga buhok. Marami-raming mga batang pari na puno ng sigla at pag-asa.


Sa misa kinabukasan, napuno ang kapilya ng seminaryo ng mga pari. Namuno sa misa si Padre Elmer Dizon ng Pampanga. Si Padre Rey Raluto naman ng Cagayan de Oro ang nagbigay ng omeliya. Taimtim na nakinig, nagdasal at nakiisa ang lahat sa pagdiriwang ng Eukaristiya. Nasa puso ng lahat ang pagninilay ni Obispo Ted Bacani tungkol sa pagiging isa kay Kristo na siya ring daan upang magtulungan, magmahalan at magkaisa ang lahat ng pari. 


Bago matapos ang misa, ipinagdasal ng lahat ang mga yumaong ‘Josefino’. Ipinakita sa screen ang mga mukha ng mga kapatid naming nauna. Napansin kong naglalabas ng mga panyo ang ilang pari. Ganoon din ang ginawa ko dahil kusang dumaloy ang luha sa aking mga mata. Marami sa mga mukha ng pumanaw ay nakasama, nakatrabaho at naging kaibigan ngunit wala na sila.


Marami sa kanila ay nanatiling simple at dukha. Namumukod tangi si Padre Ben Villote na lagi nating dinadalaw noon sa kanyang Dambanang Kawayan at sa Sentro ng mga Migrateng Kabataan. Tahimik, malalim, makatang tapat na disipulo ni Kristo at lingkod siya ng sining. Laging masaya ang mga misa ni Padre Ben Puno ng musikang Pilipino at ang magandang halo ng ebanghelyo at makabayang pagninilay.  


Naalala ko rin si Padre Tony Benedicto na siyang nagpasok sa akin sa Seminaryo ng San Jose. Barkada ng aking ama si Padre Tony. Masayahin at batikan na taga-omeliya si Padre Tony tuwing Siete Palabras sa telebisyon. Siya ang nagtayo ng kauna-unahang simbahan sa aming parokya sa Barangay Tugatog sa Malabon. Doon din naganap ang aking pinakaunang misa. Matagal kaming nagsama sa seminaryo nina Kardinal Ambo at Chito. Kaeskwela natin si Kardinal Chito at dalawang taon ang agwat namin ni Kardinal Ambo.


Mabilis ang pagtakbo ng panahon. Tumatandang unti-unti ang mga anak ni Tata Jose (San Jose). Dalawa na sa aking kasabayan ay kardinal at senyales na tumatanda na talaga tayo na kasing tanda ko na rin si Papa Leo XIV. Ngunit aanhin mo ang pagtanda kung wala ka namang pinagkatandaan?

Sana, kaming mga anak ni San Jose ay matulad sa kanyang anak na tumawag sa aming ibigay ang buong buhay namin sa paglilingkod sa kapwa, sa bayan at sa Kanya! Maraming salamat Seminaryo ng San Jose!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page