ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 28, 2025

Sa isinagawa nating pagdinig sa panukalang 2026 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), muli nating ipinanawagan ang mga hakbang upang iangat ang kahandaan ng ating mga senior high school graduates pagdating sa trabaho.
Noong tinalakay natin ang panukalang budget ng DOLE, hinimok natin ang ahensya na iugnay ang Special Program for Employment of Students (SPES) sa senior high school. Ipinapatupad ng DOLE ang SPES sa tulong ng mga local government units (LGUs) upang bigyan ng pansamantalang trabaho ang mga mag-aaral tuwing bakasyon.
Ngunit sa isang ulat ng International Initiative for Impact Evaluation noong 2020, lumabas na walang epekto ang SPES sa academic outcomes at kahandaan ng mga mag-aaral sa trabaho. Noong 2024, tinulungan ng DOLE ang 84,745 na mga benepisyaryo ng SPES. Samantala, P800 milyon ang nakalaan para sa programa sa susunod na taon.
Tiniyak naman ng DOLE na nagsagawa na sila ng mga hakbang upang tiyaking nagkakaroon ang mga mag-aaral ng practical work experience, life skills, at makabuluhang exposure sa trabaho sa pamamagitan ng SPES. Patuloy nating tinututukan ang mga hakbang na ito lalo na’t kinakailangan nating tugunan ang pagkadismaya ng mga kababayan sa senior high school.
Isa pang binibigyang-diin natin ang mababang porsyento ng mga senior high school learners sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track na nakakuha ng certification, bagay na sana ay makakatulong sa kanilang magkaroon ng mas magandang trabaho.
Nitong mga nagdaang taon, isinulong ng inyong lingkod ang paglalaan ng pondo upang maging libre ang certification para sa mga mag-aaral ng senior high school sa ilalim ng TVL. Ngunit lumalabas na sa 556,657 na target na mag-aaral sa Grade 12 para sa School Year (SY) 2024 – 2025 ay 197,077 o 35% lamang ang inendorso para sumailalim sa assessment.
Sa P438.16 milyong inilaan para sa assessment ng mga mag-aaral sa senior high school noong 2024, lumalabas na 57% lamang ang nagamit. Paliwanag ng TESDA, mas pinili kasi ng mga mag-aaral sa senior high school sa ilalim ng TVL track na pumasok sa kolehiyo imbes na sumailalim sa assessment at certification. Hindi rin tugma ang training ng mga mag-aaral sa senior high school sa mga training regulations ng TESDA. Dahil dito, hindi sila naeendorso para sumailalim ng assessment.
Hinimok natin ang TESDA na tiyaking mas wasto ang bilang ng mga mag-aaral na sasailalim ng assessment para sa libreng certification. Patuloy namang isinusulong ng inyong lingkod ang mga reporma sa senior high school upang tiyaking handa ang ating mga graduates na makapaghanap ng magandang trabaho.
Nakikiisa ako sa ating mga kababayan para sa patuloy na paghahangad ng dekalidad na edukasyon para sa ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com






