top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 4, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Maaari ba akong humingi ng sustento sa lolo at lola ko sa ama? Kasal ang aking ina sa aking ama, subalit kami ay kanyang iniwan para sa ibang babae mahigit limang taon nang nakakaraan. Mula noon, palagi nang humihingi ng sustento ang aking ina sa aking ama dahil hindi sapat ang kanyang kinikita para sa aming pang-araw-araw na pangangailangan, ngunit ‘ni minsan ay hindi siya nagbibigay kahit na mayroon siyang maayos na trabaho. Noong ako ay tumuntong ng 18 taong gulang ay ako naman ang naglakas-loob na humingi ng tulong sa aking ama para sa pag-aaral namin ng kapatid ko, subalit hindi pa rin siya nagbibigay. Ang madalas ko na nababasa at naririnig na payo ay ang magsampa ng kaso. Ngunit sa totoo lamang, napakahirap para sa akin na gawin iyon sa ngayon dahil sa aking pag-aaral. Kung kaya’t nais ko sana na subukan na humingi naman ng sustento mula sa lolo at lola ko sa ama na mayroong matatag na negosyo. Ang lolo at lola ko sa ina ay pumanaw na, kung kaya’t wala na ring ibang maaasahan o matatakbuhan ang aking ina. Sana ay malinawan ninyo ako.

-- Missy



Dear Missy,


Ang obligasyon ng pagsusuporta ay malinaw na itinakda sa ilalim ng Executive Order No. 209, as amended, o higit na kilala bilang “The Family Code of the Philippines”. Partikular na nakasaad sa Artikulo 194 at 195 ng nasabing batas:


“Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family.


The education of the person entitled to be supported referred to in the preceding paragraph shall include his schooling or training for some profession, trade or vocation, even beyond the age of majority. Transportation shall include expenses in going to and from school, or to and from place of work.


Article 195. Subject to the provisions of the succeeding articles, the following are obliged to support each other to the whole extent set forth in the preceding article:

  1. The spouses;

  2. Legitimate ascendants and descendants;

  3. Parents and their legitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter;

  4. Parents and their illegitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter; and

  5. Legitimate brothers and sisters, whether of full or half-blood.”


Mababanaag sa nabanggit na probisyon ng batas na maliban sa pang-araw-araw na pangangailangan, kabilang ang edukasyon o pag-aaral sa mga maaari na ihingi ng pinansyal na suporta. At hindi lamang ang mga magulang ang mayroong obligasyon na magbigay ng pinansyal na suporta sa kanilang anak. Ang mga nakatatanda o ascendants tulad ng mga lolo at lola ay mayroong obligasyon na magbigay ng suporta sa kanilang mga apo.


Subalit nais naming bigyang-diin na ang obligasyon ng pagbibigay ng suporta ng mga lolo at lola sa kanilang apo ay maaari lamang igiit sa oras na mapatunayan na hindi nagbibigay ng suporta o hindi sapat ang ibinibigay na suporta ng magulang ng huli. Ito ay sa kadahilanan na nililimita ng ating Family Code ang pananagutan ng pagbibigay ng suporta sa pinakamalapit na nakatatanda – ang magulang, kasunod lamang ang iba pang nakatatanda tulad ng mga lolo at lola, alinsunod sa Artikulo 199, Id:


“Article 199. Whenever two or more persons are obliged to give support, the liability shall devolve upon the following persons in the order herein provided:

  1. The spouse;

  2. The descendants in the nearest degree;

  3. The ascendants in the nearest degree; and

  4. The brothers and sisters.” 


Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio sa kasong Spouses Prudencio and Filomena Lim vs. Ma. Cheryl S. Lim et al. (G.R. No. 163209, October 30, 2009):


“x x x Also, while parental authority under Title IX (and the correlative parental rights) pertains to parents, passing to ascendants only upon its termination or suspension, the obligation to provide legal support passes on to ascendants not only upon default of the parents but also for the latter’s inability to provide sufficient support. As we observed in another case raising the ancillary issue of an ascendant’s obligation to give support in light of the father’s sufficient means:


Professor Pineda is of the view that grandchildren cannot demand support directly from their grandparents if they have parents (ascendants of nearest degree) who are capable of supporting them. This is so because we have to follow the order of support under Art. 199. We agree with this view.x x x


x x x This inability of Edward and Cheryl to sufficiently provide for their children shifts a portion of their obligation to the ascendants in the nearest degree, both in the paternal (petitioners) and maternal lines, following the ordering in Article 199. To hold otherwise, and thus subscribe to petitioners’ theory, is to sanction the anomalous scenario of tolerating extreme material deprivation of children because of parental inability to give adequate support even if ascendants one degree removed are more than able to fill the void.


However, petitioners’ partial concurrent obligation extends only to their descendants as this word is commonly understood to refer to relatives, by blood of lower degree. As petitioners’ grandchildren by blood, only respondents Lester Edward, Candice Grace and Mariano III belong to this category. x x x”


Sa sitwasyon na iyong nabanggit, kung sadya na hindi nagbibigay ng sustento ang iyong ama sa kabila ng inyong paghingi nito at hindi rin sapat ang sahod ng inyong ina para sa pag-aaral ninyo ng iyong kapatid ay maaari kang humingi ng sustento mula sa iyong lolo at lola sa ama na mayroong matatag na negosyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 




 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 4, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung saan tila bawat butil ng bigas ay kasing halaga na ng ginto, isang malaking hakbang ang ginawa ng gobyerno na aprubahan ang pagpapalawig ng rice import ban hanggang sa katapusan ng 2025. 


Isang desisyong hindi lang tungkol sa ekonomiya kundi patunay na may malasakit pa rin ang pamahalaan sa mga magsasakang Pinoy. 


Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pag-apruba ng extension ng rice import ban, na mapatatag ang farmgate prices ng mga palay. 


Bagaman aminado ang Department of Agriculture (DA) na maliit lamang ang epekto ng import ban sa presyo at suplay ng bigas sa mga pamilihan, malaki naman ang maitutulong nito sa kita ng ating mga magsasaka. 


Dahil dito, nakikita ng gobyerno ang pangangailangang ipagpatuloy ang polisiya upang tuluyang mabigyan ng proteksyon ang lokal na produksyon laban sa murang imported na bigas. 


Kahapon, Nobyembre 3, ipinalabas na ang Executive Order bilang pormal na batayan ng pagpapalawig ng rice import suspension. 


Sa unang yugto ng suspensyon, pansamantalang tataas ang presyo ng palay ngunit unti-unting din namang babalik sa dati kapag malapit nang matapos ang ban. Kaya’t sa bagong desisyong ito, umaasa ang gobyerno na mas magtuluy-tuloy ang suporta sa mga lokal na magsasaka, kasabay ng programang “Sagip Saka” at pagtatakda ng floor price para sa palay. 


Tinataya naman ng DA na mananatiling sapat ang suplay ng bigas kahit pa ipagpatuloy ang naturang ban.


Paliwanag pa ng kagawaran, may 89 araw na buffer stock ng bigas sa pagtatapos ng taon, habang maaaring umabot pa ng 92 araw sa mas inaasahang pagtataya. Ibig sabihin, hindi mauubos ang bigas kahit pansamantalang isara ang pintuan sa imported grains. 


Ang desisyong ito ay hindi lamang polisiya sa agrikultura, isa itong pahayag ng ating paninindigan. Ito rin ay nangangahulugan ng pagtangkilik ng ating sariling ani mula sa mga nagsisikap na mga kababayang magsasaka. 


Ngunit, kung talagang nais nating tumagal ang epekto ng ganitong hakbang, dapat ding sabayan ito ng modernisasyon sa agrikultura, tamang irigasyon, at mas maayos na transportasyon ng mga aning pananim, upang masigurong hindi malalagay sa alanganin ang pinaghirapan ng mga magsasaka. 


Ang tunay na tagumpay ng rice import ban ay hindi lamang nasusukat sa presyo ng bigas kundi sa ngiti ng bawat magsasakang muling nakakahinga sa tamang presyo ng kanilang mga palay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 3, 2025



Fr. Robert Reyes



Nag-aaway noong isang araw ang dalawang aso ng aming kapitbahay. Malalaki ang mga aso, American Bully ang isa at Belgian Malinois naman ang pangalawa. 


Normal sa mga nag-aaway na aso ang magkagatan, na ganu’n ang nangyari. Pagkalipas ng ilang araw bigla na lang nanghina ang Belgian Malinois, hindi na makabangon.


Nawalan ng gana at dila nang dila sa kanyang isang hita. Nabahala ang aming kapitbahay at dinala sa vet ang aso. Tiningnan ng mga beterinaryo ang hitang dinidilaan. Nakita ang isang malalim na sugat mula sa kagat. Ginamot ito at nilinis ang loob ng sugat, lumabas ang maraming dugo at nana. Ni-laser pa ang mga ugat at litid na tinamaan ng ngipin ng asong nangagat. Maraming ininiksyon at iniresetang gamot.


Nang inuwi ang aso, nagulat na lang ang aming kapitbahay at biglang bumangon at naglakad ang aso. Parang milagro na walang nangyari. Salamat sa mga beterinaryong gumamot sa aso. 


Iba talaga ang ngipin. Mahusay sa pagkain, mahusay din sa labanan. Mahusay na panakot sa mga masasamang-loob.


Tila ito ang kulang sa ating bansa, ngipin. Ngipin sa mga batas at higit sa lahat ngipin sa pagpapatupad ng batas. 


Kung hindi pa nangyari ang iskadalo ng ‘ghost’ flood control projects at kumalat sa buong bansa, tuloy pa rin ang normal at walang problemang takbo ng buhay ng bawat mamamayan. Subalit, lumalabas at sadyang inilalabas na rin ng taumbayan ang kanilang ngipin at ipinamamalas ang talas at bangis ng mga ito sa mga pinaghihinalaang nagnanakaw sa kaban ng bayan. Ngipin sa mga senador na korup.


Ngipin sa mga kongresistang korup. Ngipin sa mga kawaning korup ng iba’t ibang ahensya tulad ng DPWH, DOH, DepEd at lahat ng sangay ng pamahalaan.


Biglang nagkangipin ang Ombudsman sa bagong pamumuno. Naalis ang dating Ombudsman na sadyang tinanggalan ng ngipin ang ahensyang pinamunuan nito sa ilalim ng nakaraang pangulo. Biglang nagkaroon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na unti-unting tinutubuan ng ngipin. Totoo, makikita kung sinu-sino ang may ngipin sa ating mga senador at ang mga tila unti-unting nalalagasan ng ngipin.


Nakatutuwa ang mga kilalang mamamayan na nagpapakita ng ngipin. Noong nagdiwang ng kanyang kaarawan si Kara David, nag-wish ito, “Sana mamatay ang lahat ng mga korap!!!” Siyempre nag-viral ang kanyang sinabi. 


Si Bishop Socrates Villegas naman na tila nagbibiro (nang totoo): “Sana bago ako mamatay, mauna na ang mga korap.” Nagdagdag pa ito sa ibang post niya, “Sana bago mag-Undas meron nang makulong na korap!” 


Hindi makakalimutan ng marami ang isinigaw ni Vice Ganda noong nakaraang rally noong Setyembre 21. Aniya,“Sa ngalan ng mga artistang kasama ko, mabuhay kayong mga ninakawan ng mga pulitikong korap. At sa inyo namang mga pulitiko na bahagi ng gobyerno na nagnakaw sa atin, nagnanakaw sa atin, mga nakatingin habang may nagnanakaw sa atin, mga kasama ng nagnanakaw sa atin, mga alam na may nagnanakaw pero hindi nagsasalita, kasama ng mga nagnanakaw, mga nagtatago ng nagnanakaw, isa lang ang gusto naming sabihin sa inyong lahat. Patawad kay Father pero, P… Ninyo! Tapos na ang panahon ng mga mababait at mga resilient. Ang mga mababait ay ginago. Ang mga resilient ay tinarantado…”


Sakit! Siguradong tumutusok, bumabaon, sumusugat at nagpapadugo ang mga salitang ito. Sa lahat ng mga unibersidad, paaralan, parokya at iba’t ibang grupo, samahan na kapag nagkaroon ng pagkakataon ay magtitipon upang sumigaw ng, “Ikulong na ‘yan, mga kurakot … Ikulong na ‘yan mga kurakot…”


Mahalaga ang ngipin sa paglaban sa kalaban at katiwalian. Ngunit kailangang samahan ito ng istraktura, sistema na susunod sa malinaw na batas at pamamaraang magtatanggol sa dangal ng bawat mamamayan, maging biktima man o kriminal.


Kailangan ang malinaw na pangarap, pananaw, pangitain tungo sa isang malaya, demokratiko, makatarungan, mapayapa at pantay-pantay na bansa.


Nasa Unibersidad ng Pilipinas tayo noong nakaraang linggo upang magmisa para sa isang kilalang manunulat na pumanaw. Kausap ko ang ilang mga propesor na naglalabas ng sama ng loob. “Pilipinas kay hirap kang mahalin.” Kung puwede lang umiyak at lumuha marahil ginawa na rin namin. Hindi lang nakagagalit kundi nakakaiyak na rin ang kalagayan ng ating bansa.


Ngipin at luha. Kapag nagsama ang dalawa, ano kaya ang mangyayari? Anupaman, ang mahalaga ay nagigising, namumulat at kumikilos ang karamihan. Nag-uusap na rin ang mga taong simbahan. Nagdarasal at nag-aalay ng sakripisyo para maging maayos at makabuluhan ang lahat ng ito. Sa huli, lahukan na rin natin ang pagsigaw, pagtangis at pagmartsa ng pagluhod. Maaari bang hindi marinig at makita ng Diyos ang paghihirap, galit, lungkot at pakiusap ng kanyang mga anak? 


Huwag kayong mag-alala Bishop Soc, Kara, Vice, at mga mahal na kababayan. Hindi bingi, hindi manhid, hindi natutulog ang Diyos.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page