top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | November 8, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nagbabanta ang Super Typhoon Uwan.

As usual, ganu’n-ganu’n pa rin.

Balewala ang preparasyon.

----$$$---

DAPAT natin maunawaan na normal ang pagdating ng malalakas na bagyo.

Maging ang sorpresang malalakas na lindol ay normal.

----$$$--

Ang geographical location ng Pilipinas ay normal na dinaraanan ng bagyo, tinatamaan ng lindol at pagputok ng bulkan.

Hindi bago ‘yun, kakambal na iyan ng kasaysayan ng Pilipinas at normal na sitwasyon batay sa mapa.

-----$$$--

ANG abnormalidad ay wala sa kalikasan, sapagkat ang mother nature — ay walang negatibo — lahat ng iyan ay positibo.

Bakit?

Ang nararanasan natin ay indikasyon na “buhay na buhay” ang planet earth.

----$$$--

TINGNAN ninyo ang mga astronomer, sabik na sabik na makatuklas ng tubig at mikrobyo sa ibang planeta.

Alam ba ninyo na kapag nakatuklas ang NASA ng planetang malalakas ang bagyo, ulan, lindol at pagsabog ng bulkan — ay maglulundag sila sa tuwa?

Opo, magsaya tayo dahil mayroon pang bagyo, ulan at lindol — dahil iyan mismo ang “ating buhay”.

----$$$--

ANG planeta ay tulad din ng pisikal na katawan ng tao — kailangan ang “tibok” ng puso at “kislot” ng utak.

Iyan mismo ang “buhay” — hindi iyan simbolo ng kamatayan!

----$$$--

TULAD sa pag-amin ng mga siyentista at astronomo — mangmang na mangmang pa sila sa naturalesa ng kalawakan.

Kahit naman sa naturalesa ng ating pisikal na katawan ay nananatiling “mangmang at kapos ng kaalaman” ang mga eksperto.

Napakaraming sakit na “hindi maunawaan” at “walang gamot”.

----$$$--

KAHINAAN ng utak, kawalan ng diskarte at kawalang galang sa kalikasan at kapwa tao — ang problema — hindi ang kilos o galaw ng kalikasan.

Halimbawa, maraming siyudad at mga gusali na itinayo sa “pampang” ng mga katubigan.

Kapag bumabalik at inaangkin ng “tubig ang sarili nilang kaharian” sa mga mababang elebasyon — na epekto ng gravity — sinisisi ng mga tao ang kalikasan.

Kapag malalakas ang ulan — ang tubig — ay hinihigop paibaba ng gravity — nasaan d’yan ang “abnormalidad”?

Iyan mismo ang normal — bababa, raragasa at babaha -- sa mababang lugar.

----$$$--

ANG “sinaunang bahay-kubo” ay isang elevated floor” ang disenyo.

Ito ay dahil alam ng mga sinaunang Pinoy na palaging bumabaha sa Pilipinas dahil kakambal ng lokasyon ay bagyo.

----$$$--

IMBES na ang architectural design ng likas na bahay sa Pilipinas ay “elevated floor”, kinopya ng mga akademisyan ang ‘aklat mula Europe’ — na “bungalow” — siyempre babaha.

Ang edukasyon sa Pilipinas ay impluwensiya ng “western” — Europe at America.

----$$$--

ANG mga nagdodoktorado — ay nagpupunta at nag-aaral ng kaalaman sa “western nation”, imbes sa sinaunang kasaysayan at karanasan sa kontinente ng Asia.

Ang mga sinaunang bahay — ay may “alahibe” — ito ay imbakan ng tubig-ulan — sa bawat malalaking bahay.

Nasaan ang alahibe, na dapat ay kasama sa “building code” -- lahat ng gusali ay may imbakan ng tubig sa kanilang gusali at sa kanilang bakuran.

Mali at lihis ang “edukasyon” sa Pilipinas — kinokopya nila ang ibang bansa, pero binabalewala ang kasaysayan.

----$$$--

Kailangan natin ang matatalinong kabataan na may likas na pagmamahal sa kulturang Pinoy — iyan ang susi sa mga problema.

Kailangan natin ang mga kabataang mulat sa lantay na ideolohiyang maka-sinaunang Pilipino.

----$$$--

LAOS, lipas, mangmang at mandarambong ang lider ng ating bansa at komunidad.

Kailangan natin ang mga modernong kabataan na may likas na pagmamahal sa bayan.

Sana ay may nakikinig, may nakakaunawa at may nagmamahal sa Inang Bayan!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 8, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Si Grace ay nakatatanda na kapatid ng aking kaibigan na si “A”. Nahaharap sa reklamo si Grace bunsod diumano ng pananaksak sa kanilang kapitbahay. Si Grace ay mayroong problema sa pag-iisip at iyon sana ang nais ni “A” na gamitin bilang depensa ng kanyang kapatid. Gulong-gulo na si “A” sapagkat mayroon diumano na nakapagsabi sa kanya na mapapawalang-sala si Grace dahil sa problema nito sa pag-iisip, ngunit mayroon ding nakapagsabi na kailangan na mapatunayan ang pagkasira ng isip ni Grace nang higit pa sa makatwirang pagdududa. Alin ba ang tama? Kakailanganin din ba nila ng medikal na eksperto na magsasabi na mayroong problema sa pag-iisip ni Grace? Sana ay matugunan ninyo ang katanungan na ito.


– Jestoni


Dear Jestoni,


Ang bawat tao na gumawa ng krimen at napatunayang may kriminal na responsibilidad ay maaaring maparusahan. Ang parusa ay maaaring pagbabayad-pinsala at danyos, multa, at/o pagkakakulong sa piitan. 


Ganoon pa man, mayroong mga sirkumstansya na kinikilala sa ilalim ng ating batas na maaaring magsilbing dahilan upang hindi patawan ng kriminal na responsibilidad ang inaakusahan. Ang isa rito ay ang pagkasira o kawalan ng tamang pag-iisip o insanity ng tao na inaakusahan ng krimen. Nakasaad sa Artikulo 12 ng Revised Penal Code of the Philippines:


“Art. 12. Circumstances Which Exempt from Criminal Liability. -- The following are exempt from criminal liability:

  1. An imbecile or an insane person, unless the latter has acted during a lucid interval.


When the imbecile or an insane person has committed an act which the law defines as a felony (delito), the court shall order his confinement in one of the hospitals or asylums established for persons thus afflicted, which he shall not be permitted to leave without first obtaining the permission of the same court.

x x x” 


Nais naming bigyang-diin na ang akusado na naninindigan sa insanity, bilang kanyang depensa, ay inaamin at inaako ang krimen na ibinibintang sa kanya ngunit iginigiit na siya ay wala sa tamang pag-iisip o may sira sa pag-iisip nang maganap ang krimen kung kaya’t siya ay dapat na ipawalang-sala.


Binigyang-linaw din ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong People of the Philippines vs. Lito Paña y Inandan (G.R. No. 214444, November 17, 2020), sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na kinakailangan na mapatunayan na: (1) mayroon nang pagkasira ng isip ang akusado nang maganap ang krimen; (2) ang kanyang kondisyon ay medikal na napatunayan; at (3) epekto ng kanyang kondisyon ang kawalan niya ng kakayahan na pahalagahan ang kamalian ng kanyang ginawa. Bagaman ang medikal na eksperto ay hindi ganap na kailangan, malaki ang maitutulong ng kanilang testimonya sa pagtiyak na nagawa ng akusado ang krimen bunsod ng pagkasira ng kanyang pag-iisip:


“We now use a three-way test: first, insanity must be present at the time of the commission of the crime; second, insanity, which is the primary cause of the criminal act, must be medically proven; and third, the effect of the insanity is the inability to appreciate the nature and quality or wrongfulness of the act. x x x


It is highly crucial for the defense to present an expert who can testify on the mental state of the accused. While testimonies from medical experts are not absolutely indispensable in insanity defense cases, their observation of the accused are more accurate and authoritative. Expert testimonies enable courts to verify if the behavior of the accused indeed resulted from a mental disease.” (Id)


Kaugnay nito, makatutulong sa depensa ni Grace kung mayroong medikal na eksperto na maaaring tumestigo para sa kanya upang mapatunayan ang kanyang problema sa pag-iisip, na ito ay taglay na niya noong naganap ang insidente ng pananaksak, at ang kanyang kondisyon ang dahilan ng kawalan niya ng kakayahan na maunawaan ang kamalian ng kanyang ginawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 8, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung saan ang mga guro ay nagsisilbing ilaw ng mga kabataan, maging sila ay nagnanais din ng pagbabago sa matagal nang tila bulok na sistema sa edukasyon.


Hindi ito simpleng hinaing, ito’y sigaw ng mga indibidwal na araw-araw humaharap sa kakulangan, sa mga sira-sirang klasrum, at sa mga estudyanteng unti-unting nawawalan ng pag-asa dahil sa kahirapan. 


Kamakailan, inanunsyo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines ang planong sit-down strike sa katapusan ng Nobyembre, kasabay ng anti-corruption protest sa Nobyembre 30. Hindi ito basta protesta lamang, sumisimbolo ito ng matagal nang pananahimik ng mga guro na ngayo’y sawa na sa hindi magandang sistema. 


Naging mitsa ng tila galit ng mga guro ang inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS). Ayon dito, isa sa apat na Pinoy na may edad 10 pataas ay hindi marunong ng batayang kasanayan sa pagbabasa, pagsusulat, at pag-unawa — katumbas ng 24.8 milyong Pinoy na itinuturing na “functionally illiterate.” 


Para sa ACT, hindi lamang ito numero, kundi patunay ng dekadang kapabayaan at kakulangan ng pondo sa sektor ng edukasyon. Hindi rin biro ang kanilang mga obserbasyon, lantad ang nagsisiksikan na mga silid-aralan, sirang pasilidad, kulang na materyales, at sahod na hindi sapat sa pang-araw-araw na gastusin. 


Habang ang mga guro’y nagpapakahirap magturo, ang mga pondo naman ay nilalamon ng katiwalian. 


Ayon kay ACT chairperson Ruby Bernardo, hindi guro o estudyante ang may sala, kundi isang sistemang pinalulubha ng maling palakad. 


Gayunman, hindi kailanman mauubos ang pag-asa ng mga guro, pero hindi rin dapat

abusuhin ang kanilang pagtitiis. Ang pagkilos nila ay hindi laban, kundi panawagan. Panawagan para sa karapatang marinig, maramdaman, at pahalagahan sa lipunang madalas nakakalimot sa tunay na halaga ng edukasyon. 


Sa bawat chalk na nagagamit, sa bawat blackboard na napupuno ng alikabok, naroon ang sakripisyo ng mga guro. At sa pagtindig ng mga guro ngayong Nobyembre, naroon din ang panibagong simula ng pagbangon sa sistemang tila nalulubog sa katiwalian. 

Ang edukasyon ay pundasyon ng bansa, subalit paano ito tatayo kung mismong pundasyon ay nilulumpo ng korupsiyon? 


Kung nais talaga nating maresolbahan ang krisis sa edukasyon, dapat maglaan ng sapat na pondo para tugunan ang kakulangan, magkaroon ng disente at karapat-dapat na sahod para sa mga guro at kawani, isaayos ang kurikulum at tiyaking magsisilbi ito bilang tunay na pangangailangan ng ating bansa, parusahan ang lahat ng sangkot sa katiwalian mula sa pinakamatataas na opisyal, at higit sa lahat baguhin ang sistemang matagal nang dahilan ng kapabayaan sa edukasyon.


Ang laban ng mga guro ay laban ng bawat Pinoy na naniniwalang ang magandang kinabukasan ay nagsisimula sa silid-aralan. Gayundin, sa kinauukulan, oras na para tutukan hindi lang ang mga proyekto, kundi ang mismong mga nagtuturo sa ating mga kabataan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page