top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Malinaw na nakasaad sa Social Security System (SSS) Circular No. 2019-009 o mas kilala sa tawag na “Guidelines on the payment of Maternity Benefit,” ang mga sumusunod:


“Section 12. Liability of the Employer. – The Employer shall pay to the SSS damages equivalent to the benefits which said female employed member would otherwise been entitled to in any of the following instances:


i. Failure of Employer to remit to SSS the required contributions for the female employed member; x x x.” 


Ang karapatan ng isang babaeng empleyado na matamasa ang kanyang maternity benefits ay nakapaloob sa batas na dapat na sundin ng ating mga employer. Kaugnay nito, sinabi sa Seksyon 12 ng nabanggit na panuntunan na mananagot ang isang employer sa SSS ng danyos katumbas ng benepisyo na dapat sana ay matatamasa ng babaeng empleyado kung hindi sana pumalya sa pagbabayad o pag-remit ang nasabing employer sa SSS ng mga kinaltas nitong kontribusyon.


Bukod pa sa nabanggit, maaaring pagmultahin, makulong at makasuhan ng krimeng Estafa ang isang employer na nagkaltas ngunit hindi nag-remit sa SSS ng kontribusyon. Ito ay alinsunod sa Seksyon 7 at Seksyon 10, Rule 46 ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act (R.A.) No. 11199 o mas kilala sa tawag na The Social Security Act of 2018 kung saan isinasaad na:


“SEC 7. Failure or Refusal to Deduct and Remit Contributions. – Whoever fails or refuses to deduct contributions from the compensation of one’s employee/s, or from his/her income, in the case of the covered SE, and to remit the same to the SSS, shall be punished by a fine of not less than five thousand pesos (P5,000.00) nor more than twenty thousand pesos (P20,000.00) and imprisonment for not less than six (6) years and one (1) day nor more than twelve (12) years. [Sec 28, (e), 2nd sentence]


SEC 10. Employer’s Misappropriation of Contributions or Loan Amortizations of Its Employees. – Any employer who, after deducting the monthly contributions or loan amortizations from his/her employee's compensation, fails to remit the said deduction to the SSS within thirty (30) days from the date they became due, shall be presumed to have misappropriated such contributions or loan amortizations and shall suffer the penalties provided for Swindling or Estafa under Article three hundred fifteen (315) of the Revised Penal Code.”


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 9, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOTOO SANA NA MAY BLUE NOTICE NA ANG INTERPOL KAY ZALDY CO, GUSTUNG-GUSTO NA TALAGA NG TAUMBAYAN NA MAHULI NA SIYA AT MAKULONG -- Inanunsyo ni Usec. Jesse Andres ng Dept. of Justice (DOJ) na may “blue notice” na raw ang Interpol laban kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ibig sabihin ay tinutunton na raw ang kinaroroonan o pinagtataguan ng former congressman sa ibang bansa.


Sana totoo ang inanunsyo na iyan ni Usec. Andres para kapag may warrant of arrest na ay madali nang matitimbog si Zaldy Co kasi sa totoo lang, isa ang former congressman na ito na gustung-gusto ng taumbayan na makulong dahil sa kinasangkutan nitong sangkatutak na flood control projects scam sa buong bansa, boom!


XXX


SEN. DELA ROSA, PROTEKTADO NI TITO SEN SA LOOB NG SENADO, PERO SA LABAS WALA NANG PAKI SA KANYA ANG SENATE PRESIDENT -- Matapos ianunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may inilabas nang warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa, na dating Philippine National Police (PNP) chief, ay agad nagpalabas ng statement si Senate Pres. Tito Sotto na walang sinuman ang puwedeng umaresto sa senador habang nasa loob ito ng Senado.


Sa tema ng salita ni Tito Sen ay kung sa labas ng Senado dadakpin si Sen. Dela Rosa, ibig sabihin ay wala siyang paki, at dahil diyan para iwas-aresto at makulong sa ICC jail, malamang sa loob na ng Senado siya maninirahan dahil nga protektado siya rito, period!


XXX


‘DI DAPAT MAGPAKAMPANTE SI SEN. DELA ROSA KAHIT PA SINABI NG ICC SPOKESMAN NA WALA PANG WARRANT OF ARREST DAHIL BAKA MABULAGA NA MAY UMAARESTO NA SA KANYA SA ‘PINAS -- Pinabulaanan naman ni Dr. Fadi El Abdallah, spokesman ng ICC ang kumalat na balita sa Pilipinas na may warrant of arrest na si Sen. Dela Rosa kaugnay sa kasong crimes against humanity na kahalintulad ng kasong kinakaharap ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).


Bagama’t may ganyang statement na ang spokesman ng ICC ay huwag pa rin pakatiwala si Sen. Dela Rosa dahil baka bigla siyang mabulaga na inaaresto na siya ng Interpol sa ‘Pinas sa tulong ng mga Pinoy law enforcers, boom!


XXX


WEAK LEADER YATANG TALAGA SI PBBM, KUNG IBANG PRESIDENTE ANG GINAGAWAN NI BARZAGA NG MGA MATITINDING ATAKE SA SOCIAL MEDIA MALAMANG NAKASUHAN AT NAKAKULONG NA ANG KONGRESISTANG ITO -- Bukod sa mga matitinding atake ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa social media, kabilang sa mga post na diretsahang inaakusahan ang Pangulo na ‘magnanakaw’, ay may mga post din ito na nananawagan sa militar na alisin na ang suporta kay PBBM, patalsikin na ito sa puwesto.


Dahil sa kawalan ng aksyon ni PBBM sa mga atakeng ito sa kanya ni Barzaga ay lumalabas ngayon na parang totoo ang sinabi ni FPRRD noon na weak leader siya.

Sa totoo lang kasi, kung ibang presidente ang ginawan ng ganyang uri ng mga atake, malamang natadtad na ng kaso at nakakulong na si Barzaga, period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 8, 2025



Boses by Ryan Sison


Hindi lang dapat sa kasagsagan ng bagyo naalarma ang gobyerno at mamamayan para kumilos, kailangang bago pa man dumating ang anumang sakuna ay handa na tayo. 

Sa ating bansa na sanay na umano sa mga bagyo, bakit bawat unos na bumabayo ay parang hindi pa rin tayo natututo? 


Habang papalapit ang Tropical Storm Fung-Wong o Bagyong Uwan na inaasahang magiging super typhoon, muling sinusubok ang disiplina, kahandaan, at malasakit ng bawat lokal na pamahalaan. 


Kaya naman inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga local government units (LGUs) na agad tapusin ang preemptive evacuation ng mga residenteng nasa high-risk areas, bago pa mag-Linggo, Nobyembre 9. Isang hakbang na pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang tiyaking hindi mauulit ang mga trahedyang kumitil ng mga buhay at sumira ng mga kabuhayan. 


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon, ang Bagyong Uwan ay nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit mabilis na lumalakas. Sa mga susunod na oras anila, maaaring umabot ito sa super typhoon category, na posibleng mag-landfall sa Northern o Central Luzon sa Nobyembre 10. May banta rin ng malalakas na ulan, landslide, storm surge, at coastal flooding — isang senaryong pamilyar ngunit laging nakakapanindig-balahibo. 


Batay sa DILG, nakatuon ang kanilang pansin sa tatlong “K” (Kahandaan, Koordinasyon, at Kaligtasan), kung saan inaatasan nila ang mga LGUs na maghanda ng evacuation centers na may sapat na pagkain, kuryente, at tulugan, at tiyaking maayos ang pamamahala sa mga evacuees. Gayundin, dapat manatili ang kanilang koordinasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils (RDRRMCs).


Ipapatupad din anang ahensya, ang no-sailing policy, kanselasyon ng outdoor at tourism activities, habang kailangang tiyaking maayos ang mga daan upang walang maging hadlang para sa mga emergency at relief operations.


Sinabi pa ng DILG, hindi tayo dapat magpakampante dahil ang susunod na 48 oras ang pinakamahalaga, malinaw na paalala na ang kaligtasan ay hindi dapat isugal bagkus iprayoridad ito.  


Malaki ang papel ng pagiging handa tuwing may paparating na bagyo o anumang kalamidad. Kasabay pa nito ang taimtim nating pakikinig sa mga anunsyo mula sa mga kaukulang ahensya tulad ng signal warnings at iba pang paalala ng pag-iingat.  Napakahalaga rin ng pagsunod natin sakaling ipatupad na ang preemptive evacuation ng mga lider ng lokal na pamahalaan. 


Kapag bawat LGU ay maagap, bawat lider ay handa, at ang mga mamamayan ay nakikinig, ang pinsalang dulot ng anumang unos ay magiging aral lamang, at hindi trahedya. 


Ang kaligtasan ay dapat pinahahalagahan. Ito’y kolektibong responsibilidad, kung saan ang mamamayan ay sumusunod sa kinauukulan, habang ang gobyerno ay nireresolbahan ang anumang kahinaan ng sistema tulad ng kakulangan sa evacuation centers, mabagal na relief response, at kawalan ng koordinasyon. Sa ganitong paraan, mapipigilan natin ang mas matinding pinsala na maidudulot nito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page