- BULGAR
- Dec 29, 2025
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 29, 2025

SA HAWAK NI CONG LEVISTE NA 'CABRAL FILES' KUWESTIYONABLE KASI PATI NAMATAY NA NOONG YEAR 2022, NAKAPAG-INSERT PA RAW SA 2025 NATIONAL BUDGET – May sablay na naman sa ibinibida ni Batangas 1st Dist. Rep. Leandro Leviste na "Cabral Files"—mga dokumento ni yumaong former DPWH Usec. Ma. Catalina Cabral—patungkol sa mga kongresistang may insertions o singit na pondong pang-projects sa National Expenditures Program (NEP). Kasama raw dito ang pangalan ni Camarines 2nd Dist. Rep. Marisol "Toots" Panotes, na sinasabing nagsingit ng higit P6 billion na proyekto sa 2025 national budget, gayong yumao na siya noong April 29, 2022.
Mantakin ninyo: ang congresswoman na namatay pa noong 2022 ay pinalalabas ngayon sa "Cabral Files" ni Cong. Leviste na nakapag-insert pa ng P6-B sa 2025 national budget.
Dahil dito, lumalabas na gawa-gawa lang ni Cong. Leviste ang hawak niyang "Cabral Files." At kung sakali mang totoo ang dokumentong iyon, walang dudang "dinoktor" niya ito—dahil napakaimposible na ang isang taong matagal nang patay ay makapag-insert pa ng proyekto sa 2025 national budget. Boom!
XXX
SANGKATUTAK NA HIDDEN WEALTH NI CONG. ERIC YAP, DAPAT HABULIN NG MARCOS ADMIN – Sa interview kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sinabi niya na bukod sa Ion Hotel, marami pang ari-arian si Benguet Rep., dating ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap, sa lungsod na hindi nakapangalan sa kongresista.
Si Cong. Eric Yap ay isa sa mga lawmakers na nasasangkot sa katiwalian sa flood control scandal. Sa katunayan, ipina-freeze na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank accounts, air assets, at ibang ari-arian ng kongresista. Ngunit kung totoo ang sinabi ni Mayor Magalong, lumalabas na hindi pala lahat ng yaman ni Cong. Yap ay na-freeze, dahil marami pa raw ang hidden wealth nito na hindi nakapangalan sa kanya.
Dapat makipag-ugnayan agad ang Marcos administration kay Mayor Magalong upang pati ang mga hidden wealth ni Cong. Eric Yap ay ma-freeze at mabawi ng gobyerno. Period!
XXX
KAPAG WALANG NAKULONG NA CORRUPT POLITICIANS NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, 'WA WENTA' ANG KAMPANYA NI PBBM KONTRA-KORUPSIYON – Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez, sa susunod na taon o 2026, marami na raw sa mga sangkot sa flood control scandal ang makakasuhan at makukulong.
Sa kasalukuyan, ang mga nakakulong pa lang sa kasong malversation of public funds, bribery, at graft ay ang kontratistang si Sarah Discaya, ang pamangkin niyang si Roma Angeline Rimando, at ilang DPWH engineers.
Ngunit kung sa susunod na taon ay kontratista at mga DPWH engineers lamang ang maidadagdag na maipapakulong ng Marcos administration, at walang kahit isang kurakot na politiko na mapaparusahan, isa lang ang ibig sabihin nito: “wa wenta” ang kampanya ni PBBM kontra-korupsiyon. Boom!
XXX
KAYA NAG-RESIGN SINA ENGR. SINGSON AT CPA FAJARDO KASI ICI, WALA RAW POWER, KAPOS SA PONDO AT NASISIRA PA PAGKATAO NILA SA CLOSED-DOOR HEARING – Matapos mag-resign si Engr. Rogelio Singson bilang commissioner ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), nag-resign na rin bilang komisyoner si CPA Rossana Fajardo.
Hindi naman masisisi sina Singson at Fajardo sa kanilang pag-alis sa ICI, dahil bukod sa limitado ang kanilang kapangyarihan at kulang sa pondo, kabilang pa sila sa mga nababatikos ng publiko dahil sa ipinairal ni ICI Chairman, dating Justice Andres Reyes, na closed-door investigation sa mga sangkot sa flood control scandal. Boom!






