top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | December 29, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Papasok na ang taong 2026, at sinalubong ito ng malagim na pagyao ni ex-DPWH Usec. Cathy Cabral.

Bad omen.


-----$$$--

DAPAT nating maunawaan na ang 2026 ay buwelo mismo sa 2027—ang aktuwal na kampanyahan para sa 2028 presidential election.

Ibig sabihin, sasakyan na ang lahat ng isyu ng mga nagpapantasya na makaupo sa Malacañang.


----$$$--


WALANG  duda, hindi matatapos ang kaliwa’t kanang isyu sa flood control projects, insertion sa budget, at ang misteryosong pagpanaw ni Cabral.

Tama, sasawsaw d’yan ang mga “presidentiable kuno”. 


-----$$$--

MARAMI ang namangha sa gitna ng masalimuot na isyu ay biglang sumungaw ang ulat na pumuporma mismo si DILG Secretary Jonvic Remulla para sa 2028 election.

Kaya pala pilit ginigiba si Chiz.

Sa isang interview sa ANC, sinabi ni Jonvic na pinag-iisipan niya ang pagtakbo sa pagka-Pangulo sa susunod na eleksyon.

He-he-he!


-----$$$--

Hindi malinaw pero may mga nagsasabing mistulang “litmus paper” ang mga sitwasyon para sa lihim na ambisyon ng kapatid ni Ombudsman Boying Remulla.

Kumbaga, tinatantiya at binabarometro lamang ang damdamin at reaksyon ng publiko.

Walang masama, libre naman ang mangarap, magpantasya at magmaniobra nang lihim.


-----$$$--

SA naturang panayam, kinaladkad pa ni Jonvic ang pangalan ni Sen. Chiz Escudero bilang isang posibleng kandidato.

Kumbaga, nasisilip nito na ang posibleng makabangga niya ay ang mister ni Heart Evangelista.

Merong ganun?


-----$$$--

KUMBAGA sa epektos, branded na kasi ang pangalan ni Chiz kaya rito siya sumasakay.

Itinuturing ba ni Jonvic na threat si Chiz o gusto lang talaga niyang wasakin ang reputasyon ng senador?


-----$$$---

MASELAN ang sitwasyon dahil mabibisto nang hindi sinasadya ang malisya o motibo kung bakit ibinabaon ni Boying si Chiz sa isyu ng insertion.

Nilinaw ng ICI na hearsay lang ang mga akusasyon kontra kay Chiz pero nagpupursige pa rin si Boying na maghagilap pa ng mga ebidensiya.


----$$$--

Ang maniobra ng Remulla Brothers ay hindi nalalayo sa diskarte ni ex-Speaker Martin Romualdez laban kay VP Sara.

Pero, malinaw na nag-boomerang ang naturang taktika—napahamak ang ex-speaker at nanatili pa ring popular ang tagapagmana ni Digong.


-----$$$--

PURDOY ang tangkang impeachment kontra kay VP Sara na kinatigan pa ng Korte Suprema.

Ganyan din ang nangyari, nanindigan ang ICI para kay Chiz pero dinededma lang ito ng Ombudsman.


-----$$$--

BAKIT ayaw tugisin o hanapan ng matitibay na ebidensiya ng Ombudsman  si Romualdez?

Kahit ang ICI at DPWH ay nagsasabi na may ebidensiya sila kontra sa dating speaker.


-----$$$--

SA totoo lang, dapat ay maging patas, independent at walang pinapanigan ang Ombudsman partikular sa isyu ng insertion at flood control projects.

At kung magagawa ni Boying ‘yan, d’yan pa lamang niya matutulungan ang kanyang kapatid sa personal nitong ambisyon imbes sa pagsira sa mga kalaban sa pulitika.

Entiendes?




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 29, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mayroon kaming empleyado na napatawan ng “suspension” dahil sa ilang ulit na pagliban sa trabaho nang walang abiso o pahintulot. Matapos ang kanyang pagkakasuspinde, muli namin siyang binigyan ng abiso upang magpaliwanag dahil sa kanyang muling pagliban sa trabaho ng isang linggo nang walang abiso o pahintulot. Makalipas ang ilang araw, pumunta siya sa opisina at personal na isinumite ang kanyang resignation letter.


Kami ay nabigla sapagkat nagsampa siya ng reklamo para sa constructive dismissal, na iginigiit na ang kanyang pagkatanggal sa trabaho ay hindi boluntaryo, ngunit resulta ng sapilitang pagbibitiw na nagmumula sa panliligalig at kahihiyan na ginawa diumano ng kumpanya sa kanya. Makatwiran ba ito? —- Leera



Dear Leera,


Binibigyang-diin ng ating Korte Suprema na ang patakarang konstitusyonal na magbigay ng ganap na proteksyon sa paggawa ay hindi dapat maging tabak para apihin ang employer. Sa katunayan, ang pangako sa layunin ng paggawa ay hindi pumipigil sa atin na suportahan ang employer kapag ito ay nasa tama.


Tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema, sa kasong Arvin A. Pascual vs. Sitel Philippines Corporation, et al., G.R. No. 240484, 09 Marso 2020, sa panulat ni Honorable Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, na ang mga aksyon ng empleyado bago at pagkatapos ng diumano ay pagbibitiw ay dapat isaalang-alang sa pagtukoy kung ang naturang empleyado ay tunay na naglalayon na wakasan ang kanyang trabaho:


“To emphasize, the intent to relinquish must concur with the overt act of relinquishment. The acts of the employee before and after the alleged resignation must be considered in determining whether the employee concerned, in fact, intended to terminate his employment. In illegal dismissal cases, it is a fundamental rule that when an employer interposes the defense of resignation, on him necessarily rests the burden to prove that the employee indeed voluntarily resigned.


Since petitioner submitted his resignation letter on several occasions, it is incumbent upon him to prove with clear, positive, and convincing evidence that his resignation was not voluntary, but was actually a case of constructive dismissal or that it is a product of coercion or intimidation. He has to prove his allegations with particularity.


In Pascua v. Bank Wise, Inc., the Court held that an unconditional and categorical letter of resignation cannot be considered indicative of constructive dismissal if it is submitted by an employee fully aware of its effects and implications. 


Here, contrary to petitioner’s assertions, Sitel aptly established that petitioner’s e-mails and resignation letter showed the voluntariness of his separation from the company. In petitioner's case, the facts show that the resignation letter is grounded in petitioner's desire to leave the company as opposed to any deceitful machination or coercion on the part of Sitel. His subsequent and contemporaneous actions belie the claim that petitioner was subjected to harassment by Site”


Batay sa kasong nabanggit, sa illegal dismissal cases at sa pagtugon sa depensa ng pagbibitiw, pasanin ng employer na patunayan na kusang-loob na nagbitiw ang empleyado sa kanyang trabaho. Kaugnay nito, gaya ng talakayan sa itaas, ang isang walang kondisyon at malinaw na sulat ng pagbibitiw ay hindi maituturing na nagpapahiwatig ng constructive dismissal kung ito ay isinumite ng isang empleyado na lubos niyang alam ang mga epekto at implikasyon nito.


Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 29, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA HAWAK NI CONG LEVISTE NA 'CABRAL FILES' KUWESTIYONABLE KASI PATI NAMATAY NA NOONG YEAR 2022, NAKAPAG-INSERT PA  RAW SA 2025 NATIONAL BUDGET – May sablay na naman sa ibinibida ni Batangas 1st Dist. Rep. Leandro Leviste na "Cabral Files"—mga dokumento ni yumaong former DPWH Usec. Ma. Catalina Cabral—patungkol sa mga kongresistang may insertions o singit na pondong pang-projects sa National Expenditures Program (NEP). Kasama raw dito ang pangalan ni Camarines 2nd Dist. Rep. Marisol "Toots" Panotes, na sinasabing nagsingit ng higit P6 billion na proyekto sa 2025 national budget, gayong yumao na siya noong April 29, 2022.

Mantakin ninyo: ang congresswoman na namatay pa noong 2022 ay pinalalabas ngayon sa "Cabral Files" ni Cong. Leviste na nakapag-insert pa ng P6-B sa 2025 national budget.


Dahil dito, lumalabas na gawa-gawa lang ni Cong. Leviste ang hawak niyang "Cabral Files." At kung sakali mang totoo ang dokumentong iyon, walang dudang "dinoktor" niya ito—dahil napakaimposible na ang isang taong matagal nang patay ay makapag-insert pa ng proyekto sa 2025 national budget. Boom!


XXX


SANGKATUTAK NA HIDDEN WEALTH NI CONG. ERIC YAP, DAPAT HABULIN NG MARCOS ADMIN – Sa interview kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, sinabi niya na bukod sa Ion Hotel, marami pang ari-arian si Benguet Rep., dating ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap, sa lungsod na hindi nakapangalan sa kongresista.


Si Cong. Eric Yap ay isa sa mga lawmakers na nasasangkot sa katiwalian sa flood control scandal. Sa katunayan, ipina-freeze na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank accounts, air assets, at ibang ari-arian ng kongresista. Ngunit kung totoo ang sinabi ni Mayor Magalong, lumalabas na hindi pala lahat ng yaman ni Cong. Yap ay na-freeze, dahil marami pa raw ang hidden wealth nito na hindi nakapangalan sa kanya.

Dapat makipag-ugnayan agad ang Marcos administration kay Mayor Magalong upang pati ang mga hidden wealth ni Cong. Eric Yap ay ma-freeze at mabawi ng gobyerno. Period!


XXX


KAPAG WALANG NAKULONG NA CORRUPT POLITICIANS NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, 'WA WENTA' ANG KAMPANYA NI PBBM KONTRA-KORUPSIYON – Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez, sa susunod na taon o 2026, marami na raw sa mga sangkot sa flood control scandal ang makakasuhan at makukulong.


Sa kasalukuyan, ang mga nakakulong pa lang sa kasong malversation of public funds, bribery, at graft ay ang kontratistang si Sarah Discaya, ang pamangkin niyang si Roma Angeline Rimando, at ilang DPWH engineers.


Ngunit kung sa susunod na taon ay kontratista at mga DPWH engineers lamang ang maidadagdag na maipapakulong ng Marcos administration, at walang kahit isang kurakot na politiko na mapaparusahan, isa lang ang ibig sabihin nito: “wa wenta” ang kampanya ni PBBM kontra-korupsiyon. Boom!


XXX


KAYA NAG-RESIGN SINA ENGR. SINGSON AT CPA FAJARDO KASI ICI, WALA RAW POWER, KAPOS SA PONDO AT NASISIRA PA PAGKATAO NILA SA CLOSED-DOOR HEARING – Matapos mag-resign si Engr. Rogelio Singson bilang commissioner ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), nag-resign na rin bilang komisyoner si CPA Rossana Fajardo.


Hindi naman masisisi sina Singson at Fajardo sa kanilang pag-alis sa ICI, dahil bukod sa limitado ang kanilang kapangyarihan at kulang sa pondo, kabilang pa sila sa mga nababatikos ng publiko dahil sa ipinairal ni ICI Chairman, dating Justice Andres Reyes, na closed-door investigation sa mga sangkot sa flood control scandal. Boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page