ni Anthony E. Servinio @Sports | January 27, 2023

Pinatagal ng World Champion Golden State Warriors ang pagpalabas kay Stephen Curry at malusutan ang 122-120 panalo sa bisitang Memphis Grizzlies sa pagpapatuloy ng NBA Rivals Week kahapon sa Chase Center. Sinalubong ng Los Angeles Lakers ang pagbabalik-aksiyon ni Anthony Davis sa 113-104 panalo sa bisitang San Antonio Spurs.
Nahanap ni Donte DiVincenzo ang libre sa ilalim na si Jordan Poole para sa nagpapanalong puntos na may 2.4 segundo sa orasan. Bago noon ay itinabla ng Memphis ang laro sa 120-120 sa dunk ni Brandon Clarke.
Nagdabog si Curry matapos magmintis ang tres ni Poole at itinapon sa sahig ang kanyang mouthpiece na may 1:14 nalalabi sa laro at lamang ang Warriors, 116-114, sapat upang palabasin sa laro. Humabol ang Golden State mula sa 99-109 sa huling anim na minuto para pumantay sa 24-24 panalo-talo at itapal ang ika-apat na sunod ng Memphis at kartadang 31-17.
Kahit hindi tinapos ang laro ay gumawa pa rin ng 34 puntos si Curry. Sinuportahan siya nina Klay Thompson na may 24 at bayani Poole na may 21 puntos.
Huling naglaro si Davis noong Disyembre 16 at lumiban ng 20 laro bunga ng pilay sa paa. Hindi siya nag-aksaya ng panahon at agad namuno sa atake sa kanyang 21 puntos at 12 rebound habang nabitin ng isang rebound si LeBron James para sana triple double na 20 puntos, 9 na rebound at 11 assist.
Umagaw ng eksena si Damian Lillard at nagsabog ng 60 puntos sa 134-124 tagumpay ng Portland Trail Blazers sa Utah Jazz. Kulang ito ng isang puntos upang tumbasan ang 61 na kanyang ginawa noong Enero 20, 2020 kontra sa Warriors.



