ni Anthony E. Servinio @Sports | February 12, 2023

Wala pa ang kanilang bagong kakampi na si Russell Westbrook subalit nagawa ng Utah Jazz na maukit ang 122-116 tagumpay sa Toronto Raptors sa NBA kahapon sa Scotiabank Arena. Nanatiling numero uno sa liga ang Boston Celtics, 127-116, kontra sa Charlotte Hornets at naging unang koponan na may 40 panalo.
Binura ng Jazz ang 111-98 lamang ng Raptors sa huling 5 minuto hanggang tuluyang maagaw ang abante sa three-point play ni Lauri Markkanen pagsapit ng last 2 minutes, 115-114.
Humugot ang Utah ng tig-23 puntos mula kay Markkanen at Walker Kessler habang 22 si Collin Sexton bilang kapalit ng lumiban na si Jordan Clarkson dahil may karamdaman at Westbrook na malakas ang usapan na hindi na maglalaro at bibilhin ang kanyang kontrata upang makabalik sa Los Angeles pero sa panig ng Clippers.
Pinalakas ang Celtics nina Jayson Tatum na may 41 puntos at Derrick White na may 33 puntos at 10 assist. Hindi naglaro si Jaylen Brown dahil nabasag ang buto sa mukha noong isang araw laban sa Philadelphia 76ers subalit hindi siya kailangang operahan.
Ang humahabol na Milwaukee Bucks ang pinakamainit na koponan sa liga ngayon at dinurog ang Clippers, 119-106, para kanilang ika-10 sunod na panalo at kartadang 39-17. Namuno si Giannis Antetokoumpo na may 35 puntos sa 30 minuto lang.
Samantala, itinalaga bilang mga All-Star sina Pascal Siakam ng Toronto Raptors, De’Aaron Fox ng Sacramento Kings at Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves na kapalit ng mga pilay na sina Kevin Durant, Stephen Curry at Zion Williamson. Aakyat sa First Five ang mga naunang ipinangalan na reserbang sina Markannen, Joel Embiid at Ja Morant sa taunang laro sa Pebrero 20.



