top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2024



Sports Photo

Laro ngayong Martes – TD Garden

8:30 AM Dallas vs. Boston 


Hindi na kailangang tumingin sa malayo ang Boston Celtics at Dallas Mavericks sa kanilang kinalalagyan papasok ng Game 5 ng 2024 NBA Finals ngayong Martes sa TD Garden simula 8:30 ng umaga. Panalo lang ang kailangan ng Celtics upang itahi ang kanilang ika-18 na World Championship habang agaw-buhay ang Mavs na layunin maging unang NBA koponan na makaahon mula sa 0-3 sa seryeng best-of-seven. 


Noong nakaraang taon, nasa kabilang banda ang Boston at nalugmok sila ng 0-3 sa Eastern Conference Finals laban sa Miami Heat. Nagawang itabla ng Celtics ang serye sa 3-3 subalit nabitin sa Game Seven sa TD, 84-103. Sa panig ng Dallas, umarangkada sila ng 3-0 kontra sa Portland Trail Blazers sa Round 1 ng 2003 Playoffs. Bumangon ng Blazers at ipinilit ang Game 7 kung saan nanaig ang Mavs at maiwasang mapahiya sa sariling tahanan, 107-95.


Balik-2024 at determinado ang Boston na makaganti mula sa 122-84 tambakan na itinapal sa kanila noong Game 4 na pumutol din sa kanilang 10 sunod na tagumpay.  Mas malaking papel ang aasahan mula kay Jaylen Brown (20.8) at Jayson Tatum (20.0) na kahit nalimitahan ang opensa ay mataas pa rin ang kanilang numero sa serye. 


Mahalaga pa rin para kay Luka Doncic (29.5) at Kyrie Irving (21.0) na makahanap ng tulong mula sa mga kakampi. Maaaring makita ito kay PJ Washington (12.5) o Daniel Gafford (8.5) na abala rin na bantayan ang mga matatangkad ng Celtics. Kung magwawagi ang Mavs, ang Game Six ay nakatakda sa Biyernes sa American Airlines Center. Naka-reserba ang TD kung magkakaroon ng Game Seven sa Hunyo 24.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 13, 2024



Sports Photo

Laro ngayong Huwebes – American Airlines Center

8:30 AM Boston vs. Dallas 


Hindi na kailangang lumayo ng Dallas Mavericks upang makahanap ng paraan na umahon mula sa 0-2 butas nila sa 2024 NBA Finals laban sa rumaragasang Boston Celtics. Nagawa na ito ng beteranong gwardiya Kyrie Irving at mahalaga ang papel na gagampanan niya sa Game 3 ng seryeng best-of-seven ngayong araw sa American Airlines Center simula 8:30 a.m.  


Noong 2016 Finals si Irving at koponan noon na Cleveland Cavaliers ay nabigo sa unang dalawang laro kontra Golden State Warriors. Naiwasan ng Cavs na mawalis sa Game 3 at kahit nadapa sa Game 4 ay nagawang kunin ang sunod na tatlo na tinuldukan ng Game 7 sa Oracle Arena para sa nag-iisang kampeonato ng prangkisa. 


Susubukan na ni Irving na maulit ang milagrong ginawa sa Mavs na umaasa na ang paglaro sa tahanan ay makakatulong ng malaki. Kahit umaapoy si Luka Doncic ng 31.0 puntos at 10.5 rebound sa serye, nalimitahan si Irving sa 14.5 puntos lang kaya dapat dagdagan ito.


Sa panig ng Celtics na nasa gitna ng siyam na sunod-sunod na panalo mula pa noong Mayo, ang pagtayo ng 3-0 bentahe ay halos katiyakan na at walang koponan sa NBA ang nakakabalik mula sa ganoong kalaking pagkalugmok. Perpekto pa rin sila ngayong playoffs at wala pang talo sa anim na laro bilang bisita. 


Limang Boston ang nagsusumite ng mahigit 10 puntos bawat laro na sina Jaylen Brown (21.5), Jrue Holiday (19.0), Jayson Tatum (17.0), Derrick White (16.5) at Kristaps Porzingis (16.0). Malaking tanong kung makakalaro si Porzingis matapos mapilay ang binti sa 3rd quarter ng Game 2. 


Wala itong kinalaman sa nauna niyang pilay noong Game 4 ng serye kontra Miami Heat noong Abril. Dahil dito, mahigit isang buwan siyang lumiban at naglaro muli noong Game 1 laban sa Mavs.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024



Sports Photo

Laro ngayong Biyernes – TD Garden

8:30 AM Dallas vs. Boston


Papasok na mabigat na paborito ang Boston Celtics laban sa bisitang Dallas Mavericks sa Game One ng 2024 NBA Finals best-of-seven ngayong araw sa TD Garden simula 8:30 ng umaga. Hahanapin ng Boston ang ika-18 kampeonato sa kanilang mayamang kasaysayan at una mula pa ang huli noong 2008. 


Nakatutok ang pansin sa mga tambalang bituin Jayson Tatum at Jaylen Brown ng Celtics at Luka Doncic at Kyrie Irving ng Mavs. Sa apat, tanging si Irving lang ang may kampeonato noong 2016 para sa Cleveland Cavaliers.


Nakapaglaro rin si Irving sa Celtics mula 2017 hanggang 2019 kung saan nagsilbi siyang kuya sa mga noon ay mga baguhang sina Tatum at Brown. Ngayon, ang hindi niya naihatid na tropeo sa Boston ay dadalhin sa Dallas na ang nag-iisang kampeonato ay natamasa noong 2011 kung saan manlalaro pa nila ang kasalukuyang Coach Jason Kidd. 


Napipisil na mabubura ng mga superstar ang bawat isa.  Malaki ang ambag na puntos ngayong playoffs nina Tatum (26.0) at Brown (25.0) at Doncic (28.8) at Irving (22.8) kaya lilipat ang laban sa pagalingan ng iba pang kakampi. 


Mahalaga na umangat para sa Celtics sina Derrick White, Jrue Holiday at ang babalik na galing sa lampas isang buwan na pilay na si Kristaps Porzingis. Kokontrahin ito nina PJ Washington, Derrick Jones Jr. at Daniel Gafford. 


Ngayong playoffs, 6-2 ang kartada ng Celtics sa kanilang tahanan patungo sa pagbura sa Miami Heat, Cleveland Cavaliers at Indiana Pacers. Ang Mavs ay 7-2 kapag sila ang bisita, malaking dahilan kaya ginulat nila ang mga mas mataas na kalaro LA Clippers, Oklahoma City Thunder at Minnesota Timberwolves. 


Ang Game 2 ay nakatakda sa Lunes sa Boston pa rin. Lilipat ang serye sa American Airlines Center sa Dallas para sa Game 3 sa Hunyo 13 at Game Four sa 15.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page