top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Elyssa Nichole @Sports | April 29, 2026



Pormal na bubuksan ang MPTC Tour of Luzon 2026 ngayong araw kung saan ay magkakaroon ng Team Presentation sa opening ceremony na gaganapin sa CaSoBe sa Calatagan.



Calatagan, Batangas - Markado si defending champion Dae Yeong Joo ng Korea pag-arangkada ng MPTC Tour of Luzon 2026 ngayong araw sa Tagaytay City.


Pasisibatin ang 13 teams sa alas-9 ng umaga kung saan magsisimula ang 150.1 km. Stage 1 sa Calatagan, Batangas at magtatapos sa Praying Hands sa Tagaytay City.

Ibabandera ng Gapyeong Cycling Team ang top rider nilang si Joo na pangungunahan ang 89 cyclists na papadyak sa 14-stage race na may pitong local at anim na foreign teams.


Makakatulong ni Joo ang teammates na sina Cha Dong Heon, Jang Jun Hyeok, Lim Ye Seo, Jung Dae Ho at Jung Moon Soon. Babantayan din ng mga siklista ang local teams na defending champion MPTC Drivehub at powerhouse Standard Insurance.


Ipaparada ng Standard Insurance si former Ronda Pilinas champion Ronald Oranza, makakasama niya sina Junrey Navarra, Ronald Lomotos, Jeremy Lizardo, Jhon Mark Camongao,  Dave Eeron Cangayao at Jexxel Ehd Azur. Pambato ng MPTC Drivehub sina Rustom Lim, Mike Piolo Lugtu, Nash Joshua Lim, Khyll Lequin, John Paul Laureta, Rking Roque at Ruzel Agapito.


Ang ibang local teams ay ang  Eleven Cliqq Roadbike, Excellent Noodles Cycling Team, DReyna Orion Cement at Pangasinan Cycling Team habang ang foreign ay Seoul Cycling Team mula South Korea, LCW UAE Cycling Team, National Team ng Malaysia, Ponti Wuaya Racing Team mula sa Indonesia at panlaban ng Hong Kong na CCN Factory Racing.


Pagkatapos ng Calatagan-Tagaytay Stage 1, sunod ang 43.40-km team trial Stage 2 sa Clark- New Clark City sa Huwebes, para sa 145.40-km Stage 3 New Clark City - Palayan City at  aarangkada sa 165.80-km Stage 4 Palayan City - Bayombong sa Santiago City- Tuguegarao City ang bakbakan ng siklista sa 130.60-km Stage 5. Nakalaan ang P1-M premyo sa individual champion at P2-M sa magka-kampeon na koponan.


 
 

by MC @Sports News | April 28, 2026



Trupa at Pecson

Photo: Nagkampeon sina Duathletes Mary Joy Trupa at Maynard Pecson sa nagdaang Singapore T100 Triathlon, kung saan kamakailan lamang ay pumangatlo lamang si Pecson sa ginanap na National Age Group Duathlon sa Villar City, Cavite. (Reymundo Nillama)



Nagawang makabawi ni Maynard Pecson at markado para sa top spot ng national age group duathlon championships sa idinaos na duathlon event sa Singapore T100 Triathlon. Trumangko rin si Franklin Yee, ang tormento ni Pecson na 2nd overall maging si Robin Banados ng Go For Gold na kumumpleto rin sa podium.           


Dominante si Top Filipina duathlete Merry Joy Trupa mula sa simula hanggang magtapos sa kababaihan para sa 1st place overall at gold medal sa female 20-24 age category. 


Ang Pia in Action (PIA) at ang Philippine Sports Commission (PSC) ang umagapay sa Team Philippines. 


Sinungkit ni Pecson ang ginto sa 25-29 bracket habang nagdagdag din si Yee ng isa pang ginto sa 20-24 category. Tinahak ni Pecson ang 6K run/32k bike/3K grind sa 1 oras at 26 na minuto at 28 seconds (splits: 21:26/ 51:45/11:53). 


Nakapagtala si Yee ng 1:29:09 at si Cebuano Banados (na suportado ng Go-for-Gold program ni Jeremy Go, 1:34:53). Naorasan si Trupa ng 1 hour 35 minuto at 56 segundo at manguna sa 10 sa hanay ng 600 mga kalahok.

 
 

by Gerard Arce @Sports News | April 27, 2026



Alex Eala - Instagram

Photo: Silver medalist ang  Philippine women’s relay team na sina multi-medalist Kristina Knott, Jessica Laurance, Shane Joy Ponce, at Lianne Diana Pama sa  4x60m relay sa 2026 Asian Beach Games kahapon sa Sanya, China. (pocmediapool)



Rumatsada sa ikatlong sunod na panalo ang women’s beach volleyball quartet upang makapasok sa quarterfinal round, habang lumista ng dagdag na silver medal ang women’s sprint team sa 4x60-meter relay kahapon sa 2026 Asian Beach Games sa Sanya, China.


Dinomina ng tambalan nina Khylem Progella at Sofia Pagara ang pares nina Yekaterina Ryukhova at Kristina Karimova ng Kazakhstan sa iskor na 21-11, 21-14 sa Tianya Haijiao Venue Cluster TNH Venue Cluster Court 1 sa round-of-16.


Sa kabilang pares, pinataob ng duo nina Southeast Asian Games champion Sunny Villapando at katuwang na si Grydelle Joanice Matibag ang samahan nina Shehani Wattelage at Ktl Alawaththage ng Sri Lanka sa bisa  naman ng 21-15, 21-13.


We started a little bit shaky towards the end, but the persistence and the willingness for us to come and to make good movement gave us the lead,” wika ni Matibag, na suportado nina Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino at Philippine Sports Commission chairman Patrick “Pato” Gregorio


Nakahirit ng silver medal ang grupo nina Jessica Rose Laurance, Shane Joy Ponce, Lianne Diana Pama at Olympian Kristina Marie Knott sa 4x60-meter relay sa Phoenix Island ng tumapos ng 29.73 seconds, na kinapos lang ng katiting na milliseconds sa likod ng Thailand na nakuha ang ginto sa bisa ng 29.46 seconds, habang ang host nation China ay nakuntento sa bronze medal sa 30.42 seconds.


Kasalukuyang may 3 ginto, at tig-2 pilak at tanso ang Pilipinas sa third spot sa likod ng host country China na may 13-11-4 (gold-silver-bronze) medals, habang malayong segunda ang Thailand sa 4-5-3. Nagmula ang tatlong ginto ng bansa mula kina 3-time Asian Beach Games jiu-jitsu gold medalist Annie Ramirez, Alex Enriquez sa women’s under-63kgs division ng jiu-jitsu at Leonard Grospe sa men’s high jump.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page