top of page
Search

by Justine Berganio @Lifestyle | November 1, 2025



Halloween


Tuwing sumasapit ang dilim, kapag tayo’y tulog, sila naman ay gising. At sa mga oras na ‘yon, hindi lang hampas ng hangin o huni ng mga ibon ang maririnig sa gabi. Minsan, may mga boses, yabag, at bulong na tila dumadaloy sa hangin—mga tunog na hindi mo alam kung saan nanggagaling.


Pero para kay Edgardo Panuncialman Caluag, o mas kilala bilang Ed Caluag, ang tinaguriang “Hari ng Kababalaghan,” at kilalang paranormal investigator ng bansa, ang mga ganitong sandali ay hindi dahilan para matakot, bagkus, ito ang kanyang mundo. 


Mula pagkabata, si Ed ay may kakaibang koneksyon na sa mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mata. Noon, sakitin siya, at isa pa, halos dalawang taon din siyang naging bedridden.Sa mga panahong iyon, may batang madalas dumadalaw at nakikipaglaro sa kanya—akala niya’y kapitbahay lang, pero nang dumating ang kanyang ina, bigla itong naglaho. At du’n nagsimula ang misteryong hindi na niya iniwan.


Lumaki siyang tinutukso, tinatawag na “abnormal,” at madalas pang pinagtatawanan. Pero imbes na matakot o magtago, niyakap ni Ed ang kanyang kakaibang kakayahan. Nagbasa, nag-research, at naglakbay siya hanggang sa naging isa sa pinakakilalang paranormal investigators sa bansa.


Mula sa mga seminar sa Luneta, hanggang sa mga ghost tour sa Intramuros, at sa mga TV shows tulad ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), hindi lang siya basta nagpasikat, dahil nagbigay rin siya ng linaw sa mga misteryong pilit pinagtatakpan ng takot at duda.

Ngunit higit pa sa kababalaghang natutunan ni Ed, ang tunay na misyon niya ay unawain ang dalawang mundo—ang espiritwal at ang makatao. 


Aniya, “‘Yung mundo nga na hindi pantao pilit kong inuunawa, ba’t hindi ko uunawain ‘yung mundo ng tao?”


Hindi lang “third eye” ang bukas kay Ed, dahil maging ang kanyang puso’t isipan ay bukas din para sa mga bagay na lampas sa lohika ng agham. Habang ang iba ay tumatakbo palayo sa dilim, siya nama’y humaharap dito, dala ang tapang at kuryosidad ng isang tunay na paranormal investigator.


Gayunman, payo naman niya para sa mga may “third eye” o sa mga simpleng taong nakakaramdam ng kakaiba, huwag umanong basta-basta sumubok. Respeto at tamang intensyon ang sandata. Gaya ng kanyang sikat na katagang, “Hindi ako pumunta rito para makipag-away.” 


Ayon pa sa kanya, “Always set your intention, let them know. Hindi ‘yung basta-basta ka mag-i-invade, ‘pag may taong biglang pumasok sa bahay mo na hindi mo kilala, siyempre magagalit ka.”


At kung may gusto raw siyang ibulgar, simple lang—maging mapanuri. Dahil hindi lahat ng “psychic” na makikita ninyo ay totoo. At siyempre, ‘wag kalimutang manood sa channel ng nag-iisang Ed Caluag!


Ngayong episode ng eBulgar Mo, ipinapakita ni Ed Caluag na hindi mo kailangan ng agimat para makita ang katotohanan, dahil ang kailangan mo lang ay bukas na isip at malalim na pang-unawa.Para sa kanya, ang tunay na “third eye” ay hindi lang nasa noo, dahil nasa puso rin ito. Dahil kung marunong kang makiramdam sa damdamin ng kapwa, mas malalim pa ‘yon kesa sa anumang multo.


Ngayong Undas, muli nating gunitain ang ating mga mahal sa buhay, ipagdasal natin silang lahat—upang sila ay maliwanagan at makatawid sa kabilang buhay.


Habang nananatili ang mga kababalaghan na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan, nandito sina Michelle at Thons, na muling nagbukas ng panibagong kuwento ng kuryosidad at kaalaman upang maunawaan natin na hindi lang ang mga buhay ang naghahanap ng kasagutan, kundi pati na rin ang mga espiritung nananatili at naghahanap ng sagot sa kanilang mga tanong.


Sa likod ng bawat kuwentong nakakatindig-balahibo, naroon si Ed — ang gurong naging gabay sa dilim, at patunay na minsan, ang tunay na misteryo ay hindi sa mundo ng mga patay, kundi sa kung gaano kahanda ang tao na maniwala sa mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng karaniwang mga mata.


 
 

ni Marinelle D. Casbadillo (OJT) @Lifestyle | October 31, 2025



Halloween


“Happy Halloween!” Ito ang madalas nating sabihin tuwing nalalapit na ang Araw ng mga Patay.


Dahil dito ay naging tanyag ang tinatawag na “Trick-or-Treat” kung saan nagsusuot ang mga bata ng mga costume with matching scary makeup o mga nakakatakot na itsura, habang nagbabahay-bahay para humingi ng iba’t ibang klase ng candy.


Kasunod nito ay naglilipana ang mga inoorganisang mga Halloween party sa mga barangay, school, opisina at sa marami pang lugar, na bumubuhay sa mga kalsada at komunidad mula hatinggabi hanggang madaling-araw.


Isa sa mga sikat na puntahan ng mga Gen Z ay ang Poblacion, Makati dahil sa mga ginaganap na malakihang Halloween invasion party na halos libu-libo ang nagsisidalo at nagkakatipon para sa isang outdoor costume festival na puno ng musika, pagkain, at mga nakakaaliw na spooky costumes.


Kinagigiliwan din ng mga kabataan ang “spirit of the glass” na isang supernatural game na katulad ng Ouija board. Sa larong ito, gumagamit ng isang baso at board na may mga letra para i-spell out ang mga sagot sa mga tanong, na pinaniniwalaang ginagabayan ng espiritu, at nilalaro ito sa iba’t ibang konteksto, mula sa mga sleepover hanggang sa mga spiritual sessions.


Usong-uso rin, ang pagpunta sa mga horror house na nasa loob ng mga carnival at amusement park. Malalakas na hiyawan ang maririnig mula sa pagpasok pa lamang hanggang sa paglabas na ang iba’y umiiyak pa sa sobrang takot.


Hindi rin pahuhuli ang mga malls na nagsasagawa ng mga “Trick-or-Treat” event at nagpapalabas ng mga horror films para sa mga pamilyang gustong mag-bonding.


Sa mga hindi na makadalaw sa mga sementeryo dahil sa napalayo na sila sa kanilang pamilya sa probinsya, nakaugalian na lamang nila ang pagtitirik ng mga kandila sa labas ng kanilang bahay bilang pagbati at paggabay sa mga espiritu.


Ang Halloween ay hindi lamang maituturing na pagdiriwang na may katatakutan, kundi ito rin ay pagsasama-sama at bonding moment ng mga magkakaibigan, magkakaopisina, magkakaeskwela, na ang kasunod nito ay ang paggunita ng buong pamilya sa mga pumanaw na mahalaga sa kanilang buhay.

 
 

ni Marry Rose Anterio (OJT) @Lifestyle | October 30, 2025



Halloween

Para sa karamihan, ang pagkain ay isa sa mga paraan upang magbuklod-buklod ang pamilya, mapa-simpleng agahan, tanghalian, o hapunan dahil ang pagsasalo-salo ay isa sa mahalagang tradisyon nating mga Pilipino.


Kaya tunay na may saysay ang pagkain ng sabay-sabay kahit pa sa pangkaraniwang araw lang natin ito gagawin.

Gayunman, sa paggunita natin ng All Saints’ Day at All Souls’ Day, importanteng malaman natin ang mga simot-sarap na pagkain at ideas na pasok sa budget at panlasang Pinoy.


Bukod sa mga kandila at bulaklak, hindi maikakaila na isa rin sa nakasanayan nating mga Pilipino tuwing Undas ang pagdadala ng mga baon kasabay ng pagdalaw sa mga yumaong mahal sa buhay.


Kaya naman, narito ang mga pagkaing swak dalhin sa darating na Undas:


Adobo – Itinuturing na pambansang ulam sa bansa, nag-ugat ito sa sinaunang paraan ng mga Pinoy na pagpreserba ng mga karne gamit ang suka at asin bago pa dumating ang mga Kastila na kalauna’y nadagdagan ng toyo at iba pang pampalasa.


Fried Chicken – Bagama’t mula sa western country, siguradong hindi ka mapapahiya kapag ihain dahil niyakap na ito ng mga Pinoy bilang paboritong handa sa halos lahat ng okasyon.


Lumpia – Nagmula sa China na tinatawag na spring roll, nilagyan ito ng Filipino touch gamit ang lokal na sangkap tulad ng karne, repolyo, at karot na patok at hinahanap-hanap ng mga Pinoy sa kada salo-salo.


Pancit – Kabilang din sa mga impluwensya ng China, mas kilala ito bilang pampahaba ng buhay at madalas na iniaalay sa mga puntod ng mga mahal sa buhay.


Bilang Pilipino, hindi puwedeng mawala ang mga matatamis at malagkit na bigas na may gata at asukal tulad ng sapin-sapin, bibingka, at suman na simbolo ng pagkakapit-bisig ng pamilya. Tradisyunal itong inihahanda tuwing Undas bilang alay at pampasalubong sa mga bumibisita sa sementeryo. Nagmula ito sa sinaunang paraan ng pagluluto ng bigas at niyog ng mga Pinoy.


Ngayong Undas, magandang planuhin ang bawat pagkain na pagsasaluhan mula sa masasarap na ulam hanggang matatamis na kakanin -- ang diwa ng pagmamahalan at pagmamalasakit sa paggunita at pagdarasal para sa mga mahal nating yumao dahil nagsisilbing tagubilin ito na habang buhay ang kanilang mga alaala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page