top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 14, 2025



Boses by Ryan Sison


Pagkatapos ng lindol, ang unang tanong ng mga biktimang nawalan ng tahanan ay kung saan sila manunuluyan. 


Sa bawat pagyanig, hindi lang bahay ang gumuho, pati seguridad at pag-asa ng mga napinsala. Kaya’t tama lamang na pagtuunan ng pansin at mabilis na pagkilos ng gobyerno, hindi lang sa pagtulong kundi sa pagbibigay ng disenteng masisilungan. 

Ito ang inihanda ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magpadala ng modular shelter units sa Davao Oriental bilang agarang tugon para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan matapos ang magkasunod na lindol noong Oktubre 10. 


Ayon kay Secretary Jose Ramon Aliling, inatasan na niya ang team mula sa DHSUD Central Office at Regional Office 11 upang tukuyin ang eksaktong pangangailangan ng mga apektadong local government units (LGUs,) kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensya. 


Ang mga modular shelter units (MSUs) ay itatayo sa loob ng Bayanihan Villages na itatalaga ng mga lokal na pamahalaan, isang inisyatibong alinsunod sa direktiba ng Pangulo, upang tiyakin na bawat Pinoy na nasalanta ay may ligtas, maayos, at komportableng matutuluyan. 


Hindi lamang sa Davao Oriental nakatuon ang aksyon. Nagsimula na rin ang DHSUD sa pagtatayo ng Bayanihan Villages sa Cebu sa Bogo City, Daanbantayan, San Remigio, at Medellin, mga lugar na tinamaan ng magnitude 6.9 lindol noong Setyembre 30, kung saan ilan sa mga modular units doon ay nakatayo na. 


Ang ganitong pagkilos ay hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng tirahan, ito ay pagbibigay ng pag-asa sa mga nasalanta at nawalan. 


Sa panahon ng sakuna, ang mga ganitong klase ng proyekto ng gobyerno ay sumisimbolo ng malasakit at pagkakaisa. Pinapatunayan din nito na sa harap ng pagyanig, hindi tayo basta nagugupo, na kayang pa ring tumayo at maging matatag ng bawat Pilipino. 


Alalahanin natin na hindi lang nasusukat ang lahat sa tibay ng pader, kundi sa tibay din ng loob. At kung may isang bagay na dapat nating ipagmalaki, sa bawat kalamidad, iyon ay ang bayanihang hindi kailanman natitinag.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 13, 2025



Boses by Ryan Sison


Madalas, kapag tumama ang bagyo o yumanig ang lupa, mabilis tayong kumikilos — may relief goods, may tent, may ayuda. Pero sa gitna ng lahat ng ito, may sugat na hindi agad nalalapatan ng lunas. Dahil sa likod ng mga pilit na ngiti ng mga nakaligtas, may mga isipang gulong-gulo at pusong hindi pa rin nakakaahon sa takot. 


Kaya tama lang ang panawagan ni Health Secretary Ted Herbosa na huwag kaligtaan ang mental health ng mga Pinoy na nakaranas ng mga sakuna. 


Sa gitna ng sunud-sunod na trahedya, pinaigting ng Department of Health (DOH) ang mga hakbang upang alagaan ang mental health ng mga nasalanta, hindi lang ang kanilang katawan. 


Batay sa datos ng DOH, mahigit 1,522 indibidwal na sa Cebu ang nakatanggap ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS) at iba pang interbensyon. Kasabay nito, naghanda rin ang kagawaran ng psychological first aid para sa mga residente ng Davao Region at mga karatig-lugar na tinamaan ng lindol nitong nakaraang Biyernes, October 10. 


Ayon kay Herbosa, ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tiyaking walang Pinoy na maiiwan, lalo na ‘yung tahimik na nakikibaka sa trauma, takot, at pagkabalisa. 


Tuluy-tuloy din ang counseling, stress debriefing, at psychological aid ng mga MHPSS responders sa mga tent city at sa mga pamilyang unti-unting bumabangon. 


Kaugnay nito, hinikayat din ng kalihim ang publiko na huwag mahiyang lumapit sa mga health center o tumawag sa National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline 1553, sakaling kailanganin nila ng tulong. 


Sa isang bansang laging sumasagupa sa delubyo ay tila normal na ang sakuna, gayunman, hindi dapat isaisantabi at ipagwalang-bahala ang ating mental health. Dapat lang na isama ito sa disaster response plan, hindi bilang dagdag, kundi bilang pangunahing bahagi nito. Dahil ang taong may matatag na isip ay mas mabilis makaahon kumpara sa isang pusong wasak dulot ng trauma. 


Ang tunay na pagbangon ay hindi lang nasusukat sa muling pagtatayo ng bahay, bagkus sa muling pagngiti at pagtahan ng mga luha. Kaya sa bawat kalamidad, dalhin sana natin hindi lang bigas at kumot, kundi pang-unawa, pakikinig, at malasakit sa isa’t isa. Ito ang matibay na sandigan ng isang bayan, mga mamamayang buo ang loob na bumangon at magsimulang muli.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 12, 2025



Boses by Ryan Sison


Nararamdaman muli ng taumbayan ang tila kakulangan sa paghahanda ng bansa sa pagdating ng kalamidad o sakuna, gaya ng malakas na lindol na yumanig sa Davao Region, kamakailan. 


Ang lindol na tumama sa Manay, Davao Oriental noong Biyernes, October 10, bandang alas-9:43 ng umaga, ay isa sa pinakamalalakas ngayong taon. Sa magnitude 7.4, hindi maikakaila ang malalim nitong epekto sa mga paaralan sa Mindanao at ilang bahagi ng Visayas. 


Ayon sa Department of Education (DepEd), halos 10,000 mag-aaral at 490 guro ang apektado, kabilang dito ang ilang learners at guro na nasugatan. 


Agad na kumilos ang DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) at Rapid Assessment of Damages Report (RADaR) system upang tukuyin ang lawak ng pinsala. 


Anila, sa 12,399 na paaralan sa rehiyon na naapektuhan ng lindol, 202 silid-aralan ang nasira, kung saan 29 dito ang seryosong napinsala, habang umabot sa 559 ang nagsuspinde ng klase, kabilang ang mga lalawigan ng Bukidnon, Misamis Oriental, Camiguin, at Lanao del Norte. Kasunod nito, sinuspinde na rin ang mga klase sa Davao Region, Northern Mindanao at maging sa CARAGA Region.


Ang paggalaw ng local fault ang sanhi ng lindol na batay sa Phivolcs, tumama ito na may lalim na 10 kilometro sa timog-silangan ng Davao Oriental. Naitala ang Intensity 5 sa ilang bahagi ng Davao de Oro, Cotabato, Southern Leyte, at Misamis Oriental. Naglabas din ng tsunami warning ang Phivolcs sa ilang baybayin, habang binawi rin bago mag-alas-2 ng hapon ng naturang araw.


Nakapagtala rin ng damaged facilities ang Ateneo de Davao at ang Makua Malayan Colleges sa Davao City. Naiulat naman ang isang chemical spill sa ika-6 na palapag ng San Pedro College sa Davao City. 


Maliban sa mga eskwelahan, naapektuhan din ang ibang imprastruktura gaya ng Francisco Bangoy International Airport na nagtamo ng minor cracks pero nanatiling operational.


Agad namang rumesponde  ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang tiyakin ang kaligtasan ng lugar. 


Sa kabila ng mga report ng ilang nasaktan -- mga mag-aaral at guro -- wala namang naitalang namatay. Gayunpaman, ang pangyayaring ito ay muling nagpapaalala kung gaano kahalaga ang paghahanda sa sakuna, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pagyanig.


Sa kabila ng agarang aksyon ng DepEd at ng mga lokal na pamahalaan, malinaw na kulang pa rin ang tibay ng mga paaralan pagdating sa kahandaan sa lindol. 


Ang dami ng nasirang silid-aralan at mga apektadong mag-aaral, guro, ay patunay na dapat bigyang prayoridad ng gobyerno ang pagpapatatag ng mga pampublikong eskwelahan, lalo na sa mga high-risk zones. 


Masaklap isipin na ang mga estudyanteng nais lamang mag-aral at mga gurong gustong magturo ay nawawalan ng ligtas na espasyo dahil sa tila kapabayaan sa mga imprastraktura at pasilidad na itinatayo. 


Marahil, kailangan ng mga mag-aaral na dumaan o humingi ng psychological first aid at magpatingin sa mga health expert upang makatulong na maibsan ang naramdamang trauma gaya ng anxiety at takot dahil sa lindol, lalo na ang mga bata na batid naman nating mas mahina. Dapat unahing gamutin at solusyunan ito dahil mabigat ang epekto nito sa kanilang mental health.


Panahon na rin upang gawing sentro ng plano para sa edukasyon ang kaligtasan at seguridad, hindi lang sa salita kundi sa konkretong aksyon at pondo. 

Hindi sapat ang mabilis na assessment kung hindi ito susundan agad ng tunay na rehabilitasyon at pagsasaayos. 


Ang pangyayaring ito ay dapat magsilbing wake-up call sa pambansang pamahalaan upang kumilos at gawing mas sistematiko at maagap ang disaster response, lalo na sa sektor ng edukasyon. 


Sa isang bansang madalas bisitahin ng lindol, ang pagiging handa ay hindi na opsyon kundi isang obligasyon. Maging aral sana sa atin ito, na hindi natin masasabi kung kailan tatama ang kalamidad na sisira at kikitil ng buhay. Gawin sana natin ang nararapat at kapaki-pakinabang na paghahanda para sa oras na tumama ang anumang sakuna sa ating bansa, kahit paano ay malilimitahan natin ang epekto nito sa ating buhay, dahil mas maraming Pinoy ang maliligtas at mga hanapbuhay na ating masasagip.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page