top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 16, 2025



Boses by Ryan Sison


Good news para sa lahat ng mag-aaral at mga guro sa buong bansa. 

Ngayong nagiging moderno na ang bagong lengguwahe ng ating edukasyon, hindi na lang chalk at pisara ang kailangan sa pag-aaral, sinasabayan na ito ng mabilis at epektibong paraan para makapaghatid ng kaalaman sa bawat mag-aaral. 


Kaya naman ang paglalaan ng pamahalaan ng P3 bilyon para sa pagpapabilis ng digital connectivity sa mga pampublikong paaralan ay hindi lang simpleng proyekto, ito ay hakbang patungo sa magandang na kinabukasan para sa bawat batang Pinoy. 


Sa panahong ang kaalaman ay laganap na sa internet, ang bawat signal tower ay tila tulay para sa mabilis at epektibong pagkatuto. 


Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, kalahati ng pondo na P1.5 bilyon ay inilaan sa Department of Education (DepEd) para sa Connectivity Enhancement Program for E-Learning, na target ang mahigit 8,200 last-mile schools sa buong bansa.


Ang isa pang P1.5 bilyon ay para naman sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang palakasin ang Free Public Internet Access Program. 


Binigyang-diin ni Pangandaman, na dati ay pangarap lang ang matatag na internet sa mga liblib na lugar, pero ngayon ay unti-unti na itong nagiging realidad sa bawat mag-aaral. Sa ilalim ng 2025 national budget, ang mga regional office ng DICT ang mangunguna sa pagpapatupad, gamit ang listahan ng DepEd ng mga paaralang tatanggap ng koneksyon. Target ng pamahalaan na bago matapos ang 2025 ay 100% connected na ang lahat ng iskul sa bansa. 


Dagdag ng kalihim, dapat ang bawat kabataang Pinoy, mula sa mga lungsod hanggang sa malalayong isla ay magkaroon ng patas na pagkakataon para sa dekalidad na edukasyon. 


Isang pahayag ito na hindi lang teknikal, kundi makatao rin. Sapagkat sa likod ng mga antena at router, ang tunay na layunin ay ang pagbibigay daan sa pangarap ng bawat mag-aaral. 


Kung dati’y mahinang signal ang hadlang sa pag-aaral, ngayon ay malakas na koneksyon na para mapabuti ang kanilang mga aralin. 


Higit sa lahat, ang proyektong ito ay naghahatid ng pagkilala na ang edukasyon ay hindi na nakabatay sa kung saan ka sa bansa dahil ang pag-asa ay sa pagkakaroon ng WiFi, kahit sa bundok o dalampasigan man.


Ngayong lahat ng impormasyon ay nasa internet na, nararapat lang na tayo ay mag-invest para sa mga kabataan. Tama lang na bigyan ng pansin ang problema ng mga pampublikong paaralan sa kung paano makakasabay ang bawat mag-aaral sa bilis ng teknolohiya. 


Ang pagkakaroon ng libre at dekalidad na WiFi connection ay isang malaking ginhawa para sa mga guro, mga magulang at sa mga batang nangangarap.


Gayundin, ang naturang programang ay hindi lang tungkol sa internet, ito’y koneksyon ng gobyerno sa bawat mamamayan, at pagbibigay sa lahat ng mag-aaral ng magandang kinabukasan. 


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 15, 2025



Boses by Ryan Sison


Tayong mga Pinoy na pinatatatag na ng mga unos at kalamidad, tila nagiging normal na rin sa atin ang maranasan ang mga trahedyang ito, subalit hindi dapat ito maging dahilan na manatili sa takot o mawalan ng pag-asa. Sa halip, ito ay paalala sa atin na ang pagiging handa ay hindi lang tungkulin ng gobyerno, kundi responsibilidad nating lahat. 


Kaya’t ang panawagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magkaroon ng palagiang earthquake drills sa mga opisina at mga katulad nito ay isang hakbang tungo sa disiplina at kaligtasan ng bawat naghahanapbuhay. 


Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, ang seguridad at safety sa trabaho ay hindi basta compliance o pagsunod lang sa batas, ito ay dapat na maging kultura na natin. Kaya naman buong suporta ang ibinigay ng ahensya sa panukala ng TUCP na magsagawa ng earthquake drills nang hindi bababa sa dalawang beses kada buwan sa mga kumpanya sa buong bansa.


Para sa kanila, ang paghahanda laban sa sakuna ay hindi ginawa para sa walang rason, bagkus kasanayang kailangang paulit-ulit hanggang maging natural na reflexes ng mga manggagawa sa oras ng peligro. 


Binigyang-diin naman ni TUCP President Raymond Mendoza na ang mga earthquake drills ay hindi lamang para sa pagtakbo at palabas ng gusali, ito rin ay pagkakataon upang ipaalam sa mga manggagawa ang kanilang karapatang tumangging magtrabaho sa delikadong lugar. 


Hindi sapat ang minsan sa isang taon lang na pagsasanay nito, kailangan itong gawing regular o bahagi ng ating pang-araw-araw na kamalayan. Habang ang mga manggagawa ay dapat na palagiang lumahok sa mga earthquake drills. Isagawa rin natin ito sa mga iskul upang maging habit o makagawian ng mga mag-aaral at guro. 


Kailangan din nating palakasin ang disaster preparedness sa Metro Manila lalo na’t naiuulat na posibleng tamaan ng “The Big One.” At dapat na tiyaking handa ang mga lokal na pamahalaan sa mabilisang pagtugon ukol dito. 


Bawat isa ay may ambag sa pagliligtas ng sarili gayundin sa iba. Isipin natin na ang lindol ay hindi lang pagsubok kung gaano katibay ang ating mga gusali at istruktura, ito rin ay hamon sa katatagan ng ating pagkatao. Sa bawat pagyanig, dapat kasabay din nating pairalin ang ating disiplina, malasakit, at pagkakaisa. Alalahanin din sana natin na mas mainam na laging maging handa upang hindi tayo nagbibigla.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 14, 2025



Boses by Ryan Sison


Pagkatapos ng lindol, ang unang tanong ng mga biktimang nawalan ng tahanan ay kung saan sila manunuluyan. 


Sa bawat pagyanig, hindi lang bahay ang gumuho, pati seguridad at pag-asa ng mga napinsala. Kaya’t tama lamang na pagtuunan ng pansin at mabilis na pagkilos ng gobyerno, hindi lang sa pagtulong kundi sa pagbibigay ng disenteng masisilungan. 

Ito ang inihanda ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magpadala ng modular shelter units sa Davao Oriental bilang agarang tugon para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan matapos ang magkasunod na lindol noong Oktubre 10. 


Ayon kay Secretary Jose Ramon Aliling, inatasan na niya ang team mula sa DHSUD Central Office at Regional Office 11 upang tukuyin ang eksaktong pangangailangan ng mga apektadong local government units (LGUs,) kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensya. 


Ang mga modular shelter units (MSUs) ay itatayo sa loob ng Bayanihan Villages na itatalaga ng mga lokal na pamahalaan, isang inisyatibong alinsunod sa direktiba ng Pangulo, upang tiyakin na bawat Pinoy na nasalanta ay may ligtas, maayos, at komportableng matutuluyan. 


Hindi lamang sa Davao Oriental nakatuon ang aksyon. Nagsimula na rin ang DHSUD sa pagtatayo ng Bayanihan Villages sa Cebu sa Bogo City, Daanbantayan, San Remigio, at Medellin, mga lugar na tinamaan ng magnitude 6.9 lindol noong Setyembre 30, kung saan ilan sa mga modular units doon ay nakatayo na. 


Ang ganitong pagkilos ay hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng tirahan, ito ay pagbibigay ng pag-asa sa mga nasalanta at nawalan. 


Sa panahon ng sakuna, ang mga ganitong klase ng proyekto ng gobyerno ay sumisimbolo ng malasakit at pagkakaisa. Pinapatunayan din nito na sa harap ng pagyanig, hindi tayo basta nagugupo, na kayang pa ring tumayo at maging matatag ng bawat Pilipino. 


Alalahanin natin na hindi lang nasusukat ang lahat sa tibay ng pader, kundi sa tibay din ng loob. At kung may isang bagay na dapat nating ipagmalaki, sa bawat kalamidad, iyon ay ang bayanihang hindi kailanman natitinag.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page