ni Leonida Sison @Boses | October 26, 2025

Nakagagaan sa loob isipin na sa kabila ng mga unos na dumarating sa ating bansa, may ahensyang handang tumindig para sa ikabubuti ng edukasyon. Sa bawat kalamidad na ating kinakaharap taun-taon, kailangan na ring mag-adapt tayo sa pagbabago ng klima at panahon.
Kaya naman sa tulong ng Department of Education (DepEd) ang paglaan ng P1.35 bilyong pondo upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral kahit may bagyo, baha, o lindol ay isang magandang hakbangin. Ito ay pumapailalim din sa direktiba ng Pangulo na unahin ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral habang pinananatili ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang pondong ito ay gagamitin para sa pag-imprenta, pamamahagi, at pagsasanay ng mga guro kaugnay sa Learning Packets at Dynamic Learning Program (DLP) materials. Mula sa kabuuang alokasyon, P950 milyon ang ilalaan para sa Learning Packets na ipapamahagi sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12, habang P399 milyon naman ang inilaan sa DLP materials para sa Junior High School learners.
Ang Learning Packets ay naglalaman ng 25 hanggang 50 self-paced activities na nakatuon sa literacy, numeracy, at problem-solving skills, kasama pa ang mga aralin para sa advanced learning at life skills. Ang DLP naman ay isang structured, activity-based learning approach na nagbibigay-daan sa mga estudyanteng makapag-aral kahit walang kuryente, gadget, o internet — gamit lamang ang papel at notebook. Hindi lamang materyales ang binibigyang-diin ng DepEd, kundi pati ang disaster preparedness ng mga paaralan.
Ipinag-utos na ni Angara sa mga regional director na tutukan ang produksyon at distribusyon ng mga naturang materials at magsumite ng buwanang ulat ng progreso. Sa tulong ng Bureau of Learning Resources (BLR), Bureau of Learning Delivery (BLD), at National Educators Academy of the Philippines (NEAP), bibigyan din ng technical assistance at training ang mga guro upang maging handa sa anumang sitwasyon.
Sa panahon ng sakuna o kalamidad, madaling tumigil ang ating mundo, pero ayon kay Angara, ang edukasyon ay dapat ang huling huminto at ang unang makabangon. Isang paniniwalang nagpapaigting ng pag-asa sa gitna ng bawat unos.
Sa tulong din at pakikipag-ugnayan sa mga LGU, sinisiguro ng DepEd na may alternative learning modes para sa mga lugar na madalas makaranas ng class suspension.
Hindi maitatangging malaki ang epekto ng kalamidad sa ating edukasyon, subalit mas malaki ang naidudulot na kabutihan ng paghahanda, malasakit at suporta na makarekober mula rito.
Sa panahong pabago-bago ang klima at panahon, kailangang sabayan ng gobyerno ng aksyon sa pamamagitan ng makabagong solusyon at matatag na sistema.
Ang inisyatibong ito ay hindi lamang tungkol sa modules at learning materials, ito ay tungkol sa pagbibigay ng pag-asa at direksyon sa mga mag-aaral. Sa bawat batang patuloy na nag-aaral sa kabila ng limitadong kuryente, sa gurong nagtuturo kahit baha, at sa bawat lider na kumikilos para sa kinabukasan, doon nabubuo ang tunay na katatagan ng edukasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




