- BULGAR
- 6 days ago
ni Leonida Sison @Boses | November 1, 2025

Sa panahon ng paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay, tayo ay nagbibigay ng respeto at pagmamahal sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang mga puntod o libingan.
Gayunman, naging pasanin muna sa mga naulila ang napakalaking gastusin sa pagpapalibing, na halos ilibing na rin ang mga naiwang pamilya sa mga bayarin.
Nakakalungkot isipin na ang paglilibing sa halip na maging panahon ng paghilom at pag-alaala ay nagiging pabigat sa mga pamilya.
Kaya naman malaking kaginhawaan ang hatid ng Free Funeral Services Act of 2025. Isang batas na nagbibigay ng kagaanan, lalo na sa mga pamilya na hirap pa ring makabangon.
Hindi na kailangang mangutang, magbenta ng ari-arian, o mag-ipon ng abuloy para lamang maiburol nang maayos ang kanilang mahal sa buhay. Sa ilalim ng Republic Act No. 12309, o Free Funeral Services Act, itinatakda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamantayang tulong sa burial assistance para sa mga pamilyang nasa krisis sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ayon kay Director Edwin Morata ng DSWD Crisis Intervention Program, ilalatag sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ang tamang halaga at saklaw ng tulong — mula sa serbisyo ng funeral parlors at chapel, transportasyon hanggang sa cremation at paglilibing.
Bagama’t matagal nang nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng Guarantee Letters ang DSWD, mas magiging sistematiko na ito dahil sa bagong batas.
Sa datos ng kagawaran, mula 2014 hanggang Setyembre 2025, natulungan na nila ang higit 1.4 milyong pamilya na nawalan ng mahal sa buhay, katumbas ng halos P10.9 bilyong funeral assistance. Sa taong ito lamang, mahigit 140,000 pamilya na ang naasistehan ng DSWD.
Nakikipagtulungan din ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan, Department of Trade and Industry (DTI), at mahigit 800 partner-funeral homes sa buong bansa upang matiyak na maaabot ng programa ang bawat pamilyang Pinoy — maging ang mga nasalanta ng kalamidad o sakuna.
Sa likod ng tulong pinansyal na ito, sumasalamin ang malasakit at pagkilala sa dignidad ng bawat mamamayan. Ang pagkakaloob ng disente at maayos na libing ay hindi lamang isang serbisyo, kundi pagkonsidera sa karapatan ng bawat Pilipino na sakaling mamatay ay maihihimlay na may dangal at puno ng paggalang.
Sa isang bansa kung saan marami ang nakararanas ng kahirapan, ang ganitong uri ng programa ay napakalaking tulong at pagbibigay pag-asa.
Maituturing na rin natin itong tunay na serbisyo-publiko dahil sa paglingap at pagmamalasakit sa mga nangangailangan.
Sa kinauukulan, sana’y patuloy ang mga makabuluhang programang isinasagawa na may pakinabang para sa mga mamamayan at hindi pabigat lamang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




