top of page
Search

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 5, 2021


Imbes na daanan ng mga tao, naging paradahan ng tricycle ang mga sidewalk.


Ganito ang nangyari sa isang kalye sa Maynila, kaya naman halos sa gitna na ng kalsada naglalakad ang mga tao dahil may mga nakaharang sa bangketa.


Dahil dito, tumilapon ang isang 29-anyos na lalaki matapos mabundol ng humaharurot na SUV sa Maynila.


Base sa ulat, makikita sa CCTV footage na halos sa gitna ng kalsada naglalakad ang biktima at isa pang kasama nito dahil sa mga nakaparadang tricycle sa gilid ng kalye at iba pang nakaharang sa bangketa. Hindi nagtagal, nahagip ng SUV ang biktima, tumilapon at tumama pa ang katawan sa isang nakaparadang tricycle.


Gayunman, nanatili pa rin ang mga nakaharang sa gilid ng kalsada sa naturang kalye na kinabibilangan ng mga sasakyan at nagtitinda.


Bagama’t patuloy ang road clearing operation, kapansin-pansin ngang balik na naman ang mga nagtitinda at nakaparada sa sidewalk. Ang ending pala, sayang ang effort at oras ng mga naglinis ng kalsada.


Kaya’t panawagan sa mga kinauukulan, sana ay ipagpatuloy n’yo ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa inyong nasasakupan. Hindi porke tapos na ang linisan sa inyong lugar, wa’ paki na kayo sa mga nagbabalikan sa kalye.


Hindi naman kasi magandang tingnan na malinis at maayos nga sa una, pero paglipas ng ilang araw o linggo, balik na naman sa dati. Ang masaklap pa, nagiging sanhi ito ng perhuwisyo sa ibang tao.


Pakiusap din sa taumbayan, ‘wag puro asa sa mga kinauukulan. Magkusa rin tayo dahil hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan pa tayong pagsabihan bago matauhan.


Tandaan na hindi lang ito para sa ating mga sarili kundi sa ating mga kababayan din. Kaya plis lang, maging bahagi tayo ng solusyon sa lahat ng pagkakataon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 4, 2021


Sa gitna ng pandemya, talagang hindi pa rin nauubos ang mga masasamang-loob, lalo na ang mga scammer.


Matatandaang kamakailan ay naiulat na dumoble ang bilang ng mga naitalang online scam dahil dumami rin ang nakikipagtransaksiyon online sa gitna ng community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.


Kaugnay nito, timbog ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang isang scammer na kinokopya ang account ng online jewelry seller para masalisihan ang mga bayad ng customer.


Ang siste, kinopya ng suspek ang detalye ng tunay na account ng seller pati ang mga paninda nito. Kapag may um-order na kostumer sa kanyang account, ibinibigay niya ang bank account ng legitimate jewelry online seller at ‘pag nakapagbayad na ang kostumer, palalabasin ng suspek na siya ang nagpadala ng pera at ipade-deliver na niya ang alahas sa kanyang bahay, habang ang original buyer ay walang matatanggap na alahas.


Dahil dito, payo ng NBI sa publiko, siguraduhing lehitimong seller ang kausap, lalo na kung malaking halaga ang binibiling produkto.


Nakadidismaya dahil kahit paulit-ulit ang babala at paalala, talagang ayaw patinag ng iba.


‘Yung tipong gumagamit pa ng ibang tao na naghahanapbuhay nang maayos. Ang masaklap, sila pa ang nasisira sa ibang tao. Tsk!


Utang na loob, makonsensiya naman kayo. Kung gusto ninyong magkapera, magtrabaho kayo nang patas.


Kaya panawagan sa mga awtoridad, paigtingin ang paghanap, paghuli at pagpaparusa sa mga masasamang-loob na ito. Hangga’t hindi sila nauubos, hindi matitigil ang ganitong modus.


Hindi lang mga biktima ang kawawa dahil ‘yung mga nadamay lang tulad ng lehitimong seller ay malamang na apektado rin.


At kayong masasamang loob, hintay-hintay lang dahil may kalalagyan din kayo!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 3, 2021


Habang hindi pa bumubuti ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, dapat lang na maghigpit ang pamahalaan sa mga health protocols bilang pag-iingat sa sakit.


Bagama’t sang-ayon ang marami sa ilang paghihigpit, paano naman kung ang pinaniniwalaan nating hakbang kontra COVID-19 ay hindi aprub sa publiko?


Sa ngayon, maghihigpit na ang mga awtoridad sa polisiyang pagsusuot ng facemask sa loob ng sasakyan, mapa-pribado man o pampublikong transportasyon, ayon sa Land Transportation Office (LTO).


Giit pa ng isang opisyal, kailangan itong sundin kahit nakatira sa iisang bahay ang mga pasahero kung saan may multang P2, 000 ang mga lalabag na pribadong sasakyan, habang P5,000 naman sa mga nasa pampublikong transportasyon.


Gayunman, hindi ito ikinatuwa ng taumbayan dahil anila, dagdag itong pahirap, lalo na sa mga senior citizen.


Sa halip tuloy na sumunod ang publiko, mas maraming nadismaya at imbiyerna dahil anila, parang ginawa nang negosyo ang pandemya.


Samantala, sang-ayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kung iisa lang sa sasakyan ay hindi na obligadong magsuot ng facemask ang mga ito.


Nauunawaan nating kailangang magsuot ng facemask, pero utang na loob, magkaroon naman tayo ng konsiderasyon. Baka kasi akala natin, epektibo ang mga ipinatutupad na hakbang, pero hindi pala.


Tulad ng palagi nating paalala, bago tayo magpatupad ng batas o kautusan, tiyakin nating wala itong masamang epekto sa publiko.


‘Ika nga, isip-isip bago magbaba ng kautusan. ‘Wag natin hayaang mabalewala ang ating mga pagsisikap kontra pandemya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page