top of page
Search

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 17, 2021



Labing isang buwan matapos manalasa ang COVID-19 pandemic sa bansa, lubhang naapektuhan ang ating ekonomiya, gayundin ang iba pang sektor ng gobyerno.


Milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay dahil sandamakmak na negosyo ang tuluyang nagsara.


Kaya upang maibangon ang ekonomiya, hiniling ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa mula Marso 21.


Sa ilalim ng mas maluwag na quarantine, nais payagang makalabas ang mga nasa edad lima hanggang 70, pagdagdag ng kapasidad sa pampublikong transportasyon hanggang 75%, pagbiyahe ng mas maraming provincial bus at pagbalik ng pilot-testing ng face-to-face classes.


Dagdag pa ng NEDA, maaaring magpatupad ng localized lockdown ang mga lokal na pamahalaan para mapigil ang pagkalat ng virus.


Samantala, pumalag ang dalawang alkalde sa National Capital Region (NCR) sa hiling na isailalim sa MGCQ ang buong bansa.


Kasabay nito, umapela ng mas mahabang pasensiya sa publiko ang mga alkalde habang hinikayat ang pamahalaan na ikonsidera ang payo ng mga eksperto hinggil dito.


Naninindigan din ang alkalde na mas magandang manatili muna sa kasalukuyang quarantine status dahil parating na ang bakuna.


Gayundin, ang desisyon para sa quarantine classification ay hindi lang umano dapat ibase sa mga eksperto sa ekonomiya dahil dapat ding konsultahin ang mga health experts.


Bagama’t totoong kailangang-kailangan nang bumangon ng ekonomiya sa kabila ng ating pakikipaglaban sa pandemya, marami tayong dapat ikonsidera.


Kabilang na riyan ang posibilidad ng panibagong hawaan, lalo pa ngayong may bagong variant ng COVID-19, na sinasabing mas mabilis makahawa.


Sa totoo lang, napakarami pang dapat pag-aralan at silipin, lalo na ang opinyon ng mga eksperto at lider.


Mahirap kasing basta na lang tayo magpatupad ng pagluluwag, tapos ang ending, LGUs ang sasalo ng problema ‘pag may hawaan sa kanilang nasasakupan.


Napakalaking hamon nito para sa ating lahat, pero ‘ika nga, kung magiging maingat at maagap tayo sa mga hakbang na nais nating maipatupad, magtatagumpay din tayo sa laban na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 16, 2021



Matatandaang Oktubre 2020 pa lang, pinapayagan na ng Resolution 79 ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga batang nasa edad 15 hanggang 17 na lumabas ng bahay, ngunit agad itong pinalagan ng Metro Manila Council (MMC).


Ngunit matapos ang ilang buwan, aprub na sa mga alkalde ng National Capital Region (NCR) ang paglabas ng mas maraming tao, partikular ang mga menor-de-edad sa gitna ng pandemya.


Paliwanag ng MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, planong gawin ng mga lokal na pamahalaan ang hakbang na ito upang muling buhayin ang ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya.


Kamakailan, inirekomenda ng IATF-EID ang pagluluwag ng quarantine restrictions para sa mga batang nasa edad 10 hanggang 14 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ), ngunit agad itong tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil pa rin sa banta ng COVID-19.


Kung tutuusin, kailangan na talagang umusad ng ekonomiya kahit patuloy na nananalasa ang pandemya, pero ang hamon ay kailangang matiyak na hindi makaaapekto ang planong pagpayag na lumabas ang ilang menor-de-edad sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Isa pa, kung talagang papayagang makalabas ang mga bata, tiyaking magkakaroon ng malinaw na panuntunan tulad ng mga lugar na puwedeng puntahan at kung kailangan ng guardian o magulang. Baka kasi ang ending, alam lang nilang puwedeng lumabas, pero hindi nauunawaan ang iba pang bagay na bawal at puwede.


Gayundin, hinihikayat natin ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang paghihigpit sa mga health protocols, lalo pa ngayong muli nang binuksan ang ilang industriya sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) kabilang ang Metro Manila.


Paalala rin sa mga magulang, oras na maisapinal ang pagluluwag na ito, ‘wag nating kalimutan ang ating obligasyon sa ating mga anak. Hindi porke pinayagang makalabas, larga na lang nang larga ang mga bagets at ‘pag napahamak, sino ang sisisihin, ang gobyerno?


Tandaan, tayo ang responsable sa bawat kilos ng ating mga anak at hindi ang ibang tao.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 15, 2021



Dahil sa pandemya, natutunan nating marami palang bagay ang puwede nating gawin online.


Mula sa pag-aaral ng mga estudyante, pagtatrabaho, konsultasyon sa mga doktor, gayundin ang mga miting at gathering ay kadalasang online na rin. Ngunit paano kung ang kasalan ay gawin na ring online?


Kaugnay nito, pinalagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang panukala sa Kongreso na gawing legal ang ‘virtual nuptials’ o pagpapakasal sa pamamagitan ng internet ngayong magkakahiwalay ang mga magkasintahan dahil sa pandemya.


Layon ng House Bill No. 7042 na amyendahan ang Family Code para kilalanin na legal o may bisa sa batas ang virtual weddings.


Ito ay sa kabila ng pagtala Philippine Statistics Autho­rity (PSA) ng pinakamababang porsiyento ng mga nagpakasal noong 2020 kung saan base sa datos, 50% ang ibinaba ng bilang ng mga nagpapakasal kumpara sa 2010 survey.


Samantala, pangamba ng simbahan, posibleng dumami ang mga pekeng kasal dahil sa pagsasamantala ng mga manloloko. Gayundin, hindi umano sapat ang restriksiyon sa mga simbahan dahil sa mga protocols ng pamahalaan para magpasa ng naturang batas.


Sa totoo lang, may punto naman ang simbahan, kaya siguro, kailangang pag-aralan nang mabuti kung dapat ba talagang magpasa ng ganitong panukala.


Baka ang ending kasi, maging wa’ ‘wenta ang panukala sa oras na maging normal na ang sitwasyon sa bansa.


Panawagan sa mga kinauukualan, ‘wag lang ang kasalukuyang sitwasyon ang inyong ikonsidera dahil mahalaga ring tingnan ang magiging epekto nito sa susunod na mga taon.


Totoo na marami pang mga kailangan pag-aralan at silipin, kaya ‘wag nating madaliin ang mga ganitong bagay para maiwasan din ang laban-bawi na mga panukala.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page