top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | December 18, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang mga programa raw ng gobyerno ay para sa kalusugan ng mamamayan, ngunit sa aktuwal na karanasan ng marami, nananatiling mailap ang serbisyong dapat sana’y karapatan ng bawat Pinoy. 


Ngayon ay malinaw na nasa malubhang krisis ang healthcare system ng bansa, hindi dahil kulang ang nangangailangan, kundi dahil kulang ang maayos, tapat, at direktang serbisyong ibinibigay sa taumbayan.


Ayon sa isang opisyal, maraming komunidad ang halos walang maayos na primary health services. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamayan na dumiretso sa malalayong pampublikong ospital, kung saan haharap sila sa mahabang pila, siksikang ward, at gastusing kadalasa’y sagot na nila mismo mula sa kanilang bulsa. Para sa mahihirap, ang pagkakasakit ay hindi lamang problema sa kalusugan, kundi lalong pagkalulong sa kahirapan.


Binigyang-diin din na kailangang itaguyod ang mga konkretong hakbang upang matiyak na ang batayang serbisyong pangkalusugan ay tunay na naaabot ng lahat. Isa sa mga tinuligsa niya ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program o MAIFIP. Sa halip na direktang mapunta ang pondo sa mga pampublikong ospital, kinakailangan pa itong idaan sa guarantee letter mula sa mga politiko.


Sa ganitong sistema, nagmumukhang limos ang serbisyong dapat sana’y awtomatikong ibinibigay ng estado. At ang masakit pa rito, nagkakaroon ng pakiramdam ang pasyente na may utang na loob pa siya sa pulitiko para sa tulong na galing naman sa kaban ng bayan. Isa umano itong malinaw na scam at tahasang paglabag sa karapatan ng mamamayan, lalo’t napakaliit pa ng pondong inilalaan sa naturang programa.

Hindi kakulangan ng pera ang ugat ng problema, kundi maling prayoridad at korapsyon.


Habang may pondo sa papel, nauuwi ito sa kontrol ng iilan sa halip na direktang mapakinabangan ng mga ospital at pasyente.


Kung tunay na may malasakit ang pamahalaan, dapat ayusin ang healthcare system mula sa pinakapundasyon nito. Direktang pondohan ang mga ospital, palakasin ang primary health care, at tanggalin ang sistemang ginagawang pabor ang serbisyong publiko. Ang kalusugan ng mamamayan ay hindi dapat dumaan sa palakasan, pangalan, o koneksyon.


Ang maayos na healthcare ay hindi pribilehiyo kundi karapatan. Hangga’t may mga kamay na mas inuuna ang sariling bulsa kesa sa buhay ng tao, mananatiling may sakit ang sistemang dapat sana’y nagpapagaling sa bayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 17, 2025



Boses by Ryan Sison


Masakit isipin na pabata ng pabata ang madalas makaranas ng depresyon, anxiety at self-harm na hindi dapat nila nararanasan sa murang edad. Sa lumalalang social media addiction, tila wala ng kontrol ang kabataan sa kanilang paggamit nito.


Kaya’t ang desisyon ng Australia na ipagbawal ang social media sa mga batang 16-anyos pababa ay isang magandang layunin na dapat pag-isipan at tularan din ng ating bansa.

Pormal nang sinimulan ng Australia ang pagpapatupad ng bagong batas na nagbabawal sa mga menor-de-edad, partikular sa edad 16 pababa, sa paggamit ng mga social media platforms. 


Ayon sa isang pahayag, ito ang kauna-unahang batas ng ganitong uri sa buong mundo.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang mga malalaking platform tulad ng TikTok, YouTube, Instagram, at Facebook na harangin ang mga user na wala pang 16 taong gulang. Ang sinumang kumpanyang lalabag ay maaaring pagmultahin, patunay na seryoso ang pamahalaan sa pagpapatupad nito.


Layunin ng batas na protektahan ang mga kabataan mula sa mapanganib na content, labis na pagka-adik sa online, at lumalalang isyu sa mental health. Sa halip na magkulong sa screen, hinihikayat ang mga estudyante na maglaan ng oras sa sports, pagbabasa, at iba pang makabuluhang aktibidad na humuhubog sa disiplina at karakter.


Malawak ang suporta ng mga magulang at child-safety groups sa bagong patakaran. Para sa kanila, ito ay proteksyon, hindi paghihigpit. Gayunman, tutol dito ang ilang tech companies at eksperto na nangangambang itulak nito ang mga bata sa hindi regulated na websites. Ngunit malinaw na mas matimbang ang kaligtasan ng kabataan kaysa sa kita ng mga digital na negosyo.


Maraming bansa ngayon ang nakamasid sa Australia upang alamin kung magiging epektibo ang batas. 


Dagdag pa rito, posible rin itong ipatupad sa ‘Pinas kung dahan-dahang may malinaw na gabay, at may sapat na paghahanda.


Sa ating bansa kung saan laganap ang unfiltered content at maagang exposure ng bata sa social media, napapanahon nang isulong ang ganitong batas. 


Ang social media ay maaaring nilang magamit sa tamang gulang, pero ang mental at emosyonal na kalusugan ng bata ay hindi basta napapagaling.


Ang responsableng gobyerno ay hindi lamang nagbibigay ng kalayaan, kundi nagtatakda rin ng hangganan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon. 


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 16, 2025



Boses by Ryan Sison


Palagi na lang nating naririnig na ang batas ay pantay para sa lahat, ngunit sa realidad ng buhay, madalas mahirap lang ang napaparusahan.


Kaya naman mahalagang hakbang ang agarang direktiba ng Philippine National Police laban sa sarili nilang hanay, hakbang na dapat maging simula ng tunay na pananagutan.


Agad na iniutos ni PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsasailalim sa dismissal proceedings ng mga pulis na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga matapos ang isinagawang targeted intelligence-driven drug test sa Leyte. 


Ang mga sangkot ay pawang may ranggong Police Corporal at mga miyembro ng Palompon Municipal Police Station.


Isinagawa ang targeted drug test matapos makatanggap ng ulat at magsagawa ng serye ng beripikasyon ang Team 8 ng Integrity Monitoring and Enforcement Group–Visayas Field Unit. 


Ayon sa impormasyon, naaktuhan umanong gumagamit ng shabu ang mga pulis noong Setyembre ng kasalukuyang taon. Nang lumabas ang resulta ng drug test at makumpirmang positibo, hindi na nagpatumpik-tumpik ang pamunuan ng PNP.


Kaagad na naglabas si Nartatez ng malinaw at matibay na direktiba na sampahan ng administratibong kaso ang mga sangkot alinsunod sa umiiral na patakaran ng PNP. Inamin ng acting chief ang matinding pagkabahala at hayagang pagkadismaya sa insidente, binigyang-diin na walang puwang sa organisasyon ang mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.


Muling iginiit ng PNP na mariin nilang kinokondena ang ganitong gawain at sisiguraduhing mananagot ang sinumang pulis na sumisira sa integridad ng kanilang hanay. Hindi lamang administratibong parusa ang usapin dito, kundi ang kredibilidad ng buong institusyon.


Kapag ang mahihirap ang nagpositibo sa droga, kulong agad. Kaya kung pulis ang sangkot, ‘hindi sapat ang suspensyon o pagtanggal sa puwesto, dapat tanggalan ng lisensya, tuluyang sibakin sa serbisyo, at ikulong kung may ebidensya. Ang uniporme ay hindi dapat maging panangga laban sa hustisya.


Kapag ang batas ay ipinatupad nang walang kinikilingan, saka lamang muling mabubuo ang tiwala ng taumbayan. Ang pulis na gumagamit ng droga ay hindi tagapagtanggol ng batas, kundi banta sa lipunang dapat nitong pinagsisilbihan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page