ni Leonida Sison @Boses | September 14, 2025

Sa gitna ng mga panawagan ng publiko laban sa umano’y katiwalian, partikular na sa flood control projects, nananatili naman ang suporta at hindi bibitiw sa gobyerno ang mga sundalo at militar.
Naninindigan ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng kanilang pagiging tapat sa Konstitusyon at sa taumbayan.
Sa inilabas na pahayag nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., mariin nilang tinututulan ang mga tangkang ilihis ang misyon ng militar sa mga usaping pulitikal. Tinawag nila itong “futile and irresponsible”, na para bang sinasabing hindi dapat ginagawang ‘laruan’ ang AFP sa mga agenda ng iilang grupo. Sa halip, binigyang-diin nila ang pagiging propesyonal at non-partisan ng institusyon — isang paninindigan na dapat pahalagahan sa panahon ng kahinaan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Hindi rin nila kinakalimutan ang laban kontra-korupsiyon, na kanilang tinaguriang pambansang krusada. Ang ganitong mensahe ay mahalaga dahil ipinapakita nitong hindi sila basta nagbubulag-bulagan sa mga usaping nagpapahirap sa mamamayan at sa bayan. Pinaninindigan nila na ang tunay na serbisyo ay nakaugat sa integridad at pananagutan, isang pangakong iniaalay nila sa mga bayani at sa susunod na henerasyon ng mga Pinoy.
Sa kabila ng mga panawagan na magsalita, o pumabor ang militar sa ilang isyu, pinatutunayan ng AFP na ang tanging sinusunod nila ay ang tinatawag na Chain of Command at ang mandato ng batas. Ito ay nagpapakita ng respeto sa demokratikong proseso, taliwas sa mga panawagang magpatupad ng hakbang na wala sa legal na balangkas o labag sa batas. Ang ganitong paninindigan ay hindi lamang pagtalima sa Konstitusyon kundi isang proteksyon laban sa kaguluhan na maaaring idulot ng pamumulitika.
Ang pahayag ng AFP at DND ay hindi lamang simpleng depensa laban sa tila nagtatangkang guluhin ang ating bansa. Isa itong paalala sa ating lahat na ang tunay na pagbabago ay hindi kailanman makakamit sa marahas o anumang pag-aaklas. Ang kapayapaan at kaunlaran ay makakamtan lamang kung may pagtitiwala sa demokratikong institusyon, paggalang sa mga proseso at pagkakaisa sa ilalim ng batas.
Tulad nila, at bilang mamamayan, ipanata rin natin na maging tapat sa Konstitusyon, sa kapwa at sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




