ni Leonida Sison @Boses | September 29, 2025

Maituturing na mabigat na kasalanan ang pananamantala sa mga overseas Filipino worker (OFW) na dugo’t pawis na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya. Ang panloloko sa kanila ay hindi simpleng scam, kundi pambabastos sa kanilang dangal at kabuhayan.
Hindi biro ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan sa ibang bansa, kaya lalong nakakagalit na sila pa ang nagiging puntirya ng mga scammer na walang konsensya.
Kaya naman nagbigay ng babala ang Philippine Consulate General sa ating mga OFWs sa Hong Kong laban sa kumakalat na pekeng mensahe na nagsasabing nagbibigay umano ng libreng groceries at health services ang pamahalaan ng Hong Kong. Ayon sa abiso, ipinapadala ang mga scam message sa WhatsApp, Viber, at Facebook, at nag-aalok ng groceries na aabot hanggang HK$5,000, at may libreng eye check-up, at eyeglasses. Subalit, pinatunayan naman na walang ganitong programa ang Hong Kong government.
Ayon kay Vice Consul Gino Soriano, kung may nag-aalok man ng groceries o serbisyo, ito ay pribadong inisyatiba at hindi opisyal na tulong mula sa pamahalaan.
Ang mga nakalap na impormasyon ng mga biktima gaya ng pangalan, mobile number, o HKID card ay maaaring gamitin sa pagbubukas ng fake o stooge accounts para sa money laundering. Kaya mahigpit na paalala ng kagawaran na huwag basta-basta magbibigay ng detalye at laging magdoble-ingat sa mga random na alok online.
Batay pa sa mga ulat, walang ipinamimigay na libreng groceries, pero may mga produktong kasama sa medical vouchers na nakalaan para sa mga residenteng may edad 65 pataas, kabilang ang migrant domestic workers. Ang medical vouchers na ito, ay nagkakahalaga ng HK$2,000 kada taon at maaaring umabot ng HK$8,000 kung hindi nagagamit, ito ay para sa serbisyong medikal, dental, at optical.
Payo rin ng Philippine Consulate General, sa mga nakatanggap ng ganitong scam messages, maaaring mag-report sa Anti-Deception Coordination Centre ng Hong Kong Police Force sa Anti-Scam Helpline 18222, o makipag-ugnayan agad sa kanila.
Hindi puwedeng ipagsawalang-bahala ang mga ganitong klase ng scam. Ang mga OFW na itinuturing nating haligi ng ating ekonomiya ay dapat protektahan, pangalagaan ang kanilang kapakanan para mailayo sa anumang panlilinlang. Ang mga nasa likod ng modus na ito ay dapat tugisin at papanagutin upang hindi na makapanloko pa.
Sa panahong mabilis ang paglaganap ng online scam, ang pinakamabisang panlaban ay pagiging mapanuri, matalino at matatag.
Kung magkakaisa ang pamahalaan, komunidad, at mamamayan laban sa panlilinlang, masisiguro nating hindi mauulit ang ganitong pagsasamantala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




