ni Leonida Sison @Boses | October 2, 2025

Hindi natin maiiwasan ang pagtama ng anumang kalamidad, sakuna at trahedya, gaya ng nangyari sa Cebu na sa lakas ng lindol ay sumira ng mga imprastruktura at hanapbuhay ng mga taga-roon, nagtala rin ng mga nasawi at marami ang nasugatan, kaya mahalaga ang pagbibigay ng tulong, kailangan ng mabilis at aktuwal na pagsaklolo para sa mga kababayan.
Ang magnitude 6.9 na yumanig sa Bogo City, Cebu noong Martes ng gabi ay isang paalala na ang agarang aksyon at konkretong suporta ang kinakailangan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.
Matinding pinsala ang naitala sa mga bayan ng Daanbantayan, Medellin, San Remigio, at Bogo City. Sa Daanbantayan, napuruhan ang mahigit 100-taong gulang na Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima, isang makasaysayang simbahan. Sa San Remigio, nagdeklara na ng state of calamity matapos ang malawakang pagkasira ng mga kabahayan at imprastruktura. Sa Medellin, iniulat ang nasawi at marami ang nasugatan, bukod pa sa pagkawasak ng daungan, tulay, at mga gusali. Maging ang kulungan doon ay naapektuhan, pero nailigtas ang 404 na preso. Inilikas din ang mga pasyente ng Cebu City Medical Center upang maiwasan ang panganib ng aftershocks.
Sa Bogo City na sentro ng lindol, bumigay ang bahagi ng isang fast food resto habang sa Cebu Business Park, nagtakbuhan palabas ang mga empleyado mula sa mga gusali.
Kahit ang Miss Asia Pacific International gala night ay nahinto at nagtalunan ang mga kandidata para magtago sa ilalim ng lamesa, pati ang mga bisita.
Agad namang kumilos ang lokal at pambansang pamahalaan. Sa kautusan ni Gov. Pamela Baricuatro ay mabilis na nagpadala ng relief goods, medisina at iba pa sa mga apektadong lugar, habang tiniyak ng Office of the President ang agarang tulong sa kanila.
Ang Department of Health (DOH) ay nagpadala na rin ng trauma team, at inihanda ang dagdag na ayuda sa mga sugatan. Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) na may sapat na pondo sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), kung saan may natitira pang P8 bilyon.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na agad gamitin ang Quick Response Funds (QRF) ng mga ahensya gaya ng DSWD, DPWH, DOH, at OCD.
Sa ganitong panahon, kailangan na lahat ng tulong ay agad makarating para sa mga nilindol. Ang bawat oras ng pagkaantala ay dagdag-pasanin sa mga sugatan, nagugutom, at nawalan ng tirahan.
Totoong hindi maiiwasan ang kalamidad tulad nito, pero mababawasan ang malaking pinsala kung ang lahat ng ahensya ay mabilis na kikilos.
Kung tutuusin, ang pagkakaroon ng pondo, plano, at tulong ay nawawalan ng saysay kung hindi agad na makakarating sa mga nabiktima ng sakuna.
Sana ang pamahalaan ay hindi puro press release, dapat diretso ang pag-aksyon at pag-abot nila ng tulong.
Gayunman, isipin na lamang na sa oras ng trahedya, tayo-tayo lang din ang magkakasama, kaya naman dapat kapit-bisig lang at samahan ng dasal dahil batid nating lahat na walang maiiwan kahit dalihin man tayo ng anumang kalamidad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




