ni Leonida Sison @Boses | October 8, 2025

Ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at bayarin ay isa sa mga dahilan kaya kumakapit ang iilan sa mga maling gawain para lang makaraos sa kanilang mga pang-araw-araw. Kung mangyayaring maalis o mabawasan ang buwis na kinakaltas sa taumbayan, isang maayos na hakbang ito para mamuhay ng sapat at guminhawa ang buhay ng bawat Pilipino.
Ito ang panukala ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na VAT Abolition Bill, na tila himala sa bulsa ng masa. Layunin nitong tanggalin ang 12% value-added tax (VAT) sa mga pangunahing produkto at serbisyo, na aniya’y pumapatay sa kakayahan ng mga Pinoy na kumita nang sapat at mamuhay ng mas marangal.
Ayon kay Barzaga, matagal nang ginagamit ang VAT bilang universal tax na walang pinipili — mayaman, mahirap, estudyante, o walang trabaho. Ang problema, pare-pareho ang buwis, pero hindi pareho ang antas ng pamumuhay. Sa madaling sabi, parehong binubuwisan ang gutom at busog, kaya’t lalo lamang nalulubog sa hirap ang mga ordinaryong mamamayan.
Tinawag niya itong regressive and unfair tax system na hindi na akma sa panahon kung saan halos bawat sentimo ay pinagpapaguran.
Binigyang-diin din ni Barzaga na panahon na para sa “radical change” sa sistema ng pagbubuwis. Sa halip na patuloy na umasa ang gobyerno sa VAT, nais niyang palitan ito ng mas makatarungan at progresibong pinagkukunan ng pondo, mga buwis na mas babagay sa kakayahan ng bawat sektor ng lipunan.
Dagdag pa niya, hindi dapat pinapasan ng mahihirap ang bigat ng gastusin ng gobyerno habang ang mga malalaking negosyo ay nakakahanap ng paraan para umiwas dito.
Para sa kanya, ang VAT ay isang sistemang matagal nang kumakain sa kakayahan ng mga tao na mamuhay nang maayos.
Ang pag-alis nito, aniya, ay hindi lamang pagbawas sa tax, ito ay pagpapalaya sa bawat Pinoy mula sa pagkakalubog sa sobrang pagbubuwis.
Marahil, oras na para pag-isipan natin kung kanino, saan talaga nakikinabang ang sistema ng buwis sa ating bansa. Dahil kung tunay na layunin ng pamahalaan ay maiahon ang bayan, dapat unahin ang mga nasa ibaba, hindi ang mga nasa tuktok.
Ang pag-aalis nito ay maaaring maging simula ng isang ekonomiyang patas, kung saan hindi kailangang mamili muna ang isang pamilya sa pagitan ng kanilang pagkain at babayarang kuryente.
Ang repormang ito ay hindi lang simpleng abolisyon ng buwis, kundi pagresolba ng kawalang-pantay sa ekonomiya.
Kung mangyari man ito, posibleng sa wakas ay maramdaman ng bawat Pinoy na ang gobyerno ay tunay ngang nasa kanilang panig, at hindi nakakiling sa pandarambong.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




