ni Leonida Sison @Boses | October 11, 2025

Hindi kailangang maging ekonomista para maramdaman ang bigat ng bawat kaltas sa sahod ng mga manggagawa. Sa kada payslip na natatanggap na halos kulangin na sa gastusin, ang ideya ng isang buwang tax holiday ay parang liwanag sa dulo ng mahabang listahan ng mga bayarin.
Isang panandaliang hakbang, pero minsan sapat na ang pahinga para makaramdam ng pag-asa.
Ang mungkahing ito ni Senador Erwin Tulfo ay tila himig ng malasakit, isang mithiin na puwedeng isentro ng pamahalaan ang lagay ng mga manggagawa at mapagaan ang pagbabayad sa kanilang buwis.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1446 o One-Month Tax Holiday of 2025, layong bigyan ng isang buwang kaluwagan sa buwis ang mga manggagawa. Hindi kakaltasan ng tax ang sahod sa loob ng isang buwan, subalit mananatili ang mga obligasyon o mandatoryong kontribusyon gaya ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. Para naman sa mga mixed-income earners, tanging bahagi ng kanilang kita mula sa sahod ang saklaw nito.
Paliwanag ni Tulfo, ang panukalang ito ay tugon sa hinaing ng taumbayan na sawa at pagod na ring magbayad ng buwis habang nababalitaan ng mamamayan ang mga anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.
Gayunman, nagbigay ng paalala si Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, na kailangang dumaan sa masusing pag-aaral ang panukalang ito. Aniya, ang Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) ang may mabigat na responsibilidad na suriin kung kakayanin ito ng bansa, lalo na’t bawat piso sa kaban ay may katapat na serbisyong dapat pondohan.
Ayon kay Go, habang pinag-aaralan ang panukala, patuloy namang isinusulong ng administrasyon ang mga programang tulad ng CREATE MORE Act at PPP Code upang mapanatili ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Kung maisasakatuparan nang maayos, ang tax holiday para sa mga manggagawa ay hindi lang simpleng pagbawas sa kanilang buwis. Isa itong sandali kung saan narinig ng gobyerno ang hinaing ng mga Pinoy na araw-araw na nagtatrabaho at nagsisikap para rin sa ikauunlad ng ating bansa.
Minsan, hindi kailangang malaki ang tulong na ibibigay para makaranas ng pagbabago, sapat na ang isang buwang pahinga mula sa bigat ng buwis upang maramdaman muli ng taumbayan ang panahon na kung saan buo nilang makukuha at matatamasa ang sarap ng kanilang pinagpaguran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




