top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 05, 2020



Naging ligtas ang Metro Manila sa hagupit ng Bagyong Rolly, ang pinakamalakas na bagyo sa taong ito, sa buong mundo. Batay sa unang pagtahak ng bagyo, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administrations (Pagasa) na maaari itong dumaan malapit sa Metro Manila kaya naglabas ng mga babala hinggil sa malakas na hangin at pagbaha. At dahil sa naging karanasan ng Metro Manila noong Bagyong Ondoy, mas naging maingat na ang karamihan.

Pero nang tumama na ang bagyo sa bansa at ilang beses din nag-landfall, imbes na Metro Manila ang tinamaan, lalawigan ng Batangas ang napinsala nang husto ni “Rolly”. Halos nalusaw na ang bagyo, pero malaki ang iniwan nitong hindi magandang epekto.


Mahigit isang bilyong piso ang tinatantiyang pinsala nito sa agrikultura. Bagama’t wala pang datos ng pinsala sa imprastruktura, siguradong hindi ito biro.

Inutos agad ang mga kinaukulang ahensiya na simulan na ang pagsasaayos ng mga serbisyo tulad ng telco at paglinis ng mga kalsada. Tulungan din ang mga napilitang lumikas mula sa mga peligrosong lugar.


Ang nakasunod na Bagyong Siony ay maaaring hindi na tumama sa bansa, sana nga. Malawak na ang pinsalang idinulot ng Bagyong Quinta at Rolly. Hindi kailangan ng karagdagang pampabigat ang ating mamamayan.

Sa ngayon ay malayo pa rin ang bansa sa lubos na paghahanda sa bagyo. Nakapagtataka dahil madalas naman tamaan ng bagyo ang bansa pero bakit tila nagkukulang pa rin sa preparasyon? Kahit ang pagbabaha ay hindi masolusyunan sa kabila ng napakalaking budget ng DPWH sa kahit kaninong administrasyon.


Hindi ba, dapat dito naka-focus ang DPWH para tuluyan nang matugunan ang problema ng pagbabaha? Walang problema sa paglikha ng maraming kalsada pero, ano ang silbi nito sa malalim na baha? Marami nang ahensiya ang gobyerno para matugunan ang kalamidad.


Hindi na kailangan ng karagdagang ahensiya kung dapat kinakaya na ng mga iba’t ibang kagawaran at ahensiya. Paghahanda, impormasyon, koordinasyon at tamang paglabas ng pondo ang kailangan.


Malakas ang panukala na magbuo ng hiwalay na ahensiya para lang tungunan ang mga kalamidad. Kailangan pa ba ‘yan, hindi ba’t may National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) naman?

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 31, 2020



“Resignantion will not save your neck!”


Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng Philhealth na nagbitiw sa tungkulin sa kasagsagan ng imbestigasyon sa katiwalian sa ahensiya. Hindi matatakasan ng mga sangkot sa katiwalian ang managot para sa mga kriminal na aktibidad. Maganda ang banta na ‘yan. Dapat lang matakot ang mga sangkot na katiwalian at kriminalidad. Pero nananagot ba sila? Nakukulong ba sila? Nasesentensiyahan ba sila?


Samantala, pinuna ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mukhang absuwelto agad ang mga kaalyado Pangulo, tulad ni DOH Sec. Francisco Duque III at DPWH Sec. Mark Villar.


Kailan lang, ang DPWH naman ang nasa balita dahil sa umano’y patuloy na katiwalian, kahit sa ilalim ng administrasyong ito na madalas ipagmalaki na galit sa korupsiyon. Sa imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), may mga mambabatas na nakikinabang sa “kickbacks” ng mga proyekto ng DPWH. Hindi raw sila puwedeng magbulag-bulagan kaya magsusumite sila ng ulat sa Pangulo tungkol sa resulta ng imbestigasyon.


Pero may kahihinatnan ba ang lahat ng inakusahan at kinasuhan dahil sa katiwalian? Magbanggit tayo ng ilang ehemplo. Ano ang nangyari sa kaso laban kina Janet Lim-Napoles, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile na may kinalaman sa PDAF scam?


Ano na ang nangyari sa kaso laban sa dalawang Usec. Ng Bureau of Immigration dahil sa P50-M pangingikil sa gaming tycoon? Ang kontrobersiya sa Bureau of Customs at Bureau of Corrections? Mga tauhang namuno sa ahensiyang ‘yan na nabigyan pa ng ibang posisyon matapos bumitiw. May nakulong na ba sa mga ‘yan, nahatulang may sala kahit may mga mabibigat na ebidensiya laban sa kanila?


“Due process” ang madalas na dahilan ng gobyerno. Pero taon ang inaabot ng mga high-profile na kasong ito. May ebidensiya at may testigo laban sa mga suspek, ano pa ang kailangan? Hindi na nakapagtataka kung taon ang aabutin ng mga pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian sa Philhealth, baka nagpalit na ang administrasyon ay wala pang nangyayari riyan o sa mga kasong nabanggit.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 29, 2020



“Presumption of regularity” ang palaging sinasabi ng mga tagapagpatupad ng batas. Ang iginigiit ay lahat ng kanilang ginagawa ay lehitimo at legal. Pero alam nating hindi ganito ang palaging kalakaran o tunay na nangyayari.


Kamakailan, pinabulaanan ng CCTV ang umano’y buy-bust operation ng mga ahente ng PDEA sa Dumaguete. Hindi nagtugma ang istorya ng limang ahente ng PDEA sa CCTV footage. Makikita rito na isa-isang dinampot ang mga “suspek” sa magkakaibang lugar bago dinala sa bahay ng isa sa mga suspek at doon na “inaresto”.


Ano ang laban ng mga inaresto kung walang CCTV footage? Siguradong “presumption of regularity” ang idadahilan ng mga mga ahente. Hindi maiiwasang itanong, sa lahat ba ng operasyon kontra ilegal na droga mula 2016, ilan ang mga tunay at ilan ang hindi, kung walang CCTV para mapatunayan ito?


Samantala, iniimbestigahan na ang limang ahente ng PDEA. Dapat kasuhan ang mga ‘yan dahil may ebidensiya—may CCTV footage.


Pinaliwanag ng PDEA, hindi ganyan ang karaniwang kalakaran sa ahensiya. Pero, paano natin malalaman? Ano ang motibo ng limang ahente para i-peke ang operasyon? May promosyon ba sila kung nakahuli sila ng mga suspek sa ilegal na droga? May dagdag-bayad ba sila kung makahuli?


Matagal nang krimen ang pagtulak at paggamit ng ilegal na droga, kaya ang tanong ay bakit ngayon lang nagseryoso ang PNP, PDEA at iba pa na manghuli?


Kung ano ang nais ng kasalukuyang pangulo na sugpuin, ‘yan ang susundin ng PNP? Kung ang susunod na pangulo ay galit sa mga jaywalkers o kidnapping, d’yan ba magiging seryoso naman ang PNP?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page