top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 10, 2021



Kaliwa’t kanan ngayon ang balita kaugnay sa kaso ni Christine Angela Dacera, ang PAL flight attendant na natagpuang walang malay sa bathtub ng isang hotel sa Makati noong Bagong Taon.


May kasama umano siyang 11 lalaki sa hotel para ipagdiwang ang Bagong Taon. At nang hindi nila umano magising si Dacera, dinala ng mga ito ang biktima sa ospital at doon na dineklarang patay na.


Batay sa imbestigasyon ng pulis, may krimeng naganap kaya inalam kung sinu-sino ang mga kasama ni Dacera noong gabing ‘yun. Tatlo sa 11 ay agad nasa kostodiya ng pulis habang hinahanap pa ang walo. Agad nagpahayag na ginahasa diumano si Dacera at pinatay, batay ulit sa kanilang imbestigasyon. Nagsampa ng unang kasong rape with homicide laban sa 11 ang PNP at nagpahayag na nalutas na ang kaso — ang bilis. Pero teka, sandali.


Nagpahayag ang isa sa 11 suspek na hindi niya magagahasa si Dacera dahil siya ay bakla.


Aniya, ang ibang lalaking dumating sa party na ‘yun ay mukhang mga bakla rin. Nang makita nila si Dacera na walang malay sa banyo, nag-CPR umano nito ang dalaga pero nang hindi na kinayanan at itinakbo na sa ospital.


Hindi rin sumang-ayon si NCRPO Chief Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. na sarado o lutas na ang kaso. Dapat malinaw sa pulis kung sino ang gumahasa at kung ano talaga ang ikinamatay, mga detalyeng hindi pa inilalabas ng PNP. Kung nasobrahan sa alak o kung may sangkot na ilegal na droga. May lumabas pa sa social media na ang ikinamatay ni Dacera ay ruptured aortic aneurysm, kondisyon na delikado kung totoo talaga. At hindi pa nahuhuli ang ibang suspek kahit alam na ng PNP kung sino sila. Binantaan na ni PNP Chief Gen. Sinas na sumuko na ang walo kundi ay hahabulin na sila. Kaya paano raw masasabing sarado o lutas na ang kaso?


At tama ang mga pahayag ni BGen. Danao, Jr. ibinalik ni Makati City Prosecutor General Benedicto Malcontento sa pulis ang kaso para sa karagdagang imbestigasyon at ebidensiya, at pinalaya ang tatlong hawak na ng pulis. Lutas na raw ang kaso? Anyare? Lumalabas na kulang ang ebidensiya ng pulis para kasuhan na ang kanilang mga suspek. Ngayon, ang nais ng pamilya ni Dacera ay idaan sa ibang medico-ligal ang awtopsiya. Kaya siguro ayaw munang lumutang o sumuko ng walo dahil agad na silang inakusahan ng mabigat na krimen kahit hindi pa sila nakakausap. Baka ngayon lumutang na sila, at dapat lang para ibigay ang kanilang pahayag at panig. Malinaw na hindi pa lutas o sarado ang kasong ito. Nagmadali lang ang PNP. Bakit kaya?

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 7, 2021



Happy New Year sa lahat!


Salamat at lumipas na rin ang 2020. Pero simula pa lang ng taon ay may isyu na tayong pag-uusapan. Kung ang mga salitang ‘quarantine’, ‘lockdown’ at ‘pandemic’ ang madalas nating marinig last year, malamang ay ‘bakuna’ na ang karaniwang salita na mababanggit ngayong bagong taon.


Pero wala pang bakunang nakukuha ang gobyerno para sa mga Pinoy. ‘Yan ang opisyal na katayuan ng Food and Drug Administration (FDA). Wala pang inaaprubahang bakuna para maipamahagi sa publiko — maliban na lang kung miyembro ng Presidential Security Group (PSG).


Buking na nabakunahan na ang mga miyembro ng PSG. Ito ay ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte. Samantala, nagpahayag na rin si PSG chief Brig. Gen. Jesus Durante III na sila lang ang nagdesisyon na mapabakunahan na ang mga miyembro ng PSG ng bakuna na hindi pa aprubado ng FDA ng Pilipinas.


Kaya, maraming tanong ang lumalabas ngayon na hindi diretsong masagot ng PSG at administrasyon. Paano nakapasok ang bakuna na ‘yan? Ayon sa Bureau of Customs, walang dumaan sa kanilang bakuna kaya sigurado smuggling ‘yan. Hindi ba krimen ‘yun?

At kung paniniwalaan si Durante na sila lang ang nagdesisyon na magpabakuna, sino ang kumausap sa Sinopharm para maipasok ang mga bakuna? Sino rin ang nagbayad?


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, regalo o donasyon ‘yun kaya walang nilabag na batas, kaya tapos na ang usapang ‘yan.


Kung ganun, alam pala nilang may pumasok na bakuna sa bansa kahit ilegal.


Ganito ang kasalukuyang administrasyon, kapag sila ang kumilos na labag sa batas, okay lang ‘yun. Pero ano ang silbi ng FDA kung hindi pala nila mapipigilan ang isang sangay ng gobyerno na kumilos ng ilegal?


Ano ang gagawin ng Bureau of Customs ngayong malinaw na smuggling ang naganap sa pagpasok ng bakuna? Maniwala tayong may mangyayari sa imbestigasyon ng NBI sa isyu na ito. Gayundin, ano ang katayuan ng DOJ kung malinaw na labag sa batas ang naganap? Kakasuhan ang buong PSG? At kapani-paniwala ba na ang PSG lang ang kusang nagdesisyon na magpabakuna, na sila lang ang kumausap sa Sinopharm, at naipasok nila ang bakuna na hindi alam ng ilang opisyal o ahensiya, o ng Palasyo mismo? Kung hindi PSG ang gumawa kaya niyan at sabihin natin ang mga tauhan ng tanggapan ng Vice-President ang kusang nagdesisyon tulad ng ginawa ng PSG para maprotektahan rin si Vice-President Leni Robredo, hindi kaya inaresto na sila agad at kinulong?


Tila ganito na ang kapulisan at militar sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno. Dapat maniwala ang publiko na wala silang nilalabag na batas sa lahat ng kanilang kilos, na dapat sila ang rinerespeto ng publiko.


Hindi man lang medical frontliners na talagang kailangan ng proteksiyon ang unang binigyan ng bakuna. At sa kabila ng isyung ito, wala pa ring linaw kung kailan magkakaroon ng legal na bakuna na ipinasok sa bansa at aprubado ng FDA para sa mamamayan.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 29, 2020



Bakit nga naman magpapabakuna sa produkto na may 50% porsiyento lamang na “efficacy rate” o bisa sa tao? Kapag sinabihang “fifty-fifty ang posibilidad” ng anuman, aprubado na ‘yan sa iyo? Hindi ba malaking sugal ‘yan para sa bakuna? Ito ang lumalabas na bisa ng bakuna ng Sinovac, ang tila paboritong bakuna na ipapasok sa bansa na siyempre, made in China.


Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), katanggap-tanggap na ang porsiyentong ‘yan para magamit sa bansa — ‘yan mismo ay mula sa DOST.


Sa kabila nito, umalma ang ilang mambabatas. Anila, kalokohan ang pahayag ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun. Ang pahayag ni Fortun ay hindi dapat bumibigay ang gobyerno sa “any overture, pressure, or campaigning by the Chinese government, the Chinese embassy, or any of their proxies”. Sa madaling salita, huwag bumigay na naman sa China. Hindi rin tinanggap nina Sen. Miguel Zubiri at Sen. Franklin Drilon ang bakuna ng Sinovac. Hindi raw magtatanim ng tiwala sa bakuna kung ganyan lang ang bisa.


Nahuhuli na nga ang Pilipinas sa paggamit ng bakuna para masimulan na ang laban sa COVID-19. Nauna na ang Singapore bilang unang bansa sa Asya na tumanggap ng bakuna mula Pfizer/BioNTech. Alam nating mahirap mag-imbak ng bakunang ito at kailangan malamig na malamig ang paglalagyan. Ang mayayamang bansa ang natural na nakakuha agad ng bakuna ng Pfizer/BioNTech at Moderna at nagsimula nang bakunahan ang kanilang mamamayan. Sa Amerika, higit isang milyon na ang nabakunahan pero ang target ay dalawampung milyon agad. Siguradong nais ng Amerika na bumalik na sa normal ang buhay at matanggal na sa pagiging numero unong bansa sa dami ng kaso ng COVID-19.


Minamadali na raw ang pagdala ng bakunang Moderna sa Pilipinas. Ang bakuna mula AstraZeneca ay parating na rin. |Mabuti naman at maraming pagpipilian at hindi isang bakuna lang na mababa pa ang bisa. Para sa mga nais na munang maghintay, nasa kanila na iyon. Kapag mabisa ang bakuna, tulong na iyon para makamit ang “herd immunity” kung saan mababawasan na ang makakapitan ng virus at kusang mawawala na lang — yan ang plano. Sana maging matagumpay!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page